Sa bawat araw na lumilipas ay may natutunan tayong bago tungkol sa ating sarili. May nadidiskubre tayong bago tungkol sa atin na hindi natin napapansing taglay pala natin at may nabubuo tayong bagong parte ng ating karakter nang hindi natin inaasahan. Ang buhay natin ay isang paglalakbay upang mas makilala at mabuo pa natin ang ating mga sarili. Habang ako ay naglalakad sa daan ng buhay ay natutuklasan ko nang paunti-unti ang aking sarili.
Sa aking pagtuklas, nakikita kong maihahalintulad ko sa isang paruparo ang aking sarili. Isa lamang itong nilalang na tila mahina at maliit sa panlabas nitong anyo. Hindi man natin aminin, may mga unang impresyon na agad tayo sa mga nakikita nating tao sa panlabas na anyo pa lamang. Sa unang tingin, naiisip ng iba sa akin ay maaaring mahinhin at mahina gaya ng isang paruparo na tila kaunting galaw mo lang ay masisira na agad ang mga pakpak. Ngunit, gaya rin ng mga paruparo, may lakas sa loob kong hindi nakikita sa labas. Nakakalipad ang mga paruparo ng libulibong kilometrong distansya, isang kalakasan na hindi dapat minamaliit at pinapasadahan ng tingin lamang. Ako rin ay may lakas at determinasyon na maglakbay nang matagal kahit gaano man kahirap ang daan sa buhay na ito. Hindi madali ang buhay at marami na rin akong naranasang mga pagsubok at pagkabigo, subalit sinisikap ko pa ring magpatuloy kagaya ng paruparong patuloy na lumilipad kahit napakalayo.
Kita sa paglipad ng paruparo ang magaganda nitong pakpak. May kaniya-kaniyang disenyo ang iba’t ibang paruparo na hindi kaparis ng iba. Kagaya nito, may natatangi din akong karakter o disenyong hindi kapareho ng iba. Simple lamang ako, tahimik at hindi nagnanais ng atensyon ngunit nag-iisa lang ako sa mundong ito. Mayroon din namang wala sa akin na taglay ng iba ngunit mas mahalaga para sa aking paunlarin ko kung anong mayroon ako tulad ng isang paruparong patuloy at pursigidong na lumilipad kahit mas matayog man ang lipad ng iba.
Sa pagdapo ng isang paruparo makikita ang ganda ng pakpak nito, pero ang nasa ibabaw lamang ang nasisilayan mo. Sa ilalim na parte ng pakpak ay mas maganda at natatangi na namang disenyo nito. Maaaring malalaman mo agad ang disenyo at karakter ko sa unang engkwentro. Sa una kong pagdapo sa buhay mo ay malalaman mo na agad ang malaking parte ng aking pagkatao pero parte lamang ito. Naihalintulad ko rin ang aking sarili sa isang paruparo dahil higit pa sa ibabaw na anyo ang kabuuan nito. Higit rin sa ibabaw na alam ng iba ang aking pagkatao.
Marami sa aking kaibigan ang nagsasabing may mga hindi sila inaasahang katangian kong nalalaman nila habang lumalalim ang aming samahan. Gaya ng isang paruparo, hindi agad makikita ang lahat sa akin at tanging mga gusto kong maging parte ng buhay ko lamang ang makakaalam, tanging mga napipili kong dapuan lamang. Malaya mong nakikita ang paglipad ng paruparo pero hindi mo mahuhuli at mapagmamasdan ng buo hanggang hindi ito dadapo. Masasabi kong pribado akong tao at kakaunti lamang ang nakakakilala sa akin. Mga dinadapuan kong bulaklak lamang o ang aking malalapit na kaibigan ang nakakita ng buong ako. Kahit pa may ibinabahagi akong parte ng aking buhay, sinisikap kong maging tahimik at malihim sa mahahalagang parte ng aking pagkatao.
Sinisikap kong, kagaya ng isang paruparo, may maibigay at maitulong sa bawat bulaklak na aking madapuan. Dumadapo ang mga paruparo para tulungan ang mga halaman sa pamamagitan ng paglilipat-lipat nito ng mga polen sa bawat pagdapo nit. Dahil sa ginagawang ito ng mga paruparo ay nakakapamulaklak at namumunga ang mga halaman. Sa bawat buhay ng aking malalapit na kaibigan at mahal sa buhay, nais kong makapag-iwan ng mga magagandang ala-ala at kahit munting bagay na matutunan nila sa akin. Kahit saglit na pagdapo ko sa kanilang buhay, sisikapin kong maging paruparo sa kanila. Nais kong magpakita ng malasakit at magbigay ng aruga sa kanila sa paraang kaya ko. Nais kong may maibigay akong marka at pagbabago sa kanilang buhay, kahit maliit lamang. Sa bawat hardin, may mga lumilipad na paruparo na siyang nagpapaganda pa lalo rito. Gaya ng isa paruparo, nais kong magdagdag ng kagndahan sa mundong ito. Sa mga simpleng ambag ko sa buhay ng mga malalapit sa akin, nagbibigay ako ng kulay sa mundo.
Lumilipad lagi ang mga paruparo patungo sa kanilang destinasyon. Tulad nito, patuloy din akong tumatahak ng landas patungo sa ninanais ko. Mas kikilalanin ko pa ang aking sarili sa bawat paglipad at mag-iiwan ako ng kagandahan sa bawat dadapuan.
Can you also define it in English for us and for Read.cash user because many user are here by not understand yiur language