read.cash Log in
@bbghitte more from that month

Kalayaan!

Ngayong araw ay ika-123 anibersaryo ng ating kasarinlan, kalayaan Mula sa mananakop na Espanya Ipinaglaban ng ating mga kanunu-nunuan Na syang lagi nating ginugunita, taon-taon na lang. Pero ikaw ba kaibigan, Malaya ka ba? O ikaw ay nakakulong sa bakas ng kahapon Na di mo mabaon sa limot dahil sa sakit na naidulot Na pag naalala mo ay meron pa ding kurot Na sa puso ay patuloy na tumutusok. O baka naman ng pagkakataon o ng relasyon Gaya ni Anton, di nya maiwan si Sharon Dahil sila'y minsang nakalimot at nagkaroon ng cute na si Leon Pero ang mahal nya talaga ay si Veron Na matagal na nyang karelasyon At nakatakda na ngang ikasal ngayong June. O di kaya naman ay bihag tayo ng utang na patong-patong Aruy, tinamaan naman ako dun! Na bakit ba naman kasi ang sarap mamili noon Kain dito, gastos doon Na di na natin namalayan tayo na pala ay sa utang nabaon Pero di bale, ito ang sure ko Lapit na ko makalaya dun.☺️ O baka dahil sa obligasyon Na dahil sa sobrang mahal mo ang iyong pamilya Sarili mong kaligayahan ay naisantabi mo na Pinipilit sabihin ayos lang pero sa loob ay di na pala Na gustong-gusto mo ng kumawala Pero nananaig ang iyong awa at pagmamahal sa kanila Na di ka na umabot sa last trip Ayan tumatanda ka ng dalaga. Saan ka pa ba di malaya? Mula kay crush na di ka nga natignan ni minsan sa mata? Na ikaw ay dinadaan-daan lang at nakatutok sa daan Sa mga politikong ang gagaling magsalita na pag nanalo ay nakakulong na sa kanilang mga tahanan At kahit onting tulong ay di na tayo maambunan! Sa mga tsismosang kapitbahay kaya? Na di sila natutuwa pag nakikitang umaangat ka Imbes na sabihin, deserve mo yan kasi nag-aral ka ng mabuti, masipag ka Kaso ang tanong pa nila, san sya kumuha ng pera? Luh! Di naman kaya, nakakulong ka dahil sa salang di mo naman ginawa Kaso diniin ka kasi malakas ang kapit nila Na kung magreklamo ka eh itutumba ka nila Parang yung kapitbahay namin Napagbintangang binaril nya ang kaibigan nya Na kahit may witness ay di naman nagsalita Sa takot na baka sila ang balikan nung mga totoong may pakana At ang nakakungkot pa Mga pulis na nag-imbestiga tinatakot sya At pinipilit baguhin ang statement nya Subalit mabait talaga ang Panginoon Dahil sa result ng paraphin test, negative sya Pero di pa din sya makalaya Dahil sabi may hearing pa. Andaming dahilan kung bakit di tayo malaya O kung iisipin natin ay pwede naman kumawala Pwede naman maayos at bukas ay okay na, malaya na Pero sadya yata na minsan tayo ay masokista Pinapahirapan natin mga sarili natin Yun bang takot tayo na lumabas mula sa pagkakasadlak Na ang kulungan naman pala ay walang kandado Pero ayaw nating tumayo o sadyang napagod lang tayo Na nag-iipon lang tayo ng sapat na lakas Para tumayo, lumabas at maglakad Maglakad palabas Kung saan may nag-aabang na magandang bukas Ang paligid ay maaliwalas. Sana kaibigan, kung pakiramdam mo ikaw ay nakakulong Sana ay makalaya ka na dyan sa lalonh madaling panahon Nang tayo ay sabay-sabay ng aahon At makamtan ang tunay na kalayaan na sa atin ay naaayon.

1 comment

Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.