read.cash Log in
@rosienne more from that month

Batayan ng isang batang may malusog na pangangatawan

Maraming nagkakamali sa pagtingin kung paano ang malusog na bata. Karamihan sa kanila naniniwala na kapag mataba ang bata ay malusog na ito ngunit hindi nila alam na maaaring pagmulan ng maraming sakit ang pagiging mataba ng isang bata. Maraming mga nanay ang nasasaktan kapag nasasabihan na napapabayaan nila ang kanilang anak dahil payat ito. Hindi nila alam na karamihan sa payat na bata ngunit aktibo naman araw-araw ay mas malusog pa ito kaysa sa mataba ngunit halos hindi na makagalaw ng maayos dahil sa katabaan nito. Wala sa hugis ng katawan ang basehan upang masabi na ang isang bata ay malusog. Mga batayan na malusog ang isang bata Ang bata ay may sapat na timbang na naaayon sa kanyang edad, tangkad at kasarian. Ang bata ay may ganang kumain at hindi pihikan. Kumakain ng mga gulay, prutas mga pagkaing may sapat na bitamina. Ang bata ay matalas ang isipan at marunong umunawa sa mga simpleng bagay. Hindi sakitin dahil malakas ang panlaban at *immune system.* Alerto, bibo, at mataas ang *energy level*. May malinis na pangangatawan, kulay pula ang labi, ang mata ay hindi matamlay, at walang discoloration sa ibang bahagi ng katawan. Ang bata ay positibo mag-isip at masayahin. Hindi sapat na batayan ang katabaan ng isang bata upang siya ay matawag na malusog at hindi rin nangangahulugan na kapag payat ang bata ay malnourished. Sanayin natin silang kumain ng mga masusustansyang pangkain at uminom ng sapat na tubig na kailangan ng katawan upang lumakas ang kanilang *immune system.* Paano nga ba tayo makakasigurado na may sapat na nutrisyon ang kanilang nakakain sa araw-araw? Ano ang mga dapat at hindi nila dapat gawin at kainin upang mapanatili ang malusog na pangangatawan? Mga dapat gawin upang maging malusog ang isang bata at hindi maging sakitin. Panatilihin ang kalinisan sa iyong tahanan at pati ng mga bata. Mahalagang sangkap ng pakakaroon ng malusog na pangangatawan ang kalinisan. Ang mga pagkain na iyong inihahanda ay siguraduhing malinis upang maiwasan ang *food poisoning.* Ang tubig ay siguraduhing malinis at kung maaari ay pakuluan muna upang masiguro ang kaligtasan ng mga bata lalo na ng mga sanggol. Panatalihin ang kalinisan ng mga bata. Paliguan araw-araw, gupitan ang mga kuko, at turuan magsipilyo ng ngipin araw-araw. Siguraduhin na may sapat na tulog ang bata araw-araw. Ang sapat na bilang na oras ng tulog ng isang bata ay 8-10 oras kada araw. Huwag silang hayaang matulog kung kailang at ano oras nila gusto. Huwag hayaan na manood ng tv o magbabad sa harapan ng computer ang mga bata upang maiwasan ang agad na paglabo ng mga mata. May sapat na nutrisyon ang pagkain na inihahain. Bigyan sila ng *go,grow at glow foods.* *Go foods* Mga pagkain na nagbibigay sa atin ng sapat na lakas, sigla at enerhiya sa araw-araw katulad ng tinapay at kanin. Ang mga pagkaing mayaman sa *carbohydrates* ay kabilang sa go foods katulad ng mais, kamote,patatas, pasta at *cereals*. *Grow* *foods* Mga pagkaing tumutulong sa pagpapalaki ng ating katawan at lakas sa ating mga buto. Ang mga pagkaing ito ay mayaman sa protina katulad ng gatas, itlog, karne, isda at mga *peas* at *beans*. *Glow foods* Ang mga pagkain na makakatulong upang makaiwas tayo sa sakit at mga impeksyon. Halimbawa nito ay mga prutas at gulay na mayaman sa *vitamins* at *minerals*. Siguraduning nakakainom ng sapat na tubig ang mga bata kada araw. Kailangan ng ating katawan ng 8-10 baso ng tubig kada araw lalo na kapag mainit ang panahon upang makaiwas sa anumang sakit at karamdaman. Ipatingin sa doctor ng regular upang masiguro na malusog ang bata. Bigyan ng bitamina kung kinakailangan upang magkaroon ng gana sa pagkain at proteksyon laban sa sakit. ****Huwag silang sanayin na kumain ng mga matatamis, matataba at mamantikang pagkain na hindi maganda ang epekto sa kanilang katawan na maaaring pagsimulan ng problema sa kalusugan. Bigyan sila ng limitasyon sa paglalaro at paggamit ng mga gadget. Turuan sila sa pagdidisiplina sa kanilang sariling katawan habang maaga pa lamang upang magkaroon na sila ng ideya kung paano mamuhay ng malusog at malayo sa anumang karamdaman.***

No comments yet

Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.