KAHON at PASALUBONG Ni: Cherrydon Noong bata pa lang ako ay hindi ko maiwasang mainggit sa aming kapit-bahay at kalaro dahil palaging nagpapabagahe ang papa niya na nasa abroad. Ang daming laman gaya ng mga bagong damit, chocolates at mga laruan. Sabi ko sa sarili ko, ang sarap siguro magtrabaho sa ibang bansa. Mag-aabroad din ako balang araw. Kay buti ng Panginoon dahil dininig niya ang hiling at pangarap ko noon na makapag-abroad. Lagpas sampung taon na akong ofw. Dito ko natuklasan ang lahat ng kuwento ng mga ofw. Akala ko masarap. Akala ko madali. Akala ko makakapagpapabagahe ka agad-agad. Hindi pala. Maaaring puro masasayang larawan ang nakikita ninyo sa amin sa social media. Ngunit sa likod nito, naroon ang paghihirap, pangungulila at kahit pang-aapi at pang-aabuso. Marami kaming tiniis na hindi kainin o bilhin para sa sarili upang may maitabi. Gaya ko, hindi ako bumili ng isahan upang mapuno ko ang kahon ko. Ang laman ng bagahe ay nagsisimbolo ng lahat ng pagod at hirap. Yun bang gustong-gusto mo nang umuwi ngunit hindi mo magawa dahil mayroon kang pamilya na umaasa sa'yo. Yung sa gabi, nalulungkot ka, umiiyak ka sa tinding pangungulila sa mga mahal sa buhay. Hindi po kami nagrereklamo. Ang sa amin lang naman ay sana bigyan ng halaga ang lahat ng aming pagsasakripisyo dito sa ibayong-dagat. Hindi pa man kami makakauwi sa ngayon, sana ay makakapagpasaya sa inyo ang lahat ng laman ng kahong aming ipapadala. Sa mga kamag-anakan, huwag naman kayong magtampo kung isang sabon lang at isang kaha ng sigarilyo ang iniabot sa inyo. Hindi po namin yan pinulot dito. Nung nagpa-process pa kami ng mga dokumento, lahat na yata ng bombay ay nautangan na namin o di kaya'y ilang kalabaw din ang aming naibenta ngunit wala ni iisa sa inyo ang nag-abot sa amin o nagbigay ng pabaon nung kami ay umalis. Kaya, sana po ay pahalagahan ninyo ang lahat ng ito. Hindi natin hawak ang buhay. May mga kababayan na tayo na sila mismo ang naging laman ng kahon. Ito ang masaklap na katotohanan. Ito ang totoong kuwento ng isang Ofw. (Sorry for the long post. It's good also to write using your own language just to express your true feelings and emotions.) #myphotomystory #Philippines
1 comment
Saludo po ako sa mga OFW na tulad nyo.