Inggit ay Isang Sakit

0 29
Avatar for Emenems
3 years ago
Topics: Life, Writing

Sa kasalukuyang panahon, nakasanayan na nating ikumpara ang ating sarili sa iba. Sa kanilang perpektong katawan, magandang mukha at kung paano sila namumuhay. Meron naman tayong masasabing pag-aari natin, ngunit naghahanap tayo ng bagay na wala tayo at hindi pinapansin ang mga bagay na meron tayo. Gusto nating makakuha ng mga bagay na meron ang ibang tao hindi nakikita ang kahalagahan ng mga bagay na nandiyan na sa atin.

Halos lahat ng tao ay may inggit sa ating kapwa, kahit sa ating mga kaibigan. Kung ang isa sa atin kaibigan ay may isang bagay na pinapangarap nating makuha, nakararamdam tayo ng inggit at nakararamdam din tayo ng awa para sa ating sarili. Minsan tayo ay nakangiti pero sa likod ng ngiting iyon ay nagseselos na tayo sa kanila, nagpapanggap tayong masaya para sa kanila pero ang totoo ay gusto nating mapunta sa posisyon nila. Naghahanap tayo ng mga bagay na magdudulot ng saya sa atin, ngunit kahit meron na tayo ng mga bagay na gusto natin makararamdam ulit tayo ng inggit kapag nakakita tayo ng taong mas mabuti at mas magaling kesa sa atin.

Ang inggit ay isang sakit na kung di natin pipigilan ay lalala lamang. Lahat ng meron tayo ay balewala dahil ang nakikita lamang natin ay ang mga wala saatin hindi tayo nagiging masaya o kontento sa mga bagay na meron tayo. Hindi alam na lahat ng meron tayo ay gusto rin ng iba at pinapangarap nilang makuha. Paano tayo makukuntento kung di tayo masaya sa kung anong meron tayo? Madali lamang para sa atin na hanapin ang kahalagahan ng ibang tao ngunit ang kahalagahan natin ay mahirap matagpuan.

Paano tayo mabubuhay ng masaya kung ang mga mata ng mga tao sa paligid ay puno ng inggit at galit para sa iba? Paano tayo mabubuhay ng walang inggit kung ang mga tao ay lagi tayong kinukumpara sa iba? Paano tayo mabubuhay ng walang inggit kung ang tingin natin ay maraming mas magaling kesa sa atin? Minsan ginagawa na natin lahat ng ating makakaya pero para sa iba ay hindi iyon sapat, iisipin natin kung bakit hindi ito naging sapat kung lahat lahat ginawa na natin para lamang makuha ang bagay na mahalaga para sa atin. Mapapaisip nalamang tayo na bakit pagdating sa iba ay namamangha sila sa simpleng bagay na nagawa nila ngunit ang maging masaya man lamang para sa nakuha natin ay hindi nila magawa kahit alam natin na ginawa na natin ang ating buong makakaya. Bakit ba mahalaga sa atin ang sasabihin nila kung alam naman nating hindi tayo magiging masaya sa komento nila?

Hindi maganda sa pakiramdam ang inggit para sa iba, maari natin maapektuhan ang taong nasa paligid natin maraming maaaring masira tulad na lamang ng pagkakaibigan, pinagsamahan, pamilya at higit sa lahat ay ang iyong sarili. Lagi mong tinitingnan ang mga bagay na meron sila at ang ang mga bagay na wala ka. Matatanong mo nalang sa sarili mo bakit sila may ganito? Bakit ako wala? Bakit sila masaya? Bakit ako hindi makuhang maging masaya? Mapapansin mo ang kakaunting bagay na meron ka, ngunit sila ay tila pinagpala dahil lahat ng gusto mo ay pag-aari nila. Mangangarap ka na sana ay may ganoon ka din ngunit hanggang pangarap nalang kaya inggit nalang ang magagawa natin sa mga bagay na alam natin na malabong mapasaatin.

Maninira ng iba para lamang umangat ka, sisisihin ang iba sa mga bagay na hindi mo makuha at higit sa lahat sisirain ang sarili para sa bagay na hindi naman talaga para sa atin. Marami tayong pagkakaiba, at sa pagkakaibang iyon ay doon tayo nagiging maganda at kahanga-hanga. Huwag pansinin ang sasabihin o iisipin ng iba ang importante kung sino ka talaga. Huwag pairalin ang inggit sa kapwa bagkus ay maging masaya sa mga nakamit nila.

Mabuhay tayo ng masaya at kontento sa kung alin ang meron tayo. Matutong pahalagahan ang mga bagay na laging nandiyan para sa atin, dahil sa oras na mawala ang mga ito doon lamang natin mapagtatanto ang halaga ng lahat ng mga bagay na hawak na natin.


Source:

4
$ 0.99
$ 0.99 from @Laurenceuuu
Avatar for Emenems
3 years ago
Topics: Life, Writing

Comments