May ako,May tayo'
(Sa mundong pinapatakbo ng salapi at katanyagan marahil katulad ko ay nalilito ka rin kung sino nga ba ang totoo at nagpapakatao, marahil nawalan ka na rin ng interes sa kung papaano tumatakbo ang sistema sa ating bansa, nakatitiyak ako gulong gulo ka na rin sa paulit ulit na tanung katulad ng sino at kung anu anu. Sana makatulong ang tula kong ito sa pagbubukas ng ibang dimensyon ng katotohanang tanging sarili mo lamang ang makakatuklas. Makabuluhang pagbabasa kapatid!) .. .. Napapaisip ako Kung tama ba itong gagawin ko Matapos ang anim na taon Ngayon ko nanaman naramdaman ang kakaibang pagkalitong tulad nito Oo, nalilito ang puso pati na ang isip ko Mabuksan nga ang radyo baka mas maliwanagan ako .. .. (Sa radyo:) Mga tinig dito’y umaalingawngaw Mga awit na paulit ulit Tumatatak sa aking isipan Alin ba rito talaga ang lirikong makatotohanan? .. .. Hays! Sana naman Huwag nyong gawing drama serye Ang kinabukasan ng ating lipunan Huwag nyong linlangin ang taong bayan Gamit ang mala anghel nyong tinig At pagkukunwaring nasa bibig nyo ang maraming pamamaraan .. .. Masalimuot mang isipin Na sa tulad kong mahirap ay tanging ito lang ang mga kasangkapang mayroon ako Ngunit kung ang mga laman nito ay puro pangmamanipula rin ninyo Ay malamang na wala na nga akong kalayaang Malaman ang katotohanan at mabigyan ng pagkakataong pumili ng tama At naaayon sa sariling pamantayan ko .. .. Nakita ko si ina Ayon sa aming sala Nanunuod ng telebisyon Wiling wili sa palabas roon .. .. Lumapit ako at panandaliang nawala sa isip ko ang kaninang pagkalito Ang eksena rito’y Pag aalsa, May mga taong nakikibaka Sobra na! Tama na! Palitan na! Sigaw nila habang hawak hawak ang mga karatulang nagpapahayag ng hirap na nararamdaman nila .. .. Ito na marahil ang nagiging resulta ng mga estratehiya Galing sa pangungumbinse Istilo sa pagsasalita at kung anu anu pa Ngayon nasaan na? Hinahanap na ng taumbayan ang aksyon at solusyon Sa mga pangakong binitawan mula pa noong nagdaang mga taon .. .. Nakakayamot Pati ba naman sa telebisyon ay pareho rin ng eksena? Saan ko nga kaya makikita ang walang bahid na katotohanan tungkol sa kanila? Nawawalan na ako ng pag asa Nakakalito at parang mas makakabuting huwag na lang makialam pa Pero paano ang aking bayan, pababayaan ko na lang ba? .. .. Sina Aleng Maria, Pat, Alyana at Ate Rowena Sila yung mga regular na tsismosa na lagi nang makikita sa dun sa tabing kalsada Oo, Tsismosa na ang naging kataga sa kanila Dahil sa pagkakalat daw ng mga kwentong galing rin lang naman sa iba Marahil nga nagpapalaganap sila ng kwentong hindi naman makatotohanan ang ilan Ngunit sa palagay ko’y isa lang rin silang katulad ko Naghahanap ng kwentong Maaaring paniwalaan at walang halong kalokohan Malinis, makatarungan at makakatulong sa sangkatauhan .. .. Kesyo ganito, kesyo ganyan Gagawin daw ang lahat para sa ating bayan Iaalay nga daw nila pati ang kanilang sariling hiram na buhay Magaling! Nakakamangha! Isa kang bayani sa mga pinagsasabi mong iyan! Ito naman kaming madaling magpadala Parang sarangola susunod sa hangin kung saan idikta Sa mala pelikula nyong pananalita Ito nga ako sa wakas ay nakuha nyo na .. .. Ngunit anu ba itong nararamdamang isa nanamang pagkalito Nang marinig ang sintemento ng kabilang kampo Ganito raw kayo, siraulo at kung anu anu Nakupo! Nawawala na talaga yata ako Hindi na alam ang paniniwalaan kung sino sa inyo .. .. Ayon may pila ang sigaw ng iba Pilang nagbabayad sa pagkalitong dulot nila Kapag sumangguni ka sa mesang iyon Na may panulat at papel Pumirma ka na lang at tanggapin na ang katotohanan ay nanggaling sa mga nakaraang pahayag nila May limandaan sa isa habang sa kabila naman ay maaaring higit pa o maaari din namang mas mababa depende sa kanilang naitabi sa bulsa galing sa kaban ng bayan .. .. Palakihan ng halaga na maiaabot Sa huli ang syang magiging labanan Huwag kang pakasiguro sa kakampi mo ngayon pagkat sa dulo ng pisi maaari pang sa kabilang panig ay umanib ito Ito na nga ang kalakalan sa ating lipunan Maaaring matalo ka pagkat hindi mo natumbasan o nalagpasan ang bayad ng kalaban .. .. Sige na nga bilihin nyo na Ang dignidad ko, kaluluwa pati na rin itong aking buong katauhan Dahil ang totoo’y hindi ko rin alam Kung sino sa inyo ang may mabuting hangad sa bayan .. .. Habang ako ay nakapila Doon sa may mahabang mesa Nakita ko ang aking sarili sa salamin Tila pagkakataon ay may nais na ipahiwatig sa akin .. .. Natauhan ako Ang hinahanap kong katotohanan at pagbabago ay magsisimula pala sa sarili ko Kayat bakit ako magpapalito Sa mga sinasabi ng aking kapwa tao Bubuuhin ko ang sarili ko Magiging simbolo ako ng hinahangad kong pagbabago Ipapakita ko sa iba Na tayo Sila Ako Ang bubuo ng aydiyal na mundo At sistema sa bansang ito .. .. mabuhay ang Pilipino! Mabuhay Pilipinas! Ang bayang mahal ko.
No comments yet