"Masalimuot Patungo sa Tunay na Kaligayahan"(Tula)
This is a "show not tell" poem, which I dedicated to my father who is now in heaven. π Sa pagsibol ng panibagong bulaklak Dalawang mata ang nanunubig sa sobrang ganyak Dinig ang unang iyak Masid ang unang pagluha't pagmulat ng mata Subalit, bawat buhay ay tiyak paroroon sa dulo May lalakad papalayo't may maiiwan hawak-hawak ang mabigat na lobo Sa pagkakataong ito, mauuna na ang babaeng nagsilbing tagapayo Sa huling hantungan, mga larawan ng kahapon ang dala Hinahanap ang taong nagbigay buhay at umaruga sa paslit na bata Suot ang makintab na polo na nakasisilaw Nakasilong sa ilalim ng tirik na araw Habang pasan-pasan ang kahon na nagsilbing himlayan Mga araw, buwan at taon ang lumipas Tila umiiba na ang tinatahak na landas Sumasabay sa indak ng mga ilaw Sa bawat inom tila ba'y sobrang uhaw Mga tagaktak ng pawis ay mistulang mabibigat Nag-aaliw sa mundong kasiyahan ay salat Nabuhay sa ilalim ng makukulay na ilaw Samu't saring palamuti ang nakapalibot Kumukubli mula sa malawak na espasyong limitado ang galaw Ang mundo, na siyang pinagmulan ng kalbaryo't paghihirap sa buhay Magmula ng isinilang at nagkaroon ng malay Nagsimulang humina ang katawan Kirot sa kaloob-looban ay ngayon nang nararamdaman Tagaktak ng mga pawis ulit ay mabibigat Hinahabol ang bawat hiningang maaari'y iyon na ang katapusan Mga bibig ay nangungutib mahihinang hangin ang siya lamang lumalabas Habang tambol sa dibdib ay palakas ng palakas Kalmadong dagat, mayayabong na puno't halaman Mga ulap na nagsasayawan, araw na matingkad ang sinag Magaan na hakbang ang siyang binitawan Nakatingin sa baba habang mga mata'y bumubuhos ng kaganyakan Sa wakas, natamasa rin ang tunay na kaligayahan
2 comments
Nais kong malaman mo Ang iyong tula'y katangi-tangi Tunay kang kahanga-kanga Dapat kang ipagbunyi
Maraming salamat kaibigan At ang tula ko'y iyong nagustuhan π€