Kakayanin anumang hirap upang kaginhawaan ay malasap

0 24
Avatar for wakeuplincs
2 years ago

Nataon na ngayon ay Hulyo, buwan ng nutrisyon. Buwan ng paggawa ng slogan at poster noong mga panahon namin at hanggang ngayon pa rin naman. Naalala ko lang pagkatapos kong makagawa ng pamagat na parang slogan pero hindi nga lang patungkol sa nutrisyon ang gawa ko. Para ito sa pinagdadaanan ko.

Lahat naman tayo ay dumadaan sa mga pagsubok ng buhay. Sa kalagayan ko ngayon, masasabi kong malayo ang ginhawang aming mararating basta lamang magtitiis kami sa panandaliang hirap na hindi naman namin ikakamatay. Sa katunayan, mas magigigng masigla ang buhay kung tayo ay kumain lamang ng tama at huwag nang kung anu-ano pa. Kung mapapahintulotan naman na makakain ng masarap, aba eh bakit hindi, hindi ba?

Kinailangan kong higpitan ang aking pangalawang anak nitong araw na ito para hindi siya manghingi ng pera na pambili ng kung anu-ano. Ako ay 'guilty' sapagkat medyo sinanay ko sila na bigyan ng pera tuwing nanghihingi sila. Sa kabutihang palad, hindi na siya nagpumilit noong sinabihan kong wala kaming budget para sa candies at biscuits. Ulamin na lang natin kung ano ang nakahain. Pinagbigyan ko siya na kumain ng kanin na may halong milo at tubig. Kahit papaano, may lakas siyang makukuha doon.

Madali lamang maglustay ng pera. Pero nga kapag dumating ang pangangailangan, nakakahiya na inubos mo lamang sa hindi makabuluhang bagay ang pera mo. Kung tutuosin, nag-uulam naman kami ng mga masasarap kaya sobrang hamon kapag nagpupumilit pa silang bumili ng kung anu-ano. Kaninang umaga, karne ng baboy ang ulam at may pusit pa na hinaluan ng Baguio beans. Maiintindihan niyo siguro ang pakiramdam ko noong hilingin ng dalawa kong anak na mag-ulam na lamang ng milo. Aba! Hindi na ata pwede ito. Pero pinagbigyan ko na lamang. Susubukan ko ulit siyang kumbinsihin sa punto ko. Nakakatawa lang na may ulam na, naghanap pa ng iba.

Matagumpay naming naisalba ang singkwenta pesos ngayong araw. Hindi ito nagastos. Kung bumigay agad ako noong humingi ang bata, malamang lagpas pa sa singkwenta ang gastos namin. Noon, umaabot kami ng tatlong-daan o higit pa sa isang araw lamang. Ngayon, kung maaari, sa ulam lamang muna kami gumastos at sa tinapay, gatas, kape, at milo. At tsaka groceries. Balang araw, kung makakaluwag, paminsan-minsan, makakatikim kami ng pizza.

Hindi ko lubos maisip na madalas pa ako kumain sa mga sikat na kainan noon. Ngayon kung maaari, ngayong pandemiya, kung lalabas ako ng bahay, iuuwi ko pa rin dapat ang kain ko para hindi makagastos sa Jollibee, McDo, PizzaHut, Yellow Cab, at kung saan-saan pa. Dble, sabi ko sa sarili ko, natikman na natin iyan dati. Kahit papaano, alam na natin ang lasa. Kaya ngayon, magtipid muna tayo. Magpasalamat na mayroon tayong bigas, ulam, at marami pang iba. Tandaan, mahirap ulit na malublob sa utang. Kung ano ang meron, pagtiyagaan. Alalahanin ang mga turo ng mga magulang.

Sabi ni tatay noon sa akin, 'Tighten your belt.' Sa kasamaang-palad, kinailangan ko pang malagay sa mga alanganing sitwasyon bago ko susundin ang payo nila. Kunsabagay, napagtanto ko naman sa huli. Iyon ang magandang dulot ng pagiging bukas ng ating mga tenga kahit na sa una ay magpapasaway muna tayo. Mayroon at mayroong magandang leksiyon na mapupulot ang bukas na tenga.

Sa totoo lang ay simple lang naman, ang ating kinaugalian ang siyang makakapagsabi kung ano ang ating kakahantungan. Kaya naman ay kailangang na ituro ang dapat sa mga bata. Mabigat sa aking pakiramdam na minsan sa dami ng gawain ay nasasakripisyo ko ang kalidad ng alaga ko sa aking mga anak. Minsan ay napapabayaan na lamang sila na manood sa cellphone at iba pang devices. Isa itong mahirap na hamong kinakailangang bigyan ng atensiyon. Kailangan din nilang pagtuonan ng pansin ang kanilang pag-aaral. Lamang ang magulang na magsasakripisyo ng oras na ilalaan sa kanilang anak. Pikit-mata ko itong ibibigay sa aking mga anak. Gabayan niyo po ako, Panginoon. Hindi ko ito kakayaning mag-isa.

Natatakot ako na balang araw ay aking pipitasin ang hapdi, pait, at sakit ng aking hindi magandang pagpapalaki sa mga bata. Kaya habang maaga pa, titiyakin ko nang kahit papaano, hindi man perpekto, ay tuturuan ko sila ng magagandang-aral. Sa nakikita ko, katakot-takot na kinabukasan ang nagbabadya sapagkat ako ay hindo nag-iingat. Kakayanin lahat ang hirap sa ngayon, para ang kaginhawaan ay malasap sa hinaharap.

Buong sigla kong ipagmamalaki na ako ay isang magulang. Ang serbisyo na aking maipaglilingkod sa aking bayan ay ang paghububog ko sa aking mga anak. Bukas o makalawa, maaaring ako nanaman ay mahuhulog sa hindi mawaring kinalalagyan. Pero iisipin ko ang kinabukasan ng aking mga anak. Hindi pwede ang patumpik-tumpik. Buhay nila ang nakasalalay.

Nananalangin akong sana man lang, kahit sa maikling panahong ito na sila ay bata pa ay maisantabi ko ang aking pansarili lamang na kapakanan para bigyang daan ang para sa kanilang kabutihan. Hindi ko na muna iisipin ng hirap na aking dinaranas, psychological and emotional. May Diyos na may habag at alam niya kung paano niya ako gagamutin. Hindi tayo maaaring magpatalo sapagkat may Diyos tayo na nakaagapay. Lalo na kung kapakanan ng mga bata ang pinag-uusapan.

Sa kabilang dako, hindi umiyak ang aking Davies, ang pangalawa kong anak, kagabi kaya ang kapatid niya ang pinagtuonan ko ng pansin. Sana simula ito ng panibagong yugto para sa anak ko na minsan ay madalas umiyak at magwala tuwing gabi.

Mabuhay ang mga magulang!

4
$ 7.29
$ 7.29 from @TheRandomRewarder
Avatar for wakeuplincs
2 years ago

Comments