“Lahat ay gagawin ng isang Ina alang-alang sa kapakanan at kabutihan ng kanyang mga anak.”
Namulat ako sa hirap ng buhay. Sampu kaming magkakapatid. Walang permanenteng trabaho ang aking mga magulang at umaasa lamang sa biyayang handog ng dagat. Sumasama sa pangingisda ang aking Mama sa aking Papa upang matustusan ang aming mga pangangailangan araw-araw.
Hanggang dumating sa punto na halos kaming lahat ay sabay-sabay na nag-aaral. May mga pagkakataon na nakikita kung nagtatalo ang aking mga magulang dahil hindi na sapat ang kakarampot nilang kita. Nais ni Papa na huminto na yung iba sa pag-aaral o hindi kaya’y maghanap na lang ng trabaho pagkatapos ng hayskul. Ngunit, hindi pumayag si Mama. Nakikita rin niya kasi na masipag kaming mag-aral, kaya gagawin niya ang lahat mapagtapos niya lang daw kaming lahat.
Nagtutulungan kaming lahat. Ano-ano na lang ang pinapasukan ni Mama para lang kumita. Nagsasalitan kaming um-absent dahil walang pampamasahe. Kung sino ang may exam, siya ang kailangang pumasok. Sakto lang ang dala naming pera para pampamasahe at nagbabaon lang kami ng kanin na may mantika at asin. Kung susuwertehin at maraming huli na isda, naglalaan kami para pang ulam dahil ang iba ay binebenta ito. Kung wala namang pasok ay may kanya-kanya kaming raket. May tindero, mangingisda, nagpupulot ng basura, naglalabada, nagpapaalipin sa mga may kayang kapit-bahay at kung ano-ano pa.
“Alam mo anak, pagod na pagod na ako, kami ng Papa mo at nahihirapan akong makita na nahihirapan din kayong mga anak namin. Kasalanan namin ‘to.” Wika ng Mama ko.
“Wala po kayong kasalanan. Hindi po namin kayo sinisisi kung bakit naghihirap tayo.” Sagot ko kay Mama.
Lumipas ang mga araw, biglang nagbago si Papa. Lagi na itong lasing. Iyon bang parang sumuko na siya sa amin ngunit hindi ang Mama.
Hanggang sa may nagkolehiyo na sa amin. Masuwerte ako kasi naging barangay scholar ako dahil naging SK Official ako sa aming barangay, kaya libre ang tuition ko. Patuloy pa ring kumakayod si Mama para sa amin. Iyon bang kung sino-sino na lang ang kanyang nilalapitan para lang matustusan ang aming pangangailangan sa aming pag-aaral. Naranasan naming maliitin at pagtawanan ng ibang tao ngunit hindi iyon hadlang upang kami ay magpatuloy na lumaban sa anumang hamon na ibinibigay ng buhay.
Hanggang sa nakatapos ang aming panganay ng kolehiyo at isa nang ganap na teacher sa aming barangay. Lalo kaming nabuhayan ng loob dahil nakikita na namin ang bunga ng aming paghihirap. Humingi ng kapatawaran sa amin si Papa dahil minsan, nagpabaya siya sa amin. Muling namumbalik ang sigla ng pamilya at kaming lahat ay nagtutulungan.
Kung dati, kami ay basurero, tindero, naglalabada, nagpapaalipin at kung ano-ano pa, ngayon naman ay teachers, engineers, architect at ang bunso na lang namin ang nag-aaral sa kolehiyo sa kasalukuyan na kumukuha ng mechanical engineering.
Sadyang hindi hadlang ang kahirapan upang makamit mo ang iyong minimithing pangarap.
Oo, merong mga anak na nagrerebelde sa kanilang mga magulang dahil hindi naibibigay ang kanilang mga pangangailangan. Ako, kami, nagpapasalamat kami sa aming mga magulang dahil ginawa silang kasangkapan ng Panginoon na maranasan naming mabuhay sa mundong ito. Alam kong nadudurog din ang kanilang puso sa mga panahon na hindi nila naibibigay ang ating mga pangangailangan.
Sa lahat ng tagumpay na aming nakakamit, sa likod nito ay ang isang mapagmahal na Ina na hindi sinuko ang aming mga pangarap.
Sa lahat ng ulirang Ina, HAPPY MOTHER’S DAY!
(This is my true-to-life story.)
Wow. Congratulations po. Nkaka proud naman po ang mama nyo. Sana lahat ng mama ganyan. Pero for sure may knya knya cla ways to show their love. Pasenxa na po konti lng laman ng wallet ko eh. God bless you po