Hindi ako kailanman naging paborito, hindi din ako yung unang naaalala ng mga tao. Madalas akong maging anino—nariyan lang sumusunod, sumasabay. Hindi ako yung unang aabutan ng kamay, at iilan lang ang pumapalakpak sa tuwing nagtatagumpay. Ganun siguro talaga kapag hindi ka naman ganun kagaling. Tama na yung "sakto lang" , sapat na para sa akin. Walang espesyal na pagtrato, kapag mahusay ka ay mainam kung may kaunting pagbabago, ngunit kung wala —wala namang bago. Kaya kampay, para sa mga nasa gilid lang o dulo. Hindi pa siguro ito ang panahon mo. Kapit lang sa pag-asang kahit hindi maging paborito,basta balang araw wala na sa pagpipilian. Na hindi kana sana makaramdam na parang hindi ka "bahagi", na hindi mo na maranasan ang ganun palagi. Yakapin mo muna ang sarili, kahit na tahimik ka munang umiiyak sa gabi —ipunin mo lang at gawing inspirasyon ang lahat. Para saan pa't hindi ka lang sasakto at sasapat. At kahit mahuli kapa sa pila, hindi ka magiging kawawa, dahil patas kang lumalaban, —kahit na mahirap, kayanin mong humakbang. Uusad ka din. Makikita din nila kahit hindi mo ipakita. Mararamdaman din nila, kahit wala ka pang ginagawa. Ituloy mo lang, Hindi ka huli. Hindi pa huli.
Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.
No comments yet