Veritas: Ang katotohanan

0 21
Avatar for Arcane_18
3 years ago

Sabi nila ang pamahalaan daw ang lugar kung saan nagtitipon tipon ang mga may kapangyarihan na gumawa ng batas para sa ating bayan. Ngunit ano na nangyari ngayon? Ang pamahalaan na dapat nagsasaayos ng ating bansa ang siya ring sisira sa taong bayan.

Ilang termino na ng iba’t ibang administrasyon ang dumaan sa bansang Pilipinas. Ngunit paano natin masasabing may pag unlad o magkakaroon ng pag asenso sa ating bansa kung ang dahilan nito ay nagsisimula sa katiwalian ng ating pamahalaan? Pamahalaan na siyang nagsisilbing “Payong” kung tawagin ng ating bansa. “Payong” na siyang sana ay ang tagapangalaga, tagaprotekta, taga angat,  tagasilbi ng tapat at siyang tulay ng pananatiling buklod ng nasasakupan nito. Ngunit,hindi ko tiyak na maisip kung ito nga ba ang nangyayari at ginagampanan ng ating pamahalaan.

Pera, kapangyarihan at kapurihan iyan ang iilan sa mga hinahangad ng mga kawani ng pamahalaan. Sa sobrang paghahangad ng mga ito, nakapag-uugat ito ng masidhing krimen at ito ang tinatawag nating  "Graft at Corruption." Ang pamahalaan na siyang dapat nagpapaunlad ng bayan ang siyang dahilan kung bakit nalulunod ito sa kahirapan.

Kahirapan, kagutuman, o malnutrisyon ng mga bata, kahandaan sa panahon ng sakuna, trahedya at kalamidad, pagluwas ng maraming OFW papuntang ibang bansa, kawalan ng trabaho atbp, ilan lamang ito sa mga kaliwa’t kanang hamon at pagsubok na kinakaharap ng ating mga Pilipino. Hindi ko ibig ipabatid na sinisisi ko ang pamahalaan rito sapagkat hindi dapat. Alam nating ang pagbabago ay nagsisimula sa ating mga sarili, pagbabagong siya ring babago sa buhay ng iba at maging sa estado ng isang bansa. Pagbabagong sana’y noon pa ay sinimulan na. Pagbabagong sana’y nakamtan na ng bawat isa na siyang sana’y magbabawas ng mga pasan pasan ng ating bansang kinabibilangan. 

Ngunit hindi lingit sa kaalaman ng lahat na kahit ano mang pagbabago ang gawin ng isa o limang grupo ay hindi magiging sapat kung mananatiling bulag at bingi sa ating hinaing ang pamahalaan na siyang ating sinasandalan. Ito ba ang demokrasya kung tawagin o ito ba'y isang galaw ng pagkadiktador? Ang saad nila'y nasa atin- mga mamamayan ang kapangyarihan ng bansa. Kami, ang mga kabataan ang pag-asa ng bayan ngunit papaano? Papaano natin ito maisasakatuparan kung ang mismong sarili nating pamahalaan ang siyang humahadlang?

Maging ang mga inosenteng tao ay nakukulong, mga kriminal ay nananatiling malaya. Nasaan ang hustisya? Nakalulungkot isipin na ang hustisya sa Pilipinas ay sadyang mabagal. Marami ang kinamamatayan na lamang ang kasong kanilang isinampa at hinaharap. Marami kasing balakid sa pagtatapos ng isang kaso at paghahanap ng katotohanan.

Kadalasan ay bigo ang isang mahirap sa paghingi ng katarungan kung mayaman ang kalaban nito. Ang hindi pantay na hustisya sa pagitan ng mayayaman at mahihirap ay isang malinaw na balakid para sa katarungan. Hindi rin patas ang hustisya sa Pilipinas sa pagitan ng ordinaryong tao at may kapangyarihan o maimpluwensya.

Ito ang nangyayari sa ating bansa, bansang naghahangad na umunlad ngunit siya ring sumisira sa sariling kinabukasan, Ang inaapi noon ang siyang nang-aapi ngayon. Pilipinas, ito ang katotohanan

1
$ 0.00
Avatar for Arcane_18
3 years ago

Comments