read.cash Log in
@re-joyce

“May bisyo ka ba?” “Wala. Pero hindi rin ako mabuting tao.” Minumura ko sa isip ang lahat ng taong hindi naging patas sa nanay ko. Hindi ko kayang bigkasin ang mga pangalan nila, kaya binabansagan ko sila ng pinakapangit na salitang alam ko. Pinaparusahan ko sila sa utak ko, hanggang sa makahinga ang puso. Nagdadalawang-isip akong magbigay. Kung minsan sa iba, madalas sa sarili. Hindi ko natutunan ang paghahati, kaya’t maaaring buo ang matira, o buo ang mawala. Makailang beses kong hinayaang ako ang maubos para lamang walang mapahiya. Huhusgahan ko ang pag-ibig mo. Sasabihin kong mababaw ito. Lalatagan kita ng maraming dahilan kung bakit hindi nito kayang arukin ang kaya kong ibigay. Ikukumpara ko ang bawat salitang bibitawan mo sa mga tulang nabasa ko. Hanggang sa ikaw na ang lumayo. Wala akong bisyo, pero hindi rin ako mabuting tao. Lulong ako sa pagitan ng mga bagay. Sa gitna. Sa espasyong walang ganap na mali o tama.

No comments yet

Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.