Ang pagpasok ng panahon ng kapaskuhan ay nagpapanumbalik sa akin ng masasayang mga ala-ala kasama ang mga lolo at lola, mga kababata't kaibigan at ang isang payak subalit makabuluhang pagdiriwang kasama ang buong pamilya. Buo dahil nariyan pa ang lahat, hanggang sa yumao ang lolo ng 1997, at sumunod ang lola noong 1998 na sinundan naman ng aking pangatlong kapatid noong 1999. Ang mga sumunod na pasko ay di na kasing-saya ng dati. Ang aking mga kababata sa paglaon ng panahon ay may kanya-kanya nang buhay at natutuwa akong makitang bumubuo na sila ng sari-sariling pamilya kagaya ng ilan sa aking mga kapatid. At ang kapaskuhan ay nagsisilbing panahon upang muli silang makita o makasama o di kaya'y makatanggap ng pagbati sa Messenger ng "Merry Christmas". Ewan ko, pero para sa akin palungkot ng palungkot ang bawat pagsapit ng pasko. Bagamat nanatili naman akong nagpapasalamat sa mga ganap at aral ng buong taon. Dumating ako sa punto na seremonya na lamang ang mga ito. Isang komersyal na oportunidad para sa mga negosyante upang kumita. Isang okasyon upang maging masaya (o magmukhang masaya) at panandaliang nakalimutan ang mga problema Para sa akin, okasyon para sa mga bata na lamang ito, para sa mga naniniwala kay Santa Claus (imbes na sa tunay na dahilan ng pagdiriwang nito) at para sa mga matatandang namiss maging bata . Simula din ng hindi na ako humawak ng advisory class, hindi na rin ako masyadong excited dumalo sa Christmas party ng skul. Tutal wala naman akong mga batang direktang kailangang asikasuhin at pasayahin. Actually ang pagkayamot ko sa school Christmas party ay mula po noong nasa elementarya ako na kailangang magdala ng mga pinggan, kutsara at baso at makatanggap ng regalo na ang halaga ay di aabot doon sa napag-usapang presyo. Ang babaw, oo. Sa buong buhay ko, isang beses ko lang nakumpleto ang siyam na Misa Aguinaldo sa panahong nasa choir pa ako. At kahit sa panahong iyon ang paggising ng napakakaaga para sa akin ay isang kabawasan sa isang masarap na tulog. Wala din akong kuwentang ninong. Alam ng mga inaanak at mga kumare kumpare ko yan. Sa lampas isandaan kong napagninongan mahigit 90% sa kanila ay di naman talaga nakakatanggap ng regalo sa akin sa tuwing pasko lalo na yung mga may kaya ang magulang. Takot akong mapagsabihan na Ang baba naman ng halaga ng regalo, atbp. Naalala ko matyaga naman akong bumibili ng mga laruan at nagbabalot nito kasama ang aking mga kapatid hanggang isang kumare ang pabirong nagsabi na bakit sa isang tindahan ng Taiwanese sa Sorsogon ako bumibili lamang ng mga ito eh "low quality" ang mga ito. Praktikal ang rason ko sana, syempre ang makatipid. Pero di na ako nagpaliwanag. Kasunod na pasko di na ako nag-abalang bumili ng kahit na ano... hanggang sa ngayon. Basta, malas ang mga inaanak ko sa akin. Isahang regalo sa binyag, o di kaya'y maaring masundan ng kaunting mga pasko tapos. Period. Naiinis din ako kay Mama dati kapag nag-aayos na sa bahay ng mga abubot sa pasko. Hindi ako naaaliw sa Christmas Tree maliban na lamang kapag pinaglalaruan ito ng mga pusa at pinagtatanggal ang mga Christmas balls. Okay din naman ang Christmas lights pero para saan pa ito kung madalas namang patay-sindi ang kuryente. Basta, para sa akin hindi ko paborito ang pasko at ang pakikinig ng mga awiting pamasko ay nagdadala sa akin ng kakaibang lungkot at pangungulila. Hanggang noong nakaraang taon ng maisipan kong kumuha sa Lazada ng di namang kagandahang Christmas Tree kapalit ng binusabos na dating inaayosan ni Mama na niluma na ng mga nagdaang pasko. Espesyal sa aking makita na masaya niyang inaadornohan ito ng mga palamuti kasama ang aking mga pamangkin. Ng isang hapon, kagaya ng nakaraang taon, ikinabit nila ang Christmas Tree. Masaya akong makita ang tuwa sa mga mata sa dalawa kong pamangkin habang inaalalayan nila ang kanilang lola sa pagsasaayos nito. May pagpapasalamat akong masaksihan ang ganoong tagpo. Gayunpaman, mananatiling least favorite season ko ang Christmas. Actually wala naman ata akong paboritong okasyon. Yun lang. #AlphrediteBlogs
1 comment
Tama po kayo dyan habang patagal na patagal, palungkpt ng palungkot ang pasko di na gaya nung mga bata pa kami na laging hinihintay ang pag sapit ng pasko kasi may regalo na matatanggap galing sa iba't ibang tao. 🥲