Palagi kong naririnig ang katagang “Kung san ka masaya,dun ka.”
Nalulunod sa saya, tuwa habang pinagmamasdan ang napakaamo mong mukha.
Habang aking hinuhulma ang mga salitang nagmula sa awit ng iyong mga ngiting nakakabingi.
Napapangiwi sa nakakaakit na kulay tsokolate mong mga mata, singlagkit ng biko na may latik
Na hinahain sa lamesa tuwing umaga. Oh samahan ng mainit na kape, naghahalo ang tamis at pait.
Tamis at pait na kailanma’y hindi magagawang isantabi na kahit manlamig ma’y nakakatanggal pa rin ng sakit.
Na humahagupit ang aking nadarama na para bang ako’y wala ng pag asang maiparating ang aking hinaing.
Ngunit ako’y magsisimula na,magsisimula ng isalin ang wika ng puso kong ibig nang kumawala
Sa kadenang dulot ng hiya na pilit akong ginagapos hanggang sa mawalan ng hininga.
Pahinga, ikaw ang pahinga na ayaw kong mawala gaya ng luma mong libro na paulit ulit mong binabasa, hindi nakakasawa
Ikaw ang paghinga na hindi kayang bitiwan sa bawat sandali, hindi magsisising ikaw ang pinili
Hindi, hindi kayang ipamigay sa iba sapagkat ikaw ang paborito kong wikang, wikang aking ipagbubunyi.
Hindi parang kwintas sa baul na gagamitin lamang sa mga pili- piling okasyon, dahil ikaw ay tinatangkilik.
Ikaw ang, pang araw araw na sinasambit hindi sa pilit, himig mong nakakawala ng bait.
Hindi kayang ipagdamot sa iba sapagkat ikaw ang daan, ang susi ng pagkakaintindihan; ikaw ang sandalan.
Lahat nakakaalam ng natatago mong ganda, halimuyak ng iyong mga titik na aking binubuo para makabuo at makapag isa ng mga matatamis na salitang paulit ulit na bibigkasin.
Ikaw ang katutubong wika na hindi ko ikakahiya sapagkat ako’y binibigyan ng pang-unawa.
Binibigyan mong kahulugan ang mga damdaming hindi kayang iluwa ng aking bibig.
Sapagkat ako’y nauutal kung kaya’t aking salita’y nilimita sa dalawang salita sa bawat linya.
Ako’y hamak na Ilokano,ikaw nama’y tagalog.
Oh, Mahal, eto na ang dalawang salita
Pilit kong isinalin ang mga salitang pagka-ikli ikli sa paraang puso lang ang nakakaintindi
Ginamit ang wikang gasgas mong ginagamit sapagkat mga salita ko’y pilit nang isinasantabi
Sapagkat ang mga ito’y magaspang bigkasin, sa iba’y ako lamang ang lalaitin.
Kaya’t aking gagamitin ang wikang madulas bigkasin, ang tanging salitang ginagamit ng lahat.
Pagpatak ng luha habang lumalakas ang pagbuhos ng ulan.
Pinilit kong abutin malambot mong kamay, hayaan mo akong sabihin ang wika ng aking puso.
Eto na ang huling dalawang salita para sa’yo, Bella:
MAHAL KITA.
BASTA’T NAROON KA, DUN AKO MASAYA.
It is a true love that could not be express. There people like that coward in front of a woman but so brave to face the battle.