read.cash Log in
@rosienne more from that month

Ang oras ay mahalaga

Minsan hindi mo namamalayan ang paglipas ng oras, araw at buwan na pala ang binibilang. Nakakalimutan mo na ang oras ay hindi na kailanman maibabalik at magiging katulad pa ng nakaraan. Habang may pagkakataon pa huwag mong sayangin ang oras mo sa mga walang kabuluhan. Mga dahilan kung bakit dapat natin pahalagahan ang oras ***Ang oras na lumipas ay hindi mo na maibabalik*** Maaring mabalik-balikan mo ang nakaraan sa iyong isipan at alaala ngunit ang oras ay hindi na, kaya dapat mong pag-isipan at pahalagahan ang iyong oras habang mayroon ka pa. Ang time machine ay ilusyon lamang at hindi nangyayari sa totoong buhay. Ito ay nangyayari lamang sa mga pelikula na hango sa pantasya at mahika. Ang oras na lumipas ay hanggang ala-ala na lang at ang pagkakataon ay hindi na katulad ng sa kasalukuyan. Marami akong naririnig at maging sa aking sarili ay sainasabi ko ito "kung maaari ko lang ibalik ang mga oras ay sana ginawa ko na ito noon". Kaya matuto tayong magpahalaga sa oras na mayroon tayo ngayon upang hindi natin pagsisihan sa bandang huli. ***Ang pagkakataon sa nakalipas na oras ay hindi na magiging katulad ng sa kasalukuyan*** May mga pagkakataon na napapalagpas natin ang mga magagandang oportunidad dahil sa ating pagpapaliban o kaya naman ay dahil sa katamaran. Magigising at matatauhan na lang tayo minsan sa maraming pagkakataon na nasayang ngunit wala na tayong magagawa dahil ito ay lumipas na. Maaring may mga oportunidad pang dumating ngunit ang sitwasyon ay hindi na katulad ng dati. Minsan masasabi mo na lamang sa sarili mo na sana ginawa ko na pala ito noong ako ay bata pa at malakas pa ang aking pangangatawan. Na sana ay nagsikap ka upang magkaroon ng magandang buhay. May mga oportunidad pa man na dumating sayo ngunit manghihinayang ka na lang dahil ang iyong sitwasyon ay hindi na naaayon at ang iyong kapasidad ay nagbago na. ***Ang oras ay limitado lamang*** Mayroon lamang tayong dalawampu't apat na oras sa isang araw. Mas marami tayong magagawa o matatapos na trabaho kapag pinahalagahan natin ang bawat oras na dumadaan. Hindi natin maaaring dugtungan ang oras upang matapos ang isang bagay na dapat matapos sa isang araw. Huwag mag-aksaya ng oras kung alam mong may mga bagay kang dapat unahin at tapusin sa nakatakdang araw. ***Hindi natin alam kung hanggang kailan tayo mabubuhay*** Hindi natin alam at hindi natin masasabi kung mabubuhay tayo ng matagal dito sa mundong ibabaw. Kaya habang may pagkakataon at oras pa tayo huwag natin itong sayangin sa mga bagay na walang kapaki-pakinabang. Ang oras na pinagkaloob sa atin ay gamitin natin sa mabisa at magandang paraan. Habang nabubuhay pa tayo sulitin natin ang mga pagkakataong nakakasama natin ang ating mga mahal sa buhay. ***Ang oras ay hindi mo mabibili kahit saan*** Ang oras ay libre lamang ngunit hindi mo ito mabibili sa oras ng iyong pangangailangan kahit gaano ka pa kayaman. At kahit ano pa man ang estado mo sa buhay ang oras na nakalaan sa lahat ng tao bawat araw ay pare-pareho lamang. Ang Diyos lamang ang makapagbibigay sa ating ng oras at wala ng iba. Marami pang dahilan kung bakit dapat nating pahalagahan ang bawat oras na ipinagkakaloob sa atin ng maykapal. Kung may pagkakataon na sa iyo ay ibinigay upang mapaganda ang iyong kinabukasa ay huwag na huwag mo ng papalagpasin at ipagpaliban dahