Inihayag ng isang mataas na opisyal ng Dito Telecommunity Corporation, bagong player sa Philippine telecommunications industry na suportado ng People’s Republic of China, na Pinoy na Pinoy ang kanilang kompanya.
Sa isang forum sa Maynila, nilinaw ni Adel Tamano, chief administrative officer ng Dito, na isang kompanyang Filipino ang Dito Telecommunity dahil 40% lang nito ang pag-aari ng Chinese shareholders.
Itinanggi rin nito ang alegasyon na ang communications equipment ng Dito na itatayo sa military camps ay gagamitin sa pag-iispiya sa bansa.
Aniya, kahit baguhang communications service provider, mga Pinoy ang manggagawa nito at ang actual operations nito ay patatakbuhin ng mga Filipino.
Matatandaan na noong nakaraang linggo, pinayagan ng gobyerno ang Dito, joint venture sa pagitan ng China Telecom at ni Dennis Uy, na magtayo ng towers sa loob ng Armed Forces of the Philippines.
Agad naman nanawagan si Sen. Risa Hontiveros sa Senador na imbestigahan ang AFP-Dito deal sa gitna ng mga akusasyon na delikado ito sa seguridad ng bansa. RNT