HOW TO COOK LECHE FLAN Madali lang magluto ng leche flan, Parang yung ginawa mong pangungutang sa akin, madali lang akong naawa sa’yo kasi naniwala ako sa mga pangako mo. Kailangan lang ay mayroon kang oven o kaya ay steamer. Kapag wala ka ng mga kagamitang ito, maaari kang gumamit ng malaking kawali. Lagyan mo lang ng mapapatungan ang llanera (yung pagsisidlan ng leche flan). Tandaan mo na makakagawa ka lagi ng paraan, parang yung utang mo sa’kin na kung gusto mong bayaran ay madali lang naman pero puro ka dahilan. Mga Sangkap ng Leche Plan 1 tasang asukal na pula 3/4 tasang tubing 12 pula ng itlog (egg yolk) 2 lata ng gatas na condensada 2 lata ng gatas na evaporada 1 kutsarita katas ng lemon Kaunting asin Paraan ng pagluto ng Leche Plan 1. Paghiwalayin ang pula at puting bahagi ng itlog. Ang pula lang ang kailangan sa leche flan. Itinapon mo na yung puti. Parang yung pagkakaibigan at samahan natin nung nangungutang ka, itapon mo na at ipinagpalit mo sa konting halaga ng pera di ba? 2. Sa isang mangkok, paghaluin ang lahat ng pula ng itlog, gatas na kondensada at evaporada. Paikutin mo ang ginagawang paghalo. Parang ginawa mo nung sinisingil na kita, pinaikot-ikot mo ako at marami kang dahilan, kesyo wala ka pang pera, kesyo may hinihintay ka lang. 3. Ilagay ang katas ng lemon at haluin ng maigi upang maiwasan ang mga bula.Yung bula na parang ikaw nung sinisingil ka, bigla ka na lang nawala. Di na kita Makita, inunfriend mo pa ako at Blinock sa FB. 4. Maaari rin maglagay ng kaunting asin. Asin na pampaalat, parang ako na inalat at minalas simula nung pautangin kita. Nabawasan yung ipon ko kasi nagtiwala ako sa’yo na babayaran mo. 5. Sa isang kawali, paghaluin ang tubig at asukal. Isalang sa apoy at hayaang kumulo hanggang mag-caramelize ang asukal. Ibuhos ito at ikalat sa mga llanera. Hayaang lumamig. Tulad lang din yan ng galit ko sa’yo nung di ka nagbayad ng utang mo, kumukulo din ang dugo ko pero siguro naisip mo din na darating ang panahon na lalamig ang ulo ko kaya dinedma mo lang! 6. Unti unting ibuhos ang pinaghalong kondensada at evaporada sa loob ng llanera na may nakabanig na caramelized na asukal. Huwag punuin ang sisidlan. Maglagay lang ng hanggang 1 ¼ pulgada ang lalim. Pero alam mo, pinuno mo yung pasensya ko kasi ginawa mo akong tanga. Singil ako ng singil sa’yo puro ka naman pangako, aba eh pera ko naman yung hinihingi ko sa’yo. Nakakapagod din kayang maningil 7. Maaring lagyan ng takip na aluminum foil kapag walang dala na takip ang llanera. Yan diyan ka naman magaling di ba? Yung pagtakpan yung pagkakautang mo. Di ba puro pagtatakip at pagdadahilan ang ginagawa mo kaya nga hanggang ngayon ay di mo pa din nababayaran yung utang mo. 8. Ilagay sa lutuan na iyong napili at i-steam ng 35 hanggang 45 minuto. Kung sa oven naman, i-bake ng 45 minuto sa setting na 370 Celsius. Pero alam ko hindi mo susundin ito kasi balewala sa’yo yung mga ganitong oras na usapan. Tulad nung utang mo na sabi mo na babayadan mo sa katapusan eh hindi naman pala. Kailan ba yung katapusan, katapusan ng mundo? 9. Kapag naluto na, hanguin at palamigin. Ilagay sa loob ng ref – huwag sa freezer. Parang yung pangungutang mo na pinalalamig mo na lang ang mga pangyayari at kunwari ay kinalimutan mo, akala mo siguro makakalimutan ko! Hinding hindi ko makakalimutan yan tandaan mo! 10. Bago ilipat sa plato, padaanin ang kutsilyo sa pagitan ng leche flan at ng llanera upang hindi mabiyak ang leche flan. Ilagay sa plato ng nakabaligtad upang yung bahagi na may caramelized sugar ang nasa ibabaw. Parang yung ginawa mong pagbaligtad sa mga pangyayari na ako pa ang masama dahil sinisingil kita. Tapos ako pa yung parang mukhang pera kasi nga lagi kitang pinapaalalahanan na magbayad. Tindi mo! 11. Handa na ang Leche Flan at pwede mo ng kainin. Yun ay kung may gana ka pang kumain at ipost na kunwari ay masaya ka na nakapag luto ka ng Leche Flan pero di nila alam na may utang ka pa rin sa akin na di mo pa nababayaran.. 🙄🙄🙄
Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.
No comments yet