Isa sa mahirap at komplikadong desisyon sa buhay mag-asawa ay ang tumira sa kanilang magulang o biyenan. Maraming maaaring mangyaring hindi kanais-nais at inaasahan. Ngunit dahil sa kahirapan, kakulangan at agarang padedesisyon na mag-asawa ay nauuwi sa pakikisama at pakikipamahay kasama ang biyenan o mismong iyong magulang. Narito ang ilang bagay at paalala upang magkaroon ng magandang samahan sa tahanan na iyong ginagalawan.
Mahalin at tanggapin sila na gaya ng iyong asawa
Upang masimulan mo ang magandang relasyon sa iyong biyenan tanggapin mo sila ng buo at mahalin gaya ng pagmamahal mo sa iyong asawa. Sa ganitpng paraan magiging madali at mainam ang pakikisama mo sa kanila.
Manatili ang pagkakaroon ng respeto sa biyenan at iba pang kasama sa bahay
Maaaring magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa loob ng tahanan na nauuwi sa away at samaan ng loob ngunit iyong tandaan na dapat ay manatili pa rin ang iyong respeto sa iyong biyenan katulad ng respeto mo sa iyong asawa. Igalang ang iba pang kasama sa bahay upang maiwasan ang magkaroon ng hidwaan.
Matutong magpakumbaba at magpatawad
Lahat tayo ay nagkakasala at nagkakamali kung kayat kailangan mong magpakumbaba upang mapanatili ang magandang samahan sa iyong pamilya. Kung sila man ay may nasasabing hindi maganda ay hayaan na lamang at matutong magpakumbaba sa lahat ng bagay. Magpatawad kagaya ng pagpapatawad nila kapag ikaw ay nagkakamali o nagkakasala.
Habaan ang pasensya at pagtitiis
Lahat tayo ay may tinitiis at pinagpapasensyahan upang mapanatili pa ang pagsasama at isang relasyon. Hindi ka magtatagal sa pakikisama sa iyong biyenan kung ikaw ay bugnutin, maiksi ang pasensya at hindi marunong magtiis ng kalikuan at kakulangan ng mga taong iyong nakakasama. Kapag mahaba ang iyong pasensya matututo kang timbangin ang mga bagay-bagay sa iypng paligid.
Matutong makisama ng maayos at maging totoo
Habang ikaw ay nasa poder ng iyong biyenan sila ang halos masusunod sa sambahayan dahil sila ang mas nakakatanda sainyo. Magpakatotoo sa harap nila at huwag maging ngiting-aso lamang. Maganda kung napagsisilbihan mo rin ang iyong biyenan sa pamamagitan ng paghain ng pagkain at pagtulong sa mga gawaing bahay.
Iwasan maging balat-sibuyas
Hanggat maaari ay tibayan, tatagan mo at huwag agad sasama ang iyong loob sa kanilang mga sinasabi saiyo. Kung tama naman ang sinasabi nila sayo at pinangangaralan ka lang matutong kang tanggapin ito.
Maging bukas at laging makipag-usap sa kanila
Isa sa susi at paraan upang magkaroon ng magandang pagsasama sa isang tahanan ay ang pagiging bukas sa isa't-isa upang mapag-usapan ang mga bagay na dapat bigyan ng pansin at linaw.
Magkaroon ng kusa sa pag-aambag sa gawaing bahay at gastusin
Habang ikaw ay nakikisama sa iyong biyenan kailangan mo rin makaramdam ng mga bagay na dapat mong gawin bago pa nila ito sabihin. Huwag mo ng hintayin na utusan ka o lapitan ka para humingi ng tulong lalo na kung ang biyenan mo ay matanda na rin. Magkusa ka na gumawa at kumilos sa loob at labas ng bahay. Makibahagi sa gastusin at iba pang pangangailangan.
Hindi man madali ang makisama ngunit kung walang ibang paraan at hindi niyo pa kayang magbukod mag-asawa o sa kadahilanan na mayroon na kayong anak na tinutustusan ay magtiis na lamang at matutong magpakumbaba upang gumaan ang iyong sitwasyon sa buhay. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay makakatagpo tayo ng mga taong emadaling pakisamahan. Kung kayat kinakailangan mong magtiis kung sakali man na magkaroon ka ng biyenan na hindi katulad ng iyong inaasahan. Maari mo ding kausapin ng masinsinan ang iyong asawa upang hindi ka mahirapan sa sitwasyon mo bilang nakikitira at nakikisama sa kanyang pamilya. Hindi sa lahat ng oras ay tama sila kaya mas mainam na magkaroon ng usapan kapag kayo nagkakaroon ng away upang mapanatili pa rin ang magandang pagsasama. Ugaliing magpatawaran at mangagtinginan sa isa't-isa.
I do most of the things in your list may be that's why I have no any problem with my in-laws.