Bakit napakabagal ang Internet ng Pilipinas?

1 8
Avatar for Basahinako
4 years ago

Ni JC Punongbayan

Ang internet sa Pilipinas ang isa sa pinakamabagal sa rehiyong ASEAN. Sa katunayan, mas mabilis pa ang internet sa Cambodia, Laos, at Myanmar.

Ayon sa Speedtest Global Index, noong Mayo 2019, pang-107 ang Pilipinas sa mga bansa sa mundo pagdating sa bilis ng mobile internet (15.1 Mbps) at fixed broadband (19.55 Mbps). 

Ang bansang may pinakamabilis na mobile internet ay South Korea na halos 5 beses na mas mabilis kesa sa atin. Singapore naman ang nangunguna sa fixed broadband kung saan higit 10 beses namang mas mabilis kumpara sa atin.

Sa report naman ng Ookla noong Marso 2019, sa mga internet provider sa Pilipinas, mas mabilis ang Smart kaysa sa Globe pagdating sa mobile, at PLDT naman ang pinakamabilis sa fixed internet (Table 1).

ProviderBilis (Mbps)

MobileSmart 15.57

Globe 10.10

Fixed Internet PLDT 18.57

Sky 11.23

Smart 10.99

Globe 9.36

Table 1. Source: Ookla.

To be fair, patuloy namang nag-iimprove ang bilis ng internet sa Pilipinas .

Ngunit bakit tayo kulelat sa rehiyon? Ano ang magagawa natin hinggil dito?

Kawalan ng kompetisyon

Isa sa tinuturong dahilan ng mabagal na internet sa Pilipinas ay ang kakulangan (o kawalan) ng kompetisyon sa internet services.

Sa mobile, halimbawa, tanging Smart at Globe lang ang mga provider sa ngayon, kaya rin tinatawag silang duopolists (hango sa salitang Griyego na duo o dalawa, at polein o pagbebenta).

Sa fixed line naman, 4 lang ang providers: PLDT, Sky, Smart, at Globe.

Yung Smart ay Talk N Text ay pagmamay-ari na ngayon ng PLDT, samantalang yung Sun Cellular ay sa Smart na. Yung Touch Mobile o TM naman ay Globe na ang may-ari.

Ayon sa economics maraming benepisyo sa kompetisyon. Napipilitan ang mga negosyo na pababain ang kanilang singil (o pagbutihin ang kanilang serbisyo), dahil ang unang magbenta sa mas mababang halaga (o magbenta ng produktong mas may kalidad) ang siyang tatangkilikin ng mga konsumer. 

Ito ang dahilan kung bakit isinusulong ng gobyerno ngayon ang pagkakaroon ng third telco provider sa Pilipinas: upang baliin ang duopoly sa pagitan ng Smart at Globe at gawing mas mabilis at mura ang internet para sa mga Pilipino.

Tinakda ang bidding noong Nobyembre 2018. Noong una ay maraming mga consortium ang nag-alok na maging third telco. Ngunit isa-isang umatras sa bidding ang iba sa mga ito hanggang Mislatel na lang ang natira. Ito rin ang napili sa bidding ng National Telecommunications Commission o NTC.

Kamakailan lang ay pinalitan na ang pangalan ng Mislatel bilang Dito Telecommunity, at nakakuha na sila ng certificate of public convenience and necessity mula kay Pangulong Duterte.

Inaasahan na makakakuha na sila ng kaukulang frequencies at magsisimulang mag-operate sa 2020. 

Kakulangan sa imprastraktura

Isa pang dahilan sa mabagal at limitadong coverage ng internet sa Pilipinas ay ang kawalan ng sapat na imprastraktura para sa telecommunications.

Mararamdaman mo ang epekto nito tuwing dadayo ka sa mga probinsya: may mga lugar na bigla na lang nawawalan ng signal ang phone mo, at di ka na maka-Facebook o Instagram bigla.

Sa ngayon tinatayang 67,000 cell sites ang kailangan itayo sa buong bansa upang palawigin ang internet. 

Plano ng gobyerno sa ilalim ng National Broadband Plan na magtayo ng mga tinatawag na “common towers” na uupahan at pakikinabangan ng mga telco providers. Balak nila na magtayo ng 50,000 sa loob ng 10 taon, o 5,000 kada taon. 

Marapat lang ito dahil sa ibang bansa ay gobyerno mismo ang nangunguna sa pagtatayo ng telco infrastructure investments.

Ngunit maraming mga isyu.

Unang-una, dahil isang malaking kapuluan ang Pilipinas, mahirap talagang siguruhin na bawat sulok ay may sapat na internet access.

Pangalawa, sinasabing 25 permit ang kailangang asikasuhin para magpatayo ng isang cell site. Madalas din ay kinokontrol ng mga lokal na awtoridad ang lokasyon ng mga cell site para sa kanilang sariling kapakinabangan.

Pangatlo, nais din ng mga providers tulad ng Smart at Globe na magtayo ng kani-kaniyang cell sites imbis na makihati sa iba sa mga common towers. (Sa isang pahayag, willing daw ang Globe na mag-divest sa kanilang tower assets para makihati sa ibang telco providers. Mas nais din nila na maraming tower companies ang magtayo ng cell sites kaysa kung kaunti lang.)

Sabi naman ng gobyerno, sa paggamit ng common towers ay maiiwasan ang pagdodoble-doble ng network infrastructure, mga permit, at mga gastos sa operasyon. Sa economics, tinatawag din itong economies of scale.

Pang-apat, mahirap kumbinsihin ang telco providers na mag-expand sa mga underserved areas dahil sa ngayon ay bilyon-bilyong piso na ang kanilang kinikita. 

Muli, bunsod ito ng market power na kanilang tinatamasa. Para sa mga duopoly tulad ng Smart at Globe, wala talaga masyadong sense magprovide sa lahat dahil kumikita at tumutubo na sila sa maraming customer na wala namang ibang pagpipilian kung di sila. 

Babalik at babalik din talaga sa isyu ng kompetisyon.

Ang tanong, magiging sapat ba ang pagpasok ng Dito bilang 3rd telco? Bakit tayo hihinto sa tatlong provider? Dapat bang baguhin ng gobyerno ang 60-40 foreign ownership restriction sa Konstitusyon para mas pumasok ang mga mamumuhunan?

Kailan bibilis?

Simple lang ang hiling ng mga Pilipino: ang gawing mabilis at mura ang internet sa Pilipinas.

Mayroon nang batas na pinirmahan si Pangulong Duterte na naguutos na gawing libre ang WiFi sa mga pampublikong lugar. Paparating na rin ang 5G technology na gagawin daw sobrang bilis ang ating internet at babaguhin ang mga buhay natin. 

Pero hanggang di nareresolba ang ibang mahahalagang isyu sa telecom industry—tulad ng sapat na kompetisyon at imprastraktura—patuloy pa rin nating titiisin ang mabagal at mahal na internet.

0
$ 0.00
Avatar for Basahinako
4 years ago

Comments

Hay naku sana bumilis na yung internet natin dito sa pinas.. Pagod na ko sa usad pagong na Internet dito.. Dmo magawa ng maayos yung mga online transactions at businesses dito.

$ 0.00
4 years ago