Pagsulat
Simula nung elementarya pa lang ako, tinuruan na kami kung paano magsulat. Mula sa pagsulat ng talaarawan, pormal na liham, tula hanggang sa talambuhay. Inaamin kong mahina ako sa pagsulat. Hindi ko kayang isulat ang mga naiisip ko, mga nasa imahinasyon ko lalo na kapag kailangan itong ipasa sa guro. Ngunit kahit ganoon, hindi yun naging hadlang sa akin upang magsulat ng kwento. Nakahiligan kong magbasa ng mga kwento sa pocketbooks at wattpad, na naging dahilan kung bakit ko naisulat ang aking unang maikling kwento. Katuwaan lang naman, sinusubukan ko kung kaya ko rin. Pero nahihiya akong ipabasa ito sa iba dahil baka hindi nila magustuhan. Kaya tinago ko na lamang ito na humantong sa pagkawala. Hindi ko na mahanap. Ang gusto ko lang sabihin ay, mahirap magsulat. Mahirap mag-isip ng magandang paksa na makakahikayat ng mambabasa. Mahirap bumuo ng pangungusap. Pero heto ako, sinusubukan pa rin kahit mahirap.