Driver at Cundoctor na stranded

0 7
Avatar for Andrei
Written by
4 years ago

BATANGAS CITY - Umaapela ng tulong ang nasa 14 drayber at konduktor na inabutan ng lockdown sa terminal ng kanilang pinatatrabahuhang bus company sa Batangas City.

Hindi pa rin lubusang pinapayagang bumiyahe ang mga bus sa mga lugar na nasa ilalim pa rin ng general community quarantine, kaya mahigit 30 bus ng RRCG Southern Carrier ang nakaparada lamang sa garahe nito sa lungsod.

Ilang buwan na ring stranded dito ang 14 na empleyado ng bus company na karamihan ay drayber at konduktor mula Iloilo at Region 4B.

Isa sa kanila ang 37 anyos na si Arnold Prado na taga-Oriental Mindoro.

"Ang sitwasyon namin sa garahe nakapakahirap po kasi wala kaming maayos na tulog kasi ang tinutulugan namin sa ilalim lang ng sasakyan, sa estribo kami," kuwento niya.

Nasa 13 taon nang konduktor ng bus si Prado, kaya hindi niya maiwasang sumama ang loob dahil tila inabandona na sila ng pamunuan ng kanilang kumpanya.

"Yun po ang napakasakit eh ang sabi po sa amin, eh wala na daw pong ano sa amin ang kumpanya bahala na daw po kami, kung ano ang desisyon namin kung anong suporta wala daw pong suporta ang kumpanya," dagdag pa ni Prado.

Masama rin ang loob ng iba pang drayber at konduktor, dahil maging mga benepisyo umano nila ay napabayaan na rin.

"Wala silang hulog sir pero kinakaltasan kami nila kasi nung nakaraang araw ako pa ay nag-verify sa SSS so paano kami makasama sa SSS na po yan dahil wala po kaming hulog," ani Joey Coronel, isa ring konduktor.

"Kami hindi nakauwi, sabi nila 'di kami papabayaan dito, papakainin nila kami kaso 'yan, wala naman pala silang ibibigay na tulong, kundi pa kami makakain sa simbahan dito naawa sila sa amin pero 'yung kumpanya wala talaga," dagdag ni Hernan Pilarco.

Hiling naman ng iba na sana ay makauwi na sila.

"Hiling lang namin matulungan na kaming makauwi, kahit pamasahe na lang saka yung ayuda namin sana," ayon sa drayber na si Arcelo Apatan.

Mabuti na lamang at may ilang mga residente na tumulong sa grupo.

Paliwanag naman ng RRCG, hindi nila inabandona ang kanilang mga drayber at kundoktor. Inalok umano nila sila na magmaneho pa rin ng bus bilang shuttle services para kumita pa rin pero tumanggi umano ang mga ito.

"Wala talaga ho hindi na ho talaga namin kayang magbigay talaga hong hirap na hirap na, tama ho 'yun wala na talagang maiaabot, pinabiyahe ho namin sila kasi inaano kami ng shuttle meron kaming permit na mag-shuttle muna ay ayaw naman hong ng ibang empleyado doon gusto pang manghingi," ani Noel de Torres, operation manager ng RRCG Southern Carrier Batangas.

Itinanggi din ng kumpanya na pinabayaan nito ang SSS at PhilHealth contributions ng mga nagrereklamong empleyado.

"Regarding naman po sa SSS at PhilHealth, updated po sila hanggang January 2020 last payment ang nangyari lang po hindi siya posted kasi po hindi pa napa-received kay SSS yung report pero paid na po siya, nag-forward na po kami ng copy nung resibo dun sa branch head ang February naman po which is after February, March sana babayaran na sana namin yung contribution for month of February kaso inabot ng lockdown," paliwanag ni Millan Malbataan, human resources officer ng RRCG.

Agad umanong papasada ang mga unit ng bus company oras na payagan na muli ng pamahalaan na makabiyahe.

Pero sa ngayon, pang-unawa muna ang hiling ng kumpanya sa mga empleyado lalo’t pareho-pareho silang sapul ng epekto ng pandemya.

2
$ 0.00
Avatar for Andrei
Written by
4 years ago

Comments