Alam naman siguro nating lahat na napakaraming pagbabago ang nagaganap sa bawat araw na ating kinamumulatan, kasabay ang pagbabago at pag-unlad ng teknolohiya. Isa na rito ay ang Twitter Instagram, Facebook at Youtube o yung tinatawag nating "Social Media". Marahil, Marami sa atin ang patuloy na naguguluhan sa tanong na ”Social Media, Nakatutulong nga ba o nakasisira para sa kabataan?”
Ang "Social Media" ay isa kinahuhumalingan ng nakararami sa atin partikular na rito ang mga kabataan. Ito ay mainam na gawain na nagdudulot ng saya sa indibidwal, ito rin ay nagbibigay ng impormasyon at balita patungkol sa mga kaganapan sa loob at labas ng ating bansa, ito ay nakatutulong upang mapabilis ang mga gawaing may kinalaman sa paggawa, pagbenta, at pagbabahagi ng mga produkto, pangkomunikasyon, edukasyon at sa paghahanap ng trabaho. Sadyang nga namang napakaraming naidudulot na tulong ang "Social Media".
Ngunit lingid sa ating kaalaman na napakarami ring kaakibat na responsibilidad ang paggamit nito, "Think before you click" ika nga. Napakaraming kabataan sa ngayon ay tila liko ang landas ng buhay sa pag-abuso at sobrang paggamit ng "Social media". Taliwas sa kaisipan ng nakararami na ang "Social Media" ay mayroong masamang epekto o dulot sa ating sarili, personal, espirituwal at pisikal na aspeto. Maging sa ating kalusugan ay mayroong malalim na epekto ang paggamit ng "Social Media" at Higit sa lahat ay ang ating kaligtasan.
Ayon rin sa pag-aaral ni Jessica Brown mula sa BBC network, ang "Social Media" ay lubos na nakaapekto sa ating kalusugan kung hindi ito ginagamit sa wastong paraan. Maaring magkaroon ng istress, problema sa pagtulog, paglabo ng mga mata, at depresyon. Ngunit maari lamang mangyari ang mga ito kung hindi wasto ang paggamit ng ating teknolohiya. Dapat sa lahat ng bagay ating gagawin ay may pananagutan kaya naman dapat gamitin ito sa maayos na paraan.
Sa aking palagay, Ang "Social Media" ay nakabubuti sa ating lahat kung ito ay ginagamit sa tama at wastong paraan. Sapagkat ang "Social Media" ang siyang dahilan kung bakit nagkakaroon ng kamalayan ang mga tao ukol sa mga nangyayari sa mundo ngayon. Nakatutulong din ito sa Edukasyon ng ating bansa pati na rin sa larangan ng Hanapbuhay. Hindi naman kailangan maging masama ang epekto ng "Social Media", sa halip, gamitin ito ng may pananagutan upang ito ay makatulong kaysa sa makasama. Panghuli, Isabuhay din natin ang kasabihang "Think before you Click" sapagkat kapag pinag-iisapan mo ng mabuti ang isang bagay nakaiiwas ka sa anumang kapahamakan at hindi ka magsisisi sa bandang huli.