Huling Larawan

0 15
Avatar for Aey1990
4 years ago

Ito na ang huli... nang biglang may huminto. Bilang na ang mga araw ng aking paninirahan sa Mindoro. Bago ko nilisan ang pook noong 1998 para sa susunod kong destino, nagkataong napadaan ako sa tulay na iyon. Di ko na matandaan ang haba ni ang pangalan nito. Ang naaalala ko na lang ay ang kakitiran nito na ang mga sasakyang magkakasunod ay hindi maaaring mag-overtake sa nauna.

Dumaan din naman ako sa tulay na ito nang maraming beses sa loob ng halos limang taong pamamalagi ko sa bahaging ito ng kapuluan. Ngunit ang takipsilim na iyon ay isang alaalang gumuguhit ng nakakahawang ngiti sa aking mga labi tuwing bumabalik ito sa aking malikot na isipan.

Habang pauwi ako sa aking tirahan lulan ng jeep, noon ko lang nabatid at napagtanto habang marahang nagmamaneho ang driver na sa dakung kanluran ay masisilayan ang isang makapigil hiningang kagandahan na tiyak na huhuli sa interes ng isang manlalakbay. Mula sa tulay ay matatanaw ang palubog na haring araw na tila ba sadyang kinuwadruhan ng mga kumakaway na sanga ng mga puno sa tabing ilog. Nang oras ding iyon naalala ko ang aking susunod na partner na nagpadala sa akin ng liham na maghanda para sa isang photo contest. Sa hangaring manalo sa photo contest nagpasya akong kukunan ko ang eksenang ito ng larawan.

Kinausap ko ang isang kaibigan na ipagdrive ako isang takipsilim doon sa tulay. Natural na hindi pinapayagang tumigil sa tulay ang sasakyan lalo na sa ganitong oras na ang lahat ay nagsisiuwian. Nang isakay ako ng aking kaibigan sa kanyang owner type jeep, natuklasan ko na nagsama siya ng tatlo pang kaibigan. Wala namang problema. Ibinaba nila ako sa tulay at naghanap ng mapag-parking-an.

Eksaktong nakapwesto na ang haring araw sa kanyang kabigha-bighaning trono. Pumwesto na rin ako upang kuhanan siya ng larawan, nang biglang may huminto sa likuran ko,

"Miss, mi problema ba?" lumingon ako sa nag aalalang ale. "Nagpipicture lang po Tita," tugon kong nakangiti.

Pumwesto na ulit ako nang may pagmamadali dahil palubog na ang aking haring araw. Eksaktong handa na ang camera, nang bigla na namang may huminto, "Miss, anong problema mo?" Lumingon na naman ako upang magpaliwanag sa mamang nakabarong sabay pakita ng camera, "Wala po tiyo, nagpipicture lang po".

Nagmamadali na ako at ang araw ay kalahati na lamang ang masisilayan. Ito ang oras na masarap gilitan sa leeg ang sinumang paharang-harang. Nang pipindutin ko na ang button ng camera, dalawang paris ng makikisig na mga kamay ang humila sa akin palayo sa gilid ng tulay.

"Nagpipicture lang ako, mga pakialamero kayo!" umuusok ang ilong ko sa inis habang sinisinghalan ang mga pakialamerong "super-hero" na ito.

"Huminahon ka Miss, magiging maayos din ang lahat" masuyo nilang tugon. Tinanong nila kung saan ang bahay ko at ako'y ihahatid nila.

"Nandoon ang kasamahan ko sa dulo ng tulay!"pagalit kong sagot. Inihatid nila ako sa aking kasamahan na noo'y mamamatay na sa katatawa sa napanood nilang eksena sa tulay.

Ang aking "rescuers" na masarap katayin ng mga oras na 'yon, hindi lang nila hinadlangan ang aking "suicide", gumawa pa sila ng pagkahaba-habang traffic sa tulay na halatang ang inis ng mga naantala ay pinahihiwatig ng makabasag eardrum na mga busina. At ang aking sunset? Hindi ako nakalahok sa photo contest.

2
$ 0.00
Sponsors of Aey1990
empty
empty
empty
Avatar for Aey1990
4 years ago

Comments