Nais ko lamang ibahagi sa inyo ang kwento naming dalawa ni Ally, ang babaeng pinakamamahal ko.
Si Ally ay maganda masayahin, matalino at higit sa lahat mapagmahal sa pamilya. Nagustuhan ko si Ally dahil halos lahat ng gusto ko ay nasa kanya.
Bukod sa magandang katangian ni Ally ay meron din siyang kakayahan. Kakayahan na mapapaisip ka kung nangyayari ba talaga o nagkataon lang. Lahat ng sabihin ni Ally ay nangyayari, halimbawa kapag sinabi niyang uulan ay uulan talaga, kapag sinabi niyang magkakabagyo ng malakas ay magkakabagyo talaga ng malakas. Ngunit nung una ay di ako naniniwala sa kakayahan ni Ally iniisip ko na baka nagkakataon lang.
Hanggang isang araw...
Sinabi ni Ally na mamamatay daw ang Tito ko hindi ako naniwala kay Ally kasi magkausap pa kami ng tito ko nung araw na yun at wala namang sakit si Tito para ikamatay niya.
Kinabukasan ay masamang balita ang bumungad sa amin. Patay na raw si Tito, binangungot siya na naging dahilan ng kanyang pagkamatay. Napaisip ako sa sinabi ni Ally at dun ko na napagtanto na totoo nga ang kakayahan ni Ally.
Lumipas ang mga araw na ganun pa rin halos lahat ng sabihin ni Ally ay nagkakatotoo at tuwing nagkakatotoo ito ay sobrang saya ni Ally na siyang dahilan din kung bakit ako nagiging masaya. Mahal na mahal ko si Ally at gusto ko lagi siyang masaya.
Isang araw, isang napaka gandang balita ang bumungad sa amin ni Ally.
Si Ally ay nagdadalang tao, sobrang saya ko ng nalaman ko iyon pati na rin si Ally di matumbasan ng kahit anong bagay ang nararamdaman namin ni Ally ng araw na iyon.
Lumipas ang ilang buwan at nanganak na si Ally, isang malusog na batang babae ang kanyang isinilang. Sobrang saya namin dahil sa biyayang natanggap namin. Pinangalanan namin itong Amethyst.
Tinuring naming isang malaking biyaya sa amin si Amethyst. Labis na kasiyahan ang nabibigay sa amin ni Amethyst sa araw-araw. Ngunit simula nung dumating si Amethyst ay tila may nagbago.
Isang araw sinabi ni Ally na uulan ngunit hindi ito nagkatotoo. Mas lalo lang umaraw ng araw na iyon. Tila wala ng kakayahan si Ally. Halos lahat ng sabihin ni Ally ay hindi na nangyayari.
Simula nung mawala na ang kakayahan ni Ally ay nag-iba na rin siya, hindi na siya yung dating Ally na nakilala ko napapabayaan niya na rin aming anak. Naging malungkutin na si Ally at halos di na makausap. Sobra akong nalungkot para sa kalagayan ng aking asawa, hindi ko kayang makita siya sa ganung kalagayan.
Kinausap ko si Ally at sinabi ko sa kanya na baka nagkataon lang na hindi nangyayari mga sinasabi niya. Sinabihan ko na subukan niya ulit.
Nagtagumpay ako sa pangungumbinse kay Ally.
Sinabi ni Ally sa akin na mamatay ang alagang manok ng kapitbahay namin. Kinabukasan ay laking gulat namin na namatay nga ang manok ng kapitbahay namin. Laking tuwa ni Ally dahil bumalik na ang kanyang kakayahan. Bumalik na si Ally sa dati naging masayahin na siya ulit.
Kinabukasan, sinabi naman ni Ally na mamamatay ang matandang lalaking kapitbahay namin na kinakainisan niya dahil masyado itong pakialamero. Sumunod na araw ay nabalitaan namin na namatay na nga ang matanda. Pinagsasaksak daw ito sa leeg at pinutol ang dila. Labis na tuwa naman ang naramdaman ng aking asawa dahil sa nangyari. Masayang masaya rin ako ako na masaya ang aking asawa.
Makalipas ang ilang araw ay sinabi naman ni Ally na mamamatay ang aking tiyahin. Di kasundo ni Ally ang tiyahin ko dahil na rin siguro sa pagiging tsismosa nito.
Kinabukasan ay nabalitaan namin na patay ang tiyahin ko. Pinagsasaksak ito hanggang sa lumabas ang bituka.
Tulad ng inaasahan masayang masaya nanaman si Ally sa nangyari at ganoon din ako dahil gustong gusto ko na lagi siyang masaya.
Oo, alam ko ang iniisip niyo! Ngunit hindi si Ally lahat ang may kagagawan nun. Walang kinalaman si Ally, gusto ko lang siyang bumalik sa dati. Hindi ko kayang makitang malungkot ang asawa ko.
Oo, ako ang pumatay ng manok, ng matanda naming kapitbahay pati na rin sa tiyahin ko. Tuwing sasabihin ni Ally ang mga bagay na yun ay nag-iisip ako ng paraan para magkatotoo lahat iyon.
Kahit ano ay gagawin ko kahit pa ang pagpatay maging masaya lang ang asawa kong si Ally. Handa akong gawin lahat para kay Ally makita ko lang siyang masaya.