Paano ba ang pagiging Kristiyano?
Ang unang hakbang sa pagiging Krisitiyano ay ang pangunawa kung ano ang ibig sabihin ng salitang “Kristiyano”? Ang pinagmulan ng salitang Kristiyano ay ang siyudad ng Antioquia noong unang siglo AD. (Tingnan ang Mga Gawa 11:26). Posible na ang layunin ng salitang Kristiyano ay upang laitin ang mga taong naniniwala kay Kristo. Ang salitang ito ay literal na nangangahulugang “maliit na Kristo”. Gayunman, sa pagdaan ng panahon, ginamit ng mga mananampalataya ni Kristo ang salitang ito upang ipakilala ang kanilang sarili bilang mga tagasunod ni Kristo. Ang isang simpleng kahulugan ng salitang Kristiyano ay “isang tagasunod ni Kristo.”
Bakit dapat kong nasain na maging isang Kristiyano?
Idineklara ni Hesu Kristo na “ang Anak ng tao rin naman ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami.” (Markos 10:45). Ang tanong na kailangang sagutin ay – Bakit kailangan nating tubusin? Ang ideya ng pagtubos orihinal na salita ay “ransom” ay laging ginagamit sa mga kaso ng pangingidnap. Ang isang tao ay mananatiling nasa kamay ng mga kidnaper hanggat hindi nababayaran ang ransom o natutubos ang kinidnap upang siya ay makalaya.
Binayaran ni Hesus ang ransom upang palayain tayo sa pagkakabihag! pagkakabihag saan? Pagkabihag sa kasalanan at sa sumpang dulot nito sa atin gaya ng kamatayang pisikal at pagkatapos noon ay ang walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos sa apoy ng impiyerno. Bakit kailangang bayaran ni Hesus ang ransom? Dahil ang lahat ng tao ay nagkasala (Roma 3:23), at dahil dito tayong lahat ay karapatdapat sa hatol ng Diyos (Roma 6:23). Paano binayaran ni Hesus ang ransom? Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa Krus upang bayaran ang ating mga kasalanan (1 Corinto 15:3; 2 Corinto 5:21). Paano magiging sapat na kabayaran ang kamatayan ni Hesus para sa ating mga kasalanan? Si Hesus ay kasama ng Diyos sa pasimula pa at Siya ay Diyos ngunit Siya’y nagkatawang tao at nakipamayan sa tao sa lupa at namatay para sa ating mga kasalanan (Juan 1:1, 14). Bilang Diyos, ang kamatayan ni Hesus ay walang kasing halaga, sapat upang bayaran ang lahat ng kasalanan ng buong sanlibutan (1 Juan 2:2). Ang pagkabuhay na mag-uli ni Hesus ay sapat na katibayan na ang Kanyang kamatayan ay sapat na handog o pantubos sa ating mga kasalanan at isang patunay na Kanyang napagtagumpayan ang kasalanan at kamatayan.
Paano ako magiging isang Kristiyano?
Ito ang pinakamagandang bahagi. Dahil sa Kanyang pagibig sa atin, ginawa ng Diyos na napakasimple ang maging isang Kristiyano. Ang tanging dapat mong gawin ay tanggapin si Hesus bilang iyong Tagapagligtas at buong pusong panampalatayanan na ang Kanyang kamatayan ay sapat na pangtubos para sa iyong mga kasalanan (Juan 3:16) at tanging Siya lamang ang iyong pagtiwalaan bilang iyong Tagapagligtas (Juan 14:6; Mga Gawa 4:12). Ang pagiging tunay na Kristiyano ay hindi sa pagganap sa mga ritwal, pagsisimba o pagtupad ng maga tuntunin at pagganap sa mga ritwal. Ang pagiging Kristiyano ay ang pagkakaroon ng relasyon sa Panginoong Hesu Kristo. Ang pagkakaroon ng personal na relasyon sa Panginoong Hesu Kristo ay sa pamamagitan ng pananampalataya at siyang nagpapaging Kristiyano sa isang tao.
Handa ka bang maging isang Kristiyano?
Kung handa kang maging isang Kristiyano sa pamamagitan ng pagtanggap kay Hesu Kristo bilang iyong tagapagligtas, ang tanging dapat mong gawin ay manampalataya. Nauunawaan mo ba at nanininiwala ka na ikaw ay nagkasala at karapatdapat sa parusa ng Diyos? Nauunawaan at nananampalataya ka ba na inako ni Hesus ang kaparusahan na dapat sana ay para sa iyo sa pamamamagitan ng Kanyang kamatayan? Nauunawaan mo ba at naniniwala ka na ang kanyang kamatayan ay sapat na kabayaran para sa iyong kasalanan? Kung ang sagot mo sa tatlong na tanong na ito ay oo, ngayon ay ilagak mo ang iyong pagtitiwala kay Hesus bilang iyong Tagapagligtas. Tanggapin mo Siya at magtiwala ka sa Kanya lamang sa pamamagitan ng pananampalataya. Ito lamang ang dapat mong gawin upang maging isang Kristiyano!