ang sabi nila, cubao is the center of the universe. kapag naligaw ka, pumunta ka lang ng cubao at tiyak na hindi ka maliligaw. kumbaga, equivalent siya ng makalumang terminong “baliktarin mo ang damit mo” tuwing naliligaw ka sa liblib na gubat. pero dahil nasa 21st century na tayo, kapag naliligaw ka ay merong cubao. cubao, na sentro ng buong kalawakan. at para sa isang katulad ko na walang direksyon ang buhay, gamit na gamit ko ang cubao. alam mo bang walang sigurado sa buhay ko? ni hindi ko alam kung anong daloy nito. kawawa na nga si batman sa kakapasa ko ng responsibilidad sa kaniya sa kaka, “bahala na si batman” ko. siguro, people pleaser siya katulad ko. kasi ni minsan, hindi ko siya narinig humindi sa bawat desisyon na pinapaako ko sa kaniya. parte roon na indecisive din ako. kaya nga siguro hindi ko mailagay ang “can work under pressure” sa resume ko dahil hindi naman talaga—dahil kahit isang buwan ang palugid na ibigay mo, wala pa rin akong siguradong desisyon na maibibigay sa ’yo. pero simula noong nakilala kita, nilubayan ko na si batman, hindi na rin cubao ang takbuhan ko tuwing naliligaw ako; ikaw na. hindi sa parteng nagiging dependent ako sa iyo, ngunit hindi ko alam. parang pagdating sa iyo, may siguridad. nagkadireksyon bigla ang buhay ko. na kaya ko palang maging sigurado sa desisyon ko? hindi na pala ako iyong dating papetiks-petiks, at kahit saan lang dalhin ng daloy ayos lang. naging sigurado ako bigla sa buhay, dahil sa ’yo. kasi hangga’t may cubao, hindi ka na muling maliligaw at hangga’t may ikaw, hindi na ako muling maliligaw. dahil ikaw ang cubao ko.
Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.
No comments yet