Sa pagdaan ng panahon ay nagkaroon na tayo ng tinatawag na ‘globalisasyon’, at patuloy na umaangat at umuunlad ang ating teknolohiya. At sa mabilis na pagsulong ng teknolohiya ay masasabing nakasasabay na tayo sa kaunlaran at makabagong teknolohiya ng mauunlad na bansa
Ang makabagong teknolohiya ay isa ng bahagi ng pang araw-araw na buhay ng isang tao. Ginagamit natin ang teknolohiya sa halos lahat ng dako. Cell phone, computer, laptop, smart boards, mga sistema ng GPS, at iba pa. Lahat ng iyan ay nagmula sa teknolohiya. Ito ay tumutulong sa atin araw-araw, sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng impormasyon at maginhawang pamumuhay. Ang teknolohiya ay mabilis at ito ay tumutulong sa ating ekonomiya.
Dahil sa makabagong teknolohiya, naging mas madali ang pagtuklas sa mga kaugnay na impormasyon sa anumang oras at kahit saan. Ito ay naging posible dahil sa mga makabagong teknolohiya tulad ng broadband internet. Ang impormasyon ay ang kapangyarihan, at ang mga taong makakahanap ng impormasyon at gagamitin ito ng mahusay, ay laging magtatagumpay.
Hinihikayat ng makabagong teknolohiya ang mga makabagong ideya at ang pagiging pagkamalikhain. Ito ang nagsisilbing ilaw ng isipan upang gumana sa buong potensyal nito. Sa nakaraan, mahirap magsimula ng negosyo. Ngayon, ang pagsimula ng negosyo ay napakadali na lamang at pwede kang magkaroon ng negosyo habang ikaw ay nasa bahay lamang.
Ang computer ay nakatulong ng malaki sa ating mga mag-aaral lalung-lalo na sa aspeto ng pananaliksik at pagtuklas. Hindi mo na kailangang maghalukay pa ng sandamukal na mga aklat para kumuha ng mga kakarampot na impormasyon sa bawat libro. Hindi mo na kailangang maghalungkat sa maalikabok na mga silid-aklatan upang maghanap ng mga datos na kinakailangan sa iyong takdang aralin. Puntahan mo lang ang google, iencode mo lang ang topik na hinahanap mo, mag-antay ka lang ng ilang sandali, at makikita mo na ang iyong hinahanap.
Nawa’y matutunan ng mga kabataang gamitin ang mga makabagong teknolohiya tungo sa kaunlaran. Nawa’y gamitin ng mga kabataan ang mga teknolohiyang ito sa edukasyon. Hindi ba’t edukasyon ang natatanging kayamanan na hindi mananakaw ninuman? Ito ang natatanging pananggalang sa lahat ng pagsubok ng buhay. Ang isang taong edukado ay isang taong maalam sa buhay.
Masasabi natin na malaking tulong ang teknolohiya sa pag-unlad ng iba’t ibang aspeto ng kaalaman at ng edukasyon. Subalit kailangan nating tandaan na nararapat nating gamitin ito ng wasto. Huwag natin hayaan ang ating mga sarili na abusuhin ang teknolohiya. Maaaring makapagdulot ito ng mga masasamang epekto sa atin kapag ito ay nagamit sa hindi tamang paraan.