Isa sa mga article na isinulat ko kahapon ay tungkol sa Simbang Gabi at bakit ito ginagawa. Ngayon naman ay hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang aking paliwanag at sagot tungkol sa mga tanong sa Pasko.
Bakit kayo nagcecelebrate ng Pasko nasa Bibliya ba yan?
Sa Simbahang Katolika, may dalawang Paskong ipinagdiriwang, ang Pasko ng Pagsilang ng Panginoon tuwing December 25 at ang Pasko ng Muling Pagkabuhay o ang Easter Sunday.
Ang dalawang pagdiriwang na ito ay magkaugnay kaya nga sinasabi na “Christmas is the season, Easter is the reason.”
Itinuturo ng Katekismo (Catechism of the Catholic Church) sa CCC 525 ang ganito “Jesus was born in a humble stable, into a poor family. Simple shepherds were the first witnesses to this event. In this poverty heaven's glory was made manifest. The Church never tires of singing the glory of this night:
The Virgin today brings into the world the Eternal
And the earth offers a cave to the Inaccessible.
The angels and shepherds praise him
And the magi advance with the star,
For you are born for us,
Little Child, God eternal!”
Ang pagsilang ng Manunubos na si Jesus, ang Emmanuel ay malinaw na mababasa natin sa Bibliya. Sa Synoptic Gospels ay malinaw na ikinewento ng mga ebanghelista ang pagsilang ng Mesiyas (Mateo 1:21, Lukas 1:31), ang Emmanuel (Mateo 1:23, Isaias 7:14) at kahit si Juan ay isinulat din ang misteryo ng pagkakatawang-tao ng Salita ng Diyos o ang Incarnation (Jn. 1:1-14).
May iba’t ibang tawag din sa pagdiriwang na ito depende:
1. Paskwa sa Bisaya- (Pascha naman ang tawag ng ibang Christian church)
Makikita ang Paskwa o Pascua sa Bibliya. Ito ay isa sa tatlong major feasts na dapat ipagdiwang ng mga Judio.
Ang Pista ng Paskwa ay tumutukoy sa pagliligtas ng Diyos sa kanyang bayang Israel mula sa pagkakaalipin at ang paglagpas ng anghel ng kamatayan sa mga bahay na may panganay na Israelita. Maaring kaya ito tinawag na Pasko sapagkat ang Anak ng Diyos, ang panganay sa lahat, ay tumawid mula sa langit at nakisali sa kasaysayan. Sa araw ng pasko, ay isisilang ang Mesiyas na siyang magpapalaya at magliligtas sa tao mula sa kasalanan.
2. Christmas- literal, ang ibig sabihin nito ay “death of Christ”. Ito ay nagmula sa “Cristes Maesse” o “Mass of Christ”. Ito ay nagmula sa salitang Latin na sinasabi sa pagtatapos ng Misa, “Ite, Missa est.”
Ang pagdiriwang ng Mass of Christ o Christ-Mass ay ang tanging pinapayagan na ipagdiwang ng sunset, ng dawn at ng sunrise. At ng pinaikli ito, ito ay tinawag na Christmas.
3. Sa ibang lenggwahe, malinaw na ipinapakita ang tunay na kahulugan ng Pasko, “ang pagsilang ng Manunubos." Kaya nga ang mga pagbating Feliz navidad, Buon Natale, Joyeoux Noel ay nagpapakita ng masaya, maganda at maligayang pagsilang ng manunubos.
· Bakit December 25 ang Pasko?
Sinasabi sa Bibliya, “A good name is better than fine perfume, and the day of death better than the day of birth” (Ecc. 7:1). Kaya ang mga kapistahan ng mga santo at santa ay ipinagdiriwang sa araw na kanilang kamatayan o dies natalis sapagkat pinaniniwalaan na sa araw na ito, sila ay isinilang sa buhay na walang-hanggan sa langit.
Sabi ni San Pablo, “Therefore, brothers, stand firm and hold fast to the traditions that you were taught, either by an oral statement or by a letter of ours" (2 Thess. 2:15).
Si Hippolytus of Rome, sa kanyang isinulat na Chronicon, taong 204AD ay mababasa ang paniniwala na ang March 25 ay ang araw na nilikha ang sanlibutan sa vernal equinox, at pagbilang ng 9 mos. after ay ang Dec 25.
Naniniwala ang mga unang Kristiyano na noong March 25 (Nissan 14)ay nilikha ng Diyos ang mundo, nagkasala sina Adan, at sa araw na ito ipinaglihi at namatay si Jesus kung gayon ay iniligtas niya ang tao at binawi mula sa pagkakasala nina Adan.
Mga 240 AD, naitala ang isang matandang Kristiyanong tradisyon na ang araw na ibinalita ng anghel sa Mahal na Birheng Maria na siya ay maglilihi (Luke 1:26-38) ay nangyari noong Nissan 14 (Hebrew calendar) o March 25 (Gregorian calendar) sa atin. Ito ang Solemnity of the Annunciation. At itinuturo ng science at ng Bibiliya na 9 na buwan ang normal na pagbubuntis (2 Mc. 7:27). Kaya makalipas ng 9 months, Dec 25 ang pagsilang ni Maria kay Jesus.
