*Magandang gabi sa lahat! Gusto ko lang i-share itong draft na ito. Hindi ko alam kong may magbabasa (since masyadong mahaba), pero draft ko po ito nung senior high. At honestly, hindi ko alam kung bakit ganito 'to. Lol. "Nak, ayos lang. Masaya na ako." Hindi ko mapigilan ang pagtulo ng aking mga luha buhat ng maalala ang nangyari kanina. Sobra akong napahiya, natanggal kasi ang swelas ng sapatos ko habang bumibili sa canteen. Okay lang sana kahit pinagtinginan ako, pero yung pagtripan at pagpasa-pasahan ang sapatos ko? Hindi, hindi yun okay. Pahiyang-pahiya ako lalo sa mga kaibigan ko. Bakit ba kasi ganito ako kamalas, kung sana'y binigay na lang ako ni Mama sa tunay kong ama edi sana hindi ako naghihirap ngayon. Tsk. "Nak?" tawag ni Mama, habang lumalapit sakin. "Tahan na anak, bukas na bukas bibilhan kita ng bagong sapatos." aniya habang hinahaplos ang buhok ko. Napabalikwas ako ng bangon dahil sa sinabi niya. "Bibili ka na?" iritadong tanong ko, tumango naman sya agad habang nakangiti. Napangisi ako, "Kung kailan napahiya na ako saka ka bibili!? Nay! Nung isang linggo pa ako nagrereklamo sa sapatos kong yun, pero anong sinagot mo 'kaya pa naman sigurong magamit anak, wala pa kasi tayong pera', tapos ngayong napagtripan na ako, saka ka bibili?" bulyaw ko sa kanya, napatungo si Mama. "Bakit ba kasi di mo na lang ako binigay kay Papa, diba sabi mo mayaman siya? Dapat binigay mo na lang ako tutal di mo naman ako kayang bigyan ng maayos na buhay." Napaluha si Mama, "Nak, pinipilit ko naman e, ginagawa ko naman lahat---" "Pero kulang pa rin Ma! Ibigay mo na lang kasi ako kay Papa" iyak ko sa kanya. "Hindi kasi madali yun anak, d-dahil...dahi-----" Naputol ang sinasabi ni Mama nang may kumatok sa pinto. "Ma, dahil ano?" pinipilit ko pa rin syang tapusin ang sinasabi, pero mabilis syang tumungo sa pintuan. Napagbuksan ni Mama si Aling Meding, galit na galit ito, pero hinila ito ni Mama palabas nang tuluyan sa bahay, para siguro hindi ko marinig ang pinag-uusapan nila. Dumaan ang mga araw na hindi ko pinapansin si Mama, kinakausap nya ako, pero hindi ko sya iniimik. Binilhan nya na rin ako ng bagong sapatos, bag pati na rin bagong uniporme, pampalubag-loob siguro, pero wala pa rin akong pakialam. Hanggang sa hindi na nakayanan ni Mama ang pambabalewala ko, at kusa syang pumunta sa eskwelahan. Papalabas kami ng mga kaibigan ko sa gate nang matanaw ko sa katabi ng sekyu ang isang ginang na gusot na gusot ang damit, pawis na pawis at may supot na bitbit. Nung una akala ko kung sino lang pero nang lumapit ito sakin doon biglang nag-init ang ulo ko. "Ano pong kailangan nyo, Ale?" gigil kong tanong sa kanya habang pinandidilatan ng mata, at pasimpleng nginunguso ang mga nagtataka kong kaibigan. Mabuti't nakuha naman iyon ni Ma, "Ah, pasensya ka na Ineng, a-akala ko kasi i-ikaw yung anak ko", saka sya tumalikod at nakatungong umalis. "Nakakapagtataka naman, ba't ka nya mapagkakamalan, e ang layo-layo ng itsura mo sa aleng yun" komento ng isang kaibigan ko. "Oo nga, saka diba sabi mo patay na ang nanay mo."sang-ayon ng isa ko pang kaibigan. "Wag nyo na lang pansinin yun, baka malabo na ang mata ng aleng iyon. Tara, lakwatsa na lang tayo!" yaya ko para matapos na ang kanilang pinag-uusapan. Pagkauwi ko kinagabihan, dumiretso agad ako sa kusina para komprontahin si Mama, bagama't natigilan ako pagkakita sa kanya dahil sa namamaga niyang pisngi at putok na labi, tinanong ko pa rin sya, "Bakit ka pumunta sa eskwelahan? Nakalimutan mo ba na binubully ako ng mga kaklase ko dahil sayo?" "P-pasensya na Nak, dinalhan lang kasi kita ng meryenda kanina, nagluto kasi ako ng spaghetti sa bahay ng amo ko kaya kinuhaan na rin kita. Diba paborito mo 'yun?" sagot nya habang iniinda ang namamaga na ring labi. "Wala akong pake, ang punto ko, wag ka nang pupunta pa doon, kahit kailan!" mariin kong sabi saka padabog na nagtungo sa maliit kong kwarto para matulog. ***** Mahinang tapik sa balikat ang nagpagising sa walang malay kong isipan. Paglingon ko sa tabi ko'y naroon, nakatayo ang kapitbahay namin."Pasensya ka na hija kung inistorbo kita, baka kasi makatulog ka ng tuluyan at mabasa mo ng luha ang salamin". Doon lamang ako tuluyang nagising sa isang reyalidad na tila isang bangungot sa akin. Wala na si Mama. Tanging mga alaala na lamang ang aking nakita. Tanging sulat mula sa kaniya ang naiwan na lamang sakin. Doon ko lamang nalaman na sa bawat bulyaw ko sa kaniya ng masasamang salita ay may iniinda rin siyang sakit sa kalooban. At hanggang sa huli, ako pa rin ang kanyang iniisip. "Nak, ayos lang. Masaya na ako." -magioia- Salamat sa nagbasa! @Mariagioia00 #originalcontent
No comments yet