Tanghalan

1 19

Dala-dala ang mga salitang pinaindayog ng mga tugma sa munting isipan na may lawak na walang katapusan, tayo ay magiging malaya. Aakyat sa entablado, haharap sa buong madla at magsasalita sa mikroponong nagpapalakas ng tunog na bumabalot sa buong tanghalan. Sabay sa pagdaloy ng mga salitang hinugot sa pinakamalalim na dagat ng mga karanasan at sa kaibuturan ng pusong umaapaw sa emosyong tila walang hanggan. Kakawala ang bawat titik na tila alon na mataas at nag-uumapaw sa emosyon na maaaring magpalunod sa mga sawing damdamin ngunit maaari ring magsalba at magturong lumangoy sa agos ng magulong buhay.

Mabubuhay ang mga salita gayon na rin ang mga aral sa minsan mong pagluha na dulot ng mga pagsubok at kabiguan. Sa paglaya ay mababakas ang mga pilat na dulot ng sugat ng nakaraan. Mga sugat na dating inaagusan ng pulang dugong matinding sakit ay dulot. Sa kabila ng mga ito ay sisibol ang bagong anyo ng mas pinatatag at pinatingkad ng malikot at mapaglarong letra at metapora. Binigyan ng kulay ng mga tinig na nagpapaindak sa mga salita sa tamang tyempo ng ritmo at galaw.

Ang entablado ng tanghalan ay muling magbubukas. Mahahawi ang kaliwa't kanang kurtinang bumabalot at nagkukubli sa mga tauhan ng palabas. Lalantad ang mga tao sa likod ng kamangha-manghang salita na tila obra sa pandinig. Sa pagkakataong ito ay makikilala ang mga taong nagbibigay buhay sa kasalukuyang malikhaing anyo ng napag-iwanang panulaan.

3
$ 0.00

Comments

Napakaganda ng iyong sulat at sana ay ipagpatuloy mo pa ang iyong paggawa at patuloy kong susuportahan ang mga naisusulat mo. salamat sa iyo at mabuhay ka

$ 0.00
4 years ago