“One person considers one day more sacred than another; another considers every day alike. Each of them should be fully convinced in their mind. Whoever regards one day as special does so to the Lord” (Romans 14:5-6).
Noong Dec 25, 336AD, naitala ang unang “opisyal na pagdiriwang ng Pasko” ng mga Kristiyano bagama’t hindi pa ito isang state celebration sa ilalim ni Emperor Constantine.
Noong 525AD naman, isang monk, si Dionysius Exiguus, ang nag-imbento ng paglalagay ng AD sa taon o Anno Domini (para sa kanya ang year 1 o 1 AD ay nagsimula sa pagsilang ni Jesus) at gumawa ng maayos na sistema kung kailan ipagdiriwang ang Easter Sunday, ang nagtalaga ng March 25 bilang pagsisimula ng New Year, at dahil sa paniniwalang ang araw na ito ay biyaya ng Diyos sapagkat sa araw na ito ipinaglihi si Jesus.
Pero alam ba ninyo na ang Pasko ay hindi lamang isang araw (Dec 25) kundi isang panahon?
Ang panahon ng Pasko ay panahon ng pagpapakita ng Panginoon: sa kanyang pagsilang, pagbisita ng tatlong pantas, sa kanyang pagbibinyag at sa unang milagrong ginawa niya sa kasalan sa Cana.
Ito ay nagsisimula sa gabi ng Dec 24 o sa first vespers at magtatapos sa kapistahan ng pagbibinyag ng Panginoon.
Kaya huwag ka munang magsabi ng belated Merry Christmas after Dec. 25 ha kasi Pasko pa yon. Mayroon din tayong tinatawag na Christmas octave mula Dec. 25 hanggang January 1. Kaya nga sa January 1, hindi lamang tayo nagsisimba dahil New Year kundi dahil Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos at sa araw na iyon ang Gospel ay tungkol sa pagtutuli kay Jesus kung kailan siya ay binigyan ng pangalan ayon sa kaugalian ng mga Judio.
At alam din ba ninyo na ipinagdiriwang ang Pasko sa iba’t ibang araw sa iba’t ibang bahagi ng mundo? Ang mga Kristiyano sa Kanluran ay ipinagdiriwang ito ng Dec 25 samantalang ang mga nasa Silangan ay tuwing January 6, ang iba naman ay January 7. Ito ay dahil na rin sa sinusunod pa rin nila ang Julian calendar kaysa sa Gregorian calendar natin ngayon.
Noon, maliban sa December 25, ay ipinagdiriwang din ang Pasko ng January 6 o ‘yung tinatawag nilang 3 Kings dati. Ngunit sa January 6 ang ipinagdiriwang ay ang Epiphany o ang Pagpapakita ng Panginoon, ang pagbibinyag sa kanya at ang unang milagrong ginawa niya sa kasalan sa Cana.
Sa ngayon, ang Epifania o Epiphany ay nakatuon mismo sa pagdalaw ng mga pantas o magi (hindi hari ha, kaya nga "mali" raw 'yong mga lyric sa kantang We 3 Kings at Pasko na Naman) sa sanggol na si Jesus. Pero dati, ang Baptism of the Lord ay higit na mahalaga kaysa sa kanyang pagsilang sapagkat pinaniniwalaan na sa pangyayaring ito nagsimula ang ministry Niya. Pero kalaunan, ay mas pinili ng mga Kristiyano na ipagdiwang ang pagsilang at pagbibinyag ni Jesus sa magkahiwalay na araw.
· Hindi ba’t ang December 25 ay pista ng mga Pagano kaya ang Pasko ninyo ay sa pagano?
Sinasabi ng iba na kaya raw Dec. 25 ang Pasko ay dahil ipinalit ito sa pista ng mga pagano at makahikayat ng iba pa na maging Kristiyano. 3 sa mga itinuturo nilang ”diyos” at ang kapistahang ipinagdiriwang daw tuwing Dec. 25 ay ang Saturnalia (paggunita kay Saturn), ang Dies Natalis Solis Invicti (The Birth of the Unconquered Sun) at ang pista ni Mithras.
Linawin lang natin.
Ang Saturnalia (pista sa karangalan ni Saturn, ang diyos ng agrikuktura) ay itinatag noong 220BC at original na Dec 17 hanggang inextend ng hanggang Dec 23. So, hindi siya Dec 25!
Ang kapistahan ng Unconquered god at ni Mithra (the Sun god) ay itinatag lang ni Emeperador Aurelian noong 274 at pinaniniwalaan ng mga pagano na Dec 25 ang birthday niya.
Pero, ang pinakamaagang record ng pagdiriwang ng Pasko na konektado sa Nisan 14 o March 25 ay noong Dec 25, 200AD pa!
Si Hippolytus ng Rome sa kanyang Commentary sa aklat ni Daniel ay isinulat noong 204AD ang ganito, na ipinanganak ang Panginoon ng Dec 25,
“For the first advent of our Lord in the flesh, when he was born in Bethlehem, was December 25th, Wednesday, while Augustus was in his forty-second year, but from Adam, five thousand and five hundred years. He suffered in the thirty-third year, March 25th, Friday, the eighteenth year of Tiberius Caesar, while Rufus and Roubellion were Consuls.”
Si Pope Emeritus Benedict XVI ay nilinaw din ito sa kanyang aklat na Spirit of the Liturgy
“The claim used to be made that December 25 developed in opposition to the Mithras myth, or as a Christian response to the cult of the unconquered sun promoted by Roman emperors in the third century in their efforts to establish a new imperial religion. However, these old theories can no longer be sustained. The decisive factor was the connection of creation and Cross, of creation and Christ’s conception (p. 105-107).”
Itinuturo ng Simbahan na si Jesus ang katuparan ng lahat ng mga propesiya sa Lumang Tipan. At ilan sa mga ito ay natupad sa pagsilang niya, eksaktong Dec. 25 man o hindi.
Ang mga ito ay magpapakilala kung sino nga ba si Jesus.
Tingnan natin:
1. Si Jesus ang Tinapay ng Buhay.
Siya ay ipinanganak sa bayan ng Betlehem.
“You, O Bethlehem Ephrathah, who are too little to be among the clans of Judah, from you shall come forth for me one who is to be ruler in Israel, whose coming forth is from of old, from ancient days” (Micah 5:2).
Sa Hebreo, ang Bethlehem ay nangangahulugang “House of Bread”. Hindi coincidence na si Jesus na Tinapay ng Buhay ay ipinanganak sa lugar na ito. At siya ay inihiga sa sabsaban o manger na ang ibig sabihin din ay “to eat”. Inaanyayahan tayo ng batang si Jesus na kumain sa tinapay na nagbibigay-buhay.
2. Si Jesus ang Liwanag ng Mundo.
Jesus was a Jew, so this could be another reason that helped the early Church choose December the 25th for the date of Christmas!
Bagamat may nagsasabi na si Jesus ay imposibleng ipinanganak ng winter kaya spring o autumn malamang, at baka nga Passover din siya ipinanganak, actually, may clues na posibleng sa Hannukkah siya talaga ipinanganak:
Sa mga panahong ito, ang mga Judio ay nagdiriwang ng festival of lights o Hannukah. Ito ay nagsisimula sa Dec 25. Kung sasabihin natin na si Jesus ang katuparan ng lahat ng hula sa OT, sakto rin ito, sapagkat si Jesus ang ilaw ng sanlibutan.
Christians believe that Jesus is the light of the world, so the early Christians thought that this was the right time to celebrate the birth of Jesus.
3. Si Jesus ang Kordero ng Diyos.
“Unto you is born this day in the city of David a Savior, who is Christ the Lord (Luke 2:11).
To believe this and bear witness, they would need a sign. The angel gave it: And this will be a sign for you: you will find a baby wrapped in swaddling cloths and lying in a manger. (Luke 2:12)”
Ito ang magandang balita na ipinahayag ng anghel sa mga pastol na nagbabantay sa kanilang kawan. May clue na agad: Ang mga pastol na nagbabantay sa kanilang kawan ay mga pastol na nag-aalaga ng mga tupang iaalay sa templo at kaya sila nagbabantay kasi hindi pwedeng masugatan ang batang tupa. Hindi sila basta-basta pastol. Mga temple shepherds sila at ang inaalagaan nilang tupa ay isang espesyal na breed na nanganganak sa panahon ng taglamig (napatunayan ng science to).
Pagkapanganak sa tupa, binabalot na agad nila ito sa lampin. Sinasabi sa Lumang Tipan na ang tupang ihahandog sa Templo ay dapat lalaki at walang kapintasan, sugat, bali o gasgas. Kaya nga nung sinabi ng angel, "You will find a baby wrapped in a swaddling clothes." nakilala agad nila si Jesus, na nakabalot sa lampin, bilang ang Panginoon, ang Mesiyas na magliligtas sa sanlibutan. At tulad ng sinabi ni Juan Bautista, si Jesus ang “kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan.”
******
Ipinanganak man si Jesus ng December 25 o hindi, ang mahalaga ay kung sino at ano ang ipinagdiriwang sa araw at mga panahong ito. Ang Pasko ay pagdiriwang at pag-aalala sa pagsilang ng Anak ng Diyos dalawang libong taon na ang nakalilipas. At nawa sa mga paghahandang ating ginagawa, hindi natin makalimutan ang tunay na diwa ng Pasko; si Jesus!
Keep Christ in our Christmas celebration.
Merry Xmas!
O, hindi ko tinanggal si Christ sa pagbati ko ha. Yong X ay Greek letter ng pangalang Christ.
Pero sige na nga!
Have a blessed and Merry Christmas!
Maligayang Pasko ng Pagsilang ng Panginoon!
Nawa po ay makatulong ang isinulat kong ito upang masagot ang madalas na tinatanong tungkol sa pagdiriwang ng Pasko.