ORAS
Sigundo, minuto, oras Nagbibilang, nawa araw na'y lumipas Ikalawang araw pa lamang ng pito Sana'y ika-anim ng araw na ang hiling mo. Sigundo, minuto, oras Pagkabagot sa mukha ay nababakas Bulag sa ganda ng liwayway Takip-silim ang siyang hinihintay. Sigundo, minuto, oras Hindi na mahintay ang bukas Sana bukas nga'y ngayon na Ano't tila ma'y hinihintay pa. Sigundo, minuto, oras Naghahanap ng pampalipas oras Di ibig, sa kasalukyan ay naiinip Dahil sa hinaharap laging nakasilip. Sigundo, minuto, oras Parating na ang hinihintay na bukas Nagkakandarapa at natataranta Ang bukas, ayan na sa mga mata. Sigundo, minuto, oras Tumatakbo, kumakaripas Sinasambit, sa mga labi'y lumalabas "Bakit ba ganun, ang bilis naman ng oras?" Sigundo, minuto, oras Ang panahon ay talulot ng rosas Nalalanta, natutuyo, nalalagas Ang bukadkad ay hindi nagwawagas Sigundo, minuto, oras Nagmadali, dumaan kahit sa butas Mga kayamanan ng bawat sandali Di nasilayan, nanatiling nakakubli. Sa kahahabol sa maka-ilang bukas Bukadkad ay tuluyan nang lumipas Kahapon mo'y kay bilis na binagtas Yaon pala'y naubusan ka na ng oras.
No comments yet