Mayroon pa bang buhay pagkatapos ng kamatayan?

0 17
Avatar for Dacefeadca101
3 years ago

Mayroon pa bang buhay pagkatapos ng kamatayan?


Sinasabi sa Biblia, “Ang buhay ng tao ay maikli at puno ng hirap. Natutuyong parang damo, namumukadkad na parang mga bulaklak na hindi nagtatagal, nalalanta at nalalagas. Ang buhay ay katulad din ng aninong lumilipas. Kung mamatay ang tao, mabubuhay pa ba siya?” (Job 14: 1214)

Katulad ni Job, lahat tayo ay may ganitong katanungan. Ano nga ba talaga ang mangyayari sa atin pagkatapos nating mamatay? Mawawala ba tayo? Iisa lang ba ang patutunguhan ng tao o iba-ibang lugar? Mayroon ba talagang langit at impyerno, o ito’y kathang isip lamang?

Sinasabi sa Biblia na ang tao ay hindi lang mabubuhay ng pansamantala sa lupa kundi maaari pa silang magkaroon ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit. Ayon sa kasulatan, “Hindi pa nakikita ng mata, ni naririnig ng tainga, hindi pa rin sumasagi sa isip ng tao, ang inihahanda ng Diyos sa mga umiibig sa kanya (l Corinto2:9).”

Si Hesu Kristo, ang Diyos na nagkatawang-tao, ay dumating sa mundo upang bigyan tayo ng buhay na walang hanggan. “Sinugatan siya dahil sa ating mga pagsuway, binugbog siya dahil sa ating kasamaan. Ang parusang kanyang tiniis ang nagpabuti sa ating kalagayan, at sa pamamagitan ng kanyang mga latay, gumaling tayo (Isaiah 53:5).”

Tiniis ni Hesus ang parusang para sana sa atin at inihandog niya ang kanyang buhay para sa atin. Ngunit pagkatapos ng tatlong araw ay muli siyang nabuhay. Ito’y isang patunay na napagtagumpayan na niya ang kamatayan. Nanatili siya sa mundo sa loob ng 40 araw at nasaksihan ng libo-libo ang kanyang pag-akyat pabalik sa kanyang tahanan sa langit. Sinasabi rin sa Roma 4:25, “Ipinapatay siya dahil sa ating mga kasalanan at muling binuhay upang tayo ay mapawalang sala.”

Ang muling pagkabuhay ni Kristo ay isang pangyayaring hindi mapapasubalian. Hinamon ni Apostol Pablo ang mga tao na imbestigahan nila ang mga nakasaksi sa mga pangyayari para mapatunayan kung ano ang katotohanan, subalit walang sinumang makapagpabulaan sa mga nangyari. Ang muling pagkabuhay ni Hesus ang napakahalagang pundasyon ng pananampalataya ng mga kristyano. Dahil sa muling nabuhay si Kristo mula sa mga patay, tayo rin ay naniniwala na mabubuhay tayong muli.

Sinabi ni Pablo sa mga taong hindi naniniwalang may muling pagkabuhay, “Ngayon, kung ipinangangaral namin sa inyo na si Kristo'y muling nabuhay, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na walang muling pagkabuhay? Kung totoong walang muling pagkabuhay, nangangahulugan na maging si Kristo ay hindi rin muling nabuhay. At kung si Kristo'y hindi muling nabuhay, walang katuturan ang aming pangangaral, at wala ring silbi ang inyong pananampalataya” (1 Corinto 5:12-14).

Si Kristo ang una sa mga maraming susunod pa na bubuhaying muli. Ang kamatayan ay dumating sa tao dahil sa pagkakasala ni Adan na siyang ating pinagmulan. Ngunit ang lahat na naging kabilang na sa pamilya ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya kay Hesu Kristoay bibigyan ng bagong buhay (l Corinto l5:20-22). Kung paanong muling binuhay ng Diyos si Hesus, tayo ay muling bubuhayin din sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan (1 Corinto 6:14).

Kahit na muling mabubuhay ang tao, hindi lahat ay pupunta sa langit. Ang bawat isa sa atin ay dapat magdesisyon kung nais mo ba o hindi ang buhay na walang hanggan. Sinasabi ng Biblia, “…itinakda sa tao ang mamatay ng minsan lamang at pagkatapos, hahatulan siya (Hebreo 9:27). Ang mga itinuring na matuwid ay pupunta sa langit para mamuhay doon ng walang hanggan, ngunit ang mga masasama at hindi sumampalataya kay Hesus ay itatapon sa impyerno para sa kaparusahang walang hanggan. (Mateo 25:46). Ang impyerno ay hindi isang kathang isip lamang. Ito ay isang pisikal at tunay na lugar. Ito ang lugar kung saan daranas ang mga masama ng walang hanggang parusa mula sa Diyos. Mararamdaman ng mga taong pupunta roon ang pagdurusa ng damdamin, pag-iisip, at paghihirap ng katawan, pati na ang kahihiyan at panghihinayang.

Inilalarawan ang impiyerno na isang hukay na ang lalim ay walang hanggan (Lukas 8:3l; Pahayag 9:l), at gaya sa isang lawang apoy na may kumukulong asupre. Ang mga naroroon ay pinahihirapan araw-gabi magpakailan man (Pahayag 20:l0). Nag-iiyakan sila at nagngangalit ang mga ngipin (Mateo l3:42). Ito’y lugar din kung saan ang uod at apoy ay hindi namamatay (Marcos 9:48). Ang Diyos ay hindi natutuwa sa sinumang mamatay sa kanilang kasamaan, kundi nais Niyang talikuran nila ang kanilang kasamaan at magbalik loob sa kanya upang sila’y mabuhay (Ezekiel 33:11). Ngunit hindi niya tayo pipiliting sumunod sa kanya kung ayaw natin. Kung itatakwil natin siya sapagkat iyon ang gusto natin, ibibigay Niya tayo sa ating kagustuhan na mamuhay na hiwalay sa kanya.

Ang buhay sa mundo ay isang pagsubok - isang paghahanda para sa hinaharap. Para sa mga nananampalataya, ito ay magwawakas sa isang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos. Ngunit paano tayo magiging matuwid sa paningin ng Diyos at upang magtamo ng buhay na walang hanggan? Ang tanging paraan lamang ay sa pamamagitan ng pananampalataya at pananalig kay Hesu Kristo na Siyang Anak ng Diyos. Sinabi mismo ni Hesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay. At sinumang nabubuhay at nananalig sa akin ay hindi mamamatay kailanman…” (Juan 11:25-26).

Ang kaloob na ito na buhay na walang hanggan ay libre para sa lahat. Ngunit kinakailangang ihandog natin ang ating sarili sa Diyos at magbagong buhay (Roma 12:1, 2). Sinasabi rin sa Juan 3:36, “Ang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa kanya ay hindi magkakaroon ng buhay na walang hanggan kundi mananatili sa kanya ang galit ng Diyos.” Wala ng pagkakataon pa na makapagsisi sa ating mga kasalanan pagkatapos nating namatay. Gusto niyang lumapit tayo ngayon sa Kanya. Kung tatanggapin natin na ang kamatayan ni Hesu Kristo ang siyang naging kabayaran para sa ating mga pagsuway sa Diyos, tinitiyak ng Diyos sa atin na magkakaroon tayo ng makahulugang buhay dito sa mundo at buhay rin na walang hanggan sa piling ni Kristo pagkatapos ng kamatayan.

Kaya kung gusto mong tanggapin si Hesu Kristo bilang iyong Tagapagligtas, narito ang isang simpleng panalangin. Tandaan mo lamang na hindi ang panalanging ito ang makapagliligtas sa iyo. Tanging si Hesu Kristo lamang at ang pananampalataya sa Kanya ang makakagawa noon. Sabihin mo sa Kanya ng buong puso, “O Diyos, inaamin kung nagkasala ako laban sa iyo at nararapat lamang na ako’y Iyong parusahan. Ngunit inako ni Hesus ang aking kasalanan at tiniis ang parusa na ako ang dapat dumanas. Nagtitiwala ako na sa aking pagsampalataya sa kanya ay mapapatawad mo ako. Pinagsisihan ko at tinatalikuran ang aking mga kasalanan at magtitiwala ako kay Hesus para sa aking kaligtasan. Salamat po sa iyong kahanga-hangang biyaya at kapatawaran. Salamat din sa buhay na walang hanggan. Amen!”





 

0
$ 0.00
Avatar for Dacefeadca101
3 years ago

Comments