read.cash Log in
@coffeejelly

Mga Tula Para sa Lipunan Hindi ako makata ngunit sinikap kong gumawa ng tula tungkol sa mga kinakaharap nating mga pagsubok bilang babae. Araw araw tayong nakakaranas ng mga hindi kanais-nais na bagay dahil lang sa babae tayo. Karapatan nating marespeto. Ngunit, tila ipinagkakait nila ito sa atin dahil babae lang tayo. Mahihina lang daw ang mga bababe. Marurupok at wala daw dignidad ang mga kababaihan. Kaya naman ang baba ng tingin nila sa atin. Subalit, hindi dapat ganon. Kung Lalaki Lang Sana Ako *Kung lalaki lang sana ako* *Hindi ako matatakot na maglakad sa kanto* *Hindi ako masisipulan ng mga lumalagpas na tao* *Hindi ako masasabihan ng “Miss, ang sexy mo”* *Kung lalaki lang sana ako* *Hindi ako matatakot na lumabas ng bahay ko* *Hindi ko kailangan kabahan na ako ay madakip ng estranghero* *Hindi kailangang magpakaalerto ako sa paligid ko* *Kung lalaki lang sana ako* *Malaya akong isuot ang gusto* *Makakasuot ako ng maiikling bestida* *Hindi ko kailangang balutin ang sarili kahit mainit na* *Kung lalaki lang sana ako* *Hindi ako mababastos dahil lang sa suot ko* *Hindi ako sasamantalahin dahil mahina ako* *Hindi nababalot ng pangamba ang buhay ko* *Ang hirap maging babae sa lipunan* *Walang lugar at walang kapayapaan* *Huhusgahan ka sa iyong suot at itsura* *Sisisihin ka kahit ikaw ang biktima* *Pipilitin kang manahimik na lamang kahit inaabuso ka* *Kapag nagreklamo, sasabihing sinungaling ka* *Lahat daw tayo ay may karapatan* *Ngunit, tila lalaki lang ang pinapahalagahan* *Kung lalaki lang sana ako* *Hindi ko ipaglalaban ang aking karapatan* *Dahil hindi naman kailangan* *Subalit, babae ako* *Kailangan kong ilaban ang lahat sa lipunang ito* *Wala akong kasalanan ngunit tinuturing akong kriminal dito* *Walang kalayaan at walang karapatan* *Kung lalaki lang sana ako, hindi ganito ang buhay ko* *Lipunan, kailan ka ba tuluyang magbabago?* *Hanggang kailan mo ipagkakait ang karapatan ko?* *Hanggang kailan ako mangangamba dahil lang babae ako?* *Hanggang kailan ko papangaraping naging lalaki na lang sana ako?* Gumawa rin ako ng tula para sa ating mga katutubo. Lagi silang nakararanas ng diskriminasyon. Sila ay pinabayaan at pinagsasamantalahan. Kahit pa pinagkakakitaan sila ng mga may kapangyarihan, hindi sila nabibigyan ng masaganang buhay. Sila ay naghihirap. Gaya ng mga Bulaklak *Anong gagawin mo kung kahit anong iyong laban* *Aagawin pa rin sa huli ang iyong tahanan* *Anong gagawin mo kung kahit anong dasal mo* *‘Di makaturungang kamatayan pa rin ang iyong tungo* *Tila mga bulaklak na kahit anong halimuyak at ganda* *Walang makakapigil sa kanilang paglanta* *Ang mga katutubong hangad lang ay buhay na payapa* *Walang takas sa pananamantala* *Gaya ng mga bulaklak na nagbibigay kulay sa hardin* *Ang ating mga katutubo ang nagdala ng kulay sa kultura natin* *Subalit, gaya ng mga bulaklak, madali lang silang apakan at sirain* *Ng mga makapangyarihang walang awa at sakim* *Tunay ngang kapag maganda ang bulaklak, mas lalo itong mapipitas* *Hindi man lang naawa ang mga may kapangyarihang nakatataas Walang takas ang mga katutubo sa dahas Wala bang lakas ang ating batas?* *Mas mahalaga ba ang pera kaysa buhay ng ating mga katutubo?* *Wala ba tayong utang na loob sa ating mga kapwa Pilipino?* *Pinagkakakitaan ngunit pinapabayaan* *Pinapatay maagaw lang ang lupang kanilang tirahan* *Subalit, hanggat may araw na laging nasa langit* *Hindi mawawala ang pag-asa kahit buhay ay sobrang pait* *Patuloy na lumalaban ang mga katutubo* *Gaya ng mga bulaklak na patuloy na tumutubo* *Utang natin sa kanila ang pagsama sa kanilang pag-alsa* *Sapagkat utang din natin sa kanila ang ating identidad at kultura* *Higit sa lahat, paano ka mabubuhay nang matiwasay* *Kung bawat, araw may katutubong nawawalan ng buhay* *Ang pakikipaglaban para sa kanila* *Ay pagprotekta sa ating bansa* *Labanan natin ang mga sakim na pulitko at kapitalista* *Alagaan natin ang mga bulaklak at kanilang ganda* Sana ay nagustuhan niyo ang aking mga akda. `Lead image edited in Canva`

1 comment

Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.