Tawa muna tayo guys :)

0 12
Avatar for Aey1990
4 years ago

So ito guys, ike-kwento ko lang ang masalimuot na aking karanasan.

Ako kasi pinaka-matanda noong panahon ng 'di pa uso ang gadgets. Bali mga nasa 11 yrs. old ako nun. 'Yung mga kalaro ko naman ay mga between 7 to 10.

Naisip namin mag-roleplay, since uso ang Darna noon. Ako ang gaganap na Darna, kumuha ako ng dalawang embudo para sana kunwari ay bra ko. Nilagyan ko pa ito ng stars. Kumuha rin ako ng kurtina at isinuot ko ito sa short ko. And weirdo noh? Ang haba ng pasador ni Darna, kailangan nakalawlaw. Syempre kumuha rin ako ng sumbrelo, tas dinikitan ko ng pakpak na icon ni Darna.

(Babae ako guys, and bata pa naman, kaya mukhang naka two piece ako, pekpek short naman suot ko, and flat pa naman ako noong time na 'yun.)

Edi nag-doble na ako ng damit, ang gara ng dibdib ko nakatusok yung embudo, ta's nakabakat 'yung star. Nag-doble ako para kunwari may magaganap na transformation later on.

Ang kapatid ko naman ay gaganap na si Ding, ang aking sidekick. Ready to roleplay na.

May lima akong kalaban: Si Babaeng Impakta, Tuod, Lawin, Linta at si Valentina. Lahat sila ay may sari-sariling costume din.

Si Impakta ay may nakasabit na manikang sunog ang buhok, at puro marker ang mukha; talagang ginawa niyang impakta ang baby alive.

Si Tuod ay may baging o vine na nakapalibot sa katawan nito, mukha siyang engkanto na 'di sinipot ng kausap sa Tinder.

Si Lawin ay may pakpak sa likod na ginamit niya noong nag-abay siya sa kasal na bilang Angel. Ngunit ang pakpak na iyun ay may pache-pache, at panot sa ibang part. Nagkaroon siguro ito ng pulgas, kaya nalagas ang balahibo.

Si Linta naman ay may black lipstick, ngunit uling sa pwet ng kawali ang ginamit niya upang umitim ang labi. Mayroon din itong hawak na plastic bag, na ang nasa loob ay gummy worms. Iyun daw ang magsisilibi niyang linta.

Last but not the least, si Valentina. May sumbrelo ito, ngunit napupuno ng retaso o tela na nagsisimbolo bilang ahas. Nagmukha siyang si Medusa na nalanta ang mga ahas, at tila lupaypay na dahil nakalawlaw na lamang ito. Mayroon din itong laruang ahas na nakasabit sa leeg niya. 'Di mo alam kung si Valentina ba talaga ang kalaban o si Galema.

Ready to fight na kami.

"Ding nandiyan na ang mga kalaban!"

Sabi ko naman sa aking kapatid na nasa likod ko.

"Wala ka ng takas Darna! Akin na ang bato! Ssssssss....." Sabi ni Valentinang winawagayway ang ulo na tila nagra-rock and roll.

Sa kasamaang palad, nahuli ako ng lima.

"Ding ang bato!"

Sigaw ko sakanya, dahil nadedehado na ako sa kalaban. Bakat-bakat parin ang embudo sa aking dibdib.

Sa 'di malamang dahilan, hindi alam ang gagawin ng aking kapatid. Nang wala ng ma-isip. Kumuha ito ng batong buhay, at binato sa akin. Sumalpok naman sa aking mukha at sakto sa aking bibig.

Napa-aray na lang ako to the highest level, dahil sumabog ang bibig ko. Ramdam rin na tila, may kulang sa aking ngipin. Dahil may emergency, nag-time freeze muna kami.

"Uy Liah anyari sa ngipin ko?" Tanong ko sa isa sa mga kalaban ko.

"Hala Alex! 'Yung ngipin mo parang kay Spongebob, natanggal ang gitna."

Gulat ako sa sinabi niya.

"Dito muna kayo, at titignan ko sa bahay. Babalik ako."

Pagdating ko agad kong tinignan ang salamin. Hala oo nga! Nabungi ako, ang ngipin ko tuloy ay one seat apart na.

Wala lang ito at bumalik ako sa laro, ang labi ko naman ay medyo maga na. Nagmistulang kamukha ko na ang labi ni Diego sa Bubble Gang.

"Ding ang Mentos!" Ito na ang sinabi ko, baka pag sinabi kong bato. Baka haloblock na ang ibato sa'kin.

Iyun na nga binato niya, at nasapo ko ito. Agad ko itong nginuya at nagsimulang mag-transform. Umiikot-ikot pa ako, habang hinuhubad ang pang-itaas. Oh 'di ba? Mala Sailor Moon ang dating. Nag-entrance effect pa ako, habang hinuhubad ang pajama ko. Ngayon ay ako na si Darna.

Nanlaki ang mata ng aking mga kalaro, dahil nakabungad sa kanila ang embudo na may star. Suot ko na rin ang aking helmet, at nakalawlaw na rin ang aking pasador.

"Ngayon niyo ako kalabanin!"

Nagsimulang sumugod si Impakta.

"Haaaaaaaa......Woooooishhhhhh! Haaaa.... Haaaaaa....." Kina-karate ko na si Impakta, at kunwari lumipad pa ako.

Dahil ako ang direktor, ako rin ang masusunod. Planado na ang flow at script.

Sumunod naman si Lawin. Dalawa kami kunwari na lumilipad.

Pinagsasasampal ko ito, at nag-landing siya pakunwari sa dayamihan.

Sumunod naman si Tuod, kinuha nito ang baging sa katawan at hinataw sa akin. Pero aray ha, ansakit lumatay sa akin. Sinapo ko ang baging at ipinalupot ko sa kanyang buong katawan.

Si Linta naman ay in-ambush ako sa likuran at tinapalan ng bote sa ilong. Kunwari raw ay sinisipsip niya ang powers ko. Pero ready si Darna.

"Ding ang asin!"

Hinagis sa akin ni Ding ang asin na tig te-tres, nakaplastic ko. Sinaboy ko ito kay Linta, at nag-retreat na siya.

Si Valentina ang boss mode. Nagwala ito, at kinuha ang ahas sa leeg. Hinuli niya ako at nilingkisan gamit ang kanyang laruang ahas. 'Di ko alam na may hidden agenda pala ang lima.

"Mga kasama pag tulungan!" Sabi ni Valentina na habang nakapalupot sa akin ang laruan niyang ahas na ngayon ay nasasakal na sa sobrang banat.

At doon na nga ako pinagtulungan. Ipinalo sa akin ni Impakta, ang tiyanak niyang Baby Alive. Ang sakit ng impact, namemersonal na ata. Lalo akong tinali ni tuog gamit ang baging niya. Pinagsasasampal naman ako ni Lawin gamit ang, pakpak niyang Dead on Arrival. Si Linta naman ay tinapalan ako ng Gummy Worms, siya lang ang nagustuhan kong kalaban ang sarap ng linta niya.

'Di na ako nakapalag, ni-kidnap nila ako. Hinagis nila ako sa Dayami at ni-wrestling. Si Ding naman ay nanunuod na lang. Ang embudo sa aking dibdib ay nakatabinge na, at nalagas na ang isang star na nakadikit dito.

"Sumuko kana Darna talo kana!"

"Hinde! Ding tulong!"

Nataranta ang aking kapatid, kumuha ulit ito ng batong buhay, at pinaulanan ang kalaban. Nag-retreat ang kalaban at patuloy parin na bumabato ang depunggal kong kapatid. Sa inaasahang pangyayari, tinamaan nanaman ako ng Falling Meteor ni Ding. Sumapul ito sa aking mata.

"Aray ko, Ding nakakadalawa ka na! 'Di ka na kasali sa laro!" Umiiyak na ako, dahil andami kong natamo na injuries.

Pag-alis ko ng takip sa mata ko, nanlaki ang mata ng mga kalaro ko.

"Hala Alex, may black eye ka!"

Maluha-luha pa rin ako, ngayon naman ang mata ko ay may Solar Eclipse na nagaganap. Dahil out of script na ang plano, nag wala ang bugbug na Darna.

Kinuha ko ang pasador, or let's say tuwalya sa aking short. Hinataw ko ng hinataw ang mga kalaban, dinamay ko na rin si Ding ang aking traydor na kapatid. Ngunit mas malakas sila, at doon tuluyan akong nabugbog.

Umuwi akong luhaan, ang sana ay Roleplay lang ay naging Live Action na. Umuwi akong iika-ika, may black eye, maga ang labi at may one seat apart na ngipin. Ang embudo rin sa aking dibdib ay natanggal na sa pwesto.

Okay lang naman, dahil pinalo ni mudrakels ang aking depunggal na kapatid, dahil sa kinahinatnan ko. Dumating na rin pinsan ko na galing sa birthday party, sila sana ang kakampi ko kaso um-attend ng handaan. Sila sana ang Super Twins. Dahil sa naganap na iyon, 'di na muli akong nagpakana ng roleplay.

P.S: Nadamay din ako, pinalo rin ako ni Mama. Nadagdagan ang aking injuries.

1
$ 0.00
Sponsors of Aey1990
empty
empty
empty
Avatar for Aey1990
4 years ago

Comments