Maraming jeepney drivers ang gagarahe na bukas kapag naubos na ang kargang diesel. Dahil para sa maraming jeepney drivers natin, hindi lang dahil dulo na ng biyane. Dulo na rin kasi ng kanilang pisi. Dahil sa presyo ng diesel na papalo na sa ₱150 per liter bukas, suko na ang marami sa kanila. Hindi na kasi kaya ng budget at kakarampot na kinikita. In short, hindi na economically viable pa ang pumasada. Kasi kahit saang anggulo mo busisiin, isa itong trahedya. Madalas kasi nating pag-usapan ang "transportation" bilang ideya lang along the lines of modernization and subsidies. Pero habang tumatagal at lumalalim ang krisis, tungkol na ito sa tsuper na namasada ng 17 hours pero ₱200 lang ang naiuwi. Kasya lang 'yun sa isang kilong bigas at iilang delata. Kulang na kulang pa para sa boundary o sa maintenance ng sasakyang ilang dekada nang mainstay ng commute sa Pilipinas. Ang full tank kasi ngayon nasa ₱6,000 na. Ubos agad 'yan sa apat na balikan lang. ‘Yung mga driver na dating kumikita ng ₱700, swerte na kung makapag-uwi ng ₱150 matapos ang halos maghapon at magdamag na pamamasada. Umaabot na sila ng hatinggabi sa kalsada, namamasada kahit sa mga patay na oras makalikom lang ng para sa pagkain. Mapapaisip ka na 'yung mga jeep na tadtad ng stickers ng pangalan ng pamilya at dasal na "God Bless Our Trip," ngayon ay gaharahe na lang kasi sobrang mahal na ng biyahe. Para sa mga tsuper, pamamasada ang nagpapaaral sa mga anak nila, ang social security nila, at ang dangal nila bilang manggagawa. Sa papel, supply at demand lang itong global oil crisis. Pero sa kalsada, nagiging tungkol ito sa kung sino ang kayang magpatuloy at kung sino ang napipilitang gumarahe nalang dahil wala na lang silang choice.
Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.
No comments yet