Paano ako makatitiyak na pupunta ako sa langit pagkatapos kong mamatay?
Nais ng Diyos na makatiyak tayo tungkol sa bagay na ito. Sinabi niya sa 1 Juan 5:13, “Isinusulat ko ito sa inyo upang malaman ninyo na kayong nananalig sa Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan.” Kung haharap ka ngayon sa Diyos at tanungin Ka niya, “Bakit kita papapasukin sa langit?” Maaaring hindi mo alam ang iyong isasagot. Dapat nating malaman na mahal tayo ng Diyos at gumawa siya ng paraan upang magkaroon tayo ng katiyakang mamuhay ng walang hanggan sa piling Niya. Ayon sa Juan 3:16, “Sapagkat mahal na mahal ng Diyos ang mundo, kaya ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Bakit hindi maaaring makapunta ang tao sa langit? Ang dahilan, tayo‘y makasalanan. Nasira ang ating relasyon sa Diyos dahil sa ating mga kasalanan. Sinabi sa Roma 3:23, “Ang lahat ay nagkasala at walang sinumang karapat-dapat sa paningin ng Diyos.” Dahil dito, hindi natin maililigtas ang ating sarili. Hindi rin tayo maliligtas sa pamamagitan ng ating mga mabubuting gawa. Ayon sa Efeso 2:8-9, “Dahil sa biyaya ng Diyos, naligtas kayo nang sumampalataya kayo kay Kristo. Ito'y kaloob sa inyo ng Diyos, at hindi galing sa inyo. Hindi ito nakasalalay sa mabubuti ninyong gawa, upang walang maipagmalaki ang sinuman.” Ang nararapat lamang para sa atin ay ang kaparusahan sa impiyerno. “Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23)
Banal at makatarungan ang ating Panginoon kung kaya’t ang ating mga kasalanan ay may katapat na kaparusahan. Ngunit mahal din niya tayo, kaya gumawa siya ng paraan para mapatawad tayo sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ni Hesus. Sinabi ni Hesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makalalapit sa Ama kung hindi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6). Namatay sa krus si Hesus para sa atin. Sinabi sa 1 Pedro 3:18, “Sapagkat si Kristo nga'y pinatay kahit wala siyang nagawang masama. At siya'y minsan lang namatay upang mapatawad ang ating mga kasalanan. Siya na walang kasalanan ay pinatay alang-alang sa ating mga makasalanan, upang madala niya tayo sa Diyos. Pinatay siya sa laman ngunit binuhay siya sa espiritu.” Ayon din sa Roma 4:25 “Ipinapatay si Hesus dahil sa ating mga kasalanan, at muling binuhay upang tayo'y maituring ng Diyos na matuwid.”
Kaya ito ang sagot sa katanungan natin tungkol sa katiyakan ng pagpunta sa langit: “Sumampalataya ka sa Panginoong Hesus, at maliligtas ka” (Mga Gawa 16:31). “Sa lahat ng tumanggap at nanampalataya sa kanya, binigyan niya sila ng karapatang maging anak ng Diyos” (Juan 1:12). Matatanggap mo ang buhay na walang hanggan nang walang bayad. Ito’y regalo ng Diyos. “Ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Hesu Kristo na ating Panginoon” (Roma 3:23). Maari ka nang mamuhay ngayon ng isang buhay na ganap, kasiya-siya at makahulugan dahil kay Hesus (Juan 10:10). Maari ka nang mamuhay ng walang hanggan na kasama ni Hesus sa langit, sapagkat sinabi din niya, “Kapag pumunta na ako roon at naipaghanda na kayo ng lugar, babalik ako at isasama ko kayo sa aking tahanan upang kung nasaan man ako ay nandoon din kayo” (Juan 14:3).
Kung gusto mong tanggapin si Hesu Kristo bilang iyong tagapagligtas at tanggapin ang kanyang kapatawaran, maaari mo itong ipanalangin. Tandaan mo lamang na hindi ang panalanging ito ang makapagliligtas sa iyo. Tanging si Hesu Kristo lamang at ang pananampalataya sa Kanya ang makakagawa noon. “O Diyos, inaamin kong nagkasala ako laban sa iyo at nararapat lamang na parusahan. Ngunit inako ni Hesus ang aking kasalanan at tiniis ang parusang dapat sana ay sa akin, upang sa aking pagsampalataya sa kanya ay mapatawad mo ako. Tinatalikuran ko ang aking mga kasalanan at nagtitiwala ako ngayon kay Hesus para sa aking kaligtasan. Salamat po sa iyong kahanga-hangang biyaya at kapatawaran. At salamat din sa buhay na walang hanggan. Amen.”