Maniwala

0 14

Nakita ko ang daang tinatahak ko. Madilim at malalim. Pero kahit anong dilim at lalim pa ng buhay, naniniwala ako sa pag-asa. Sa pagkakataon. Sa halaga.

Hindi lahat ng nakikita natin ay totoo. H'wag magpalinlang. Ang mundo ay isang ilusyon

Minsan na akong naniwala sa hindi naman totoo. Dati naniwala ako na kapag nag-sabit ako ng medyas bago sumapit ang pasko, may matatanggap akong regalo. Sumikat ang araw at wala akong napala. Doon ako nagsimulang magduda kung totoo nga ba si Santa. Kung totoong nasa listahan n'ya 'ko ng mga makukulit, o kung masyado lang talaga akong mabait

Minsan na rin akong naniwala sa mga engkanto. Sa kung paano ako kukunin nito pag hindi ako natulog ng maaga. O sa kung paano sila nagtatago sa likod ng puno ng mangga. Sa kung paano sila nasa paligid kahit hindi ko nakikita. Sa kung paano nakakahinga sa tubig ang mga sirena. Pero hindi pala talaga sila totoo. Yun ang alam ko.

Minsan na rin akong naniwala sa mahika. Sa kung paano pinalabas ng isang payaso ang kuneho sa kanyang sumbrero. Sa kung paano nag apoy ang mga barahaat sa kung paano sila biglang nawawala. Naniwala at namangha ako sa mahika.

Minsan na rin akong naniwala sa tadhana. Na ang lahat ng bagay ay planado. Na ang kapalaran natin ay nakaguhit sa kalawakan. Na ang kinabukasan natin ay nakatakda na bago pa man mangyari

Minsan na akong naniwala sa hindi naman totoo. At sa dami ba naman ng pinaniwalaan ko, sa isang bagay lang ako hindi naniwala.

Oo, sa sarili ko.

Hindi ako naniwala sa sarili ko. Hindi ako naniwala sa sariling kakayahan ko. Hindi ako naniwalasa nag-iisang bagay na dapat ay maniwala ako. Mas naniwala ako sa kakayahan ng iba at umasa sa magagawa nila. Doon ako naging mahina. Sinubukan kong maghanap ng halaga. At sa paghahanap ko, ako naman ang nawala

1
$ 0.00

Comments