Eleksyon 2022 Sa Pilipinas
Nalalapit na naman ang eleksyon sa Pilipinas, lahat sila determinadong makaupo sa pwestong kanilang pinapangarap. Ngunit ang tanong, ang mga kandidato bang ito ay nararapat na manungkulan? Baka naman kapangyarihan lamang ang nais nila at ang makapagnakaw sa gobyerno. Hindi na nakakagulat sapagkat ganito naman palagi ang kalakaran sa ating bansa.
Sana sa darating na eleksyon, ang mga tao ay mag-isip na mabuti kung sino ba ang karapat-dapat nilang iboto. Wag sana sila madala sa mga nag-uudyok sa kanila o sa mga palabas lamang ng mga kandidato na kunwari ay concern talaga sa mga mamamayan at sa buong bansa.Lalo na sa mga kandidatong handang magbayad para lamang sa kanilang ikapapanalo.
Ako personally, wala pa talaga akong napupusuan kung sino sa kanila ang dapat kong iboto. Marami pa akong tinitimbang na mga bagay sa bawat kandidato. Tinatanong ko sa aking sarili kung may bahid ba sila ng kurapsyon? Naging instrumento ba sila para sa ikababagsak ng ating bansa o sa ikauunlad? Naging mabuti ba silang halimbawa mula ng sila ay manungkulan bilang isang politko? Minsan kung ito ang aking pagbabasehan parang wala ni isa sa kanila. Pero kailangan nating bumoto para sa ating bansa.
Marami na din ang nakikita ko na nag-aaway dahil lang sa eleksyon, kung sinu-sino ang kani-kanilang mga manok. Lahat di patatalo, lahat sila parang maraming alam at matatalino. Sila-sila mismo ay nag-aaway para kanilang mga manok. Sana nga maging matalino ang bawat Pilipino sa kanilang pagboto. Sa ngayon marami na din ang nagpapamudmod ng pera para lang sila ay manalo. Dito pa lamang sa ganitong kalakaran ay makikita na natin ang ugali ng isang kandidato. May mga paimbabaw din na mga kandidato, pag panahon ng kandidatura sadyang napakasisipag ngunit pag nakaupo na tila wala na silang kilala at napakahirap kung lapitan. Nakakalungkot lamang isipin na bakit ganito ang kalakaran sa Pilipinas, minsan tuloy napapaisip na ako na sana sa ibang bansa nalang manirahan kung saan di laganap ang kurapsyon, di laganap ang pang-aabuso ng mga nakaupos sa pwesto.
Sa mga kapwa ko Pilipino, nawa'y maging matalino tayo sa darating na halalan, alalahanin natin na sa kanila nakasalalay ang ikauunlad o ikababagsak ng ating bansa. Alalahanin din natin na sa kanila nakasalalay ang ating mga anak at ang susunod pang henerasyon. Sana'y makaDiyos at makatao ang susunod na mamumuno sa ating bansa. Ang lahat ng ito ay nakasalalay lamang sa ating mga mamayan ng Pilipinas dahil tayo ang magluluklok sa kanila sa pwesto. Kung anuman ang kahantungan walang dapat sisihin kundi ang mga botante din. Kaya't isip na mabuti mga kapwa ko Pilipino bago tayo bumoto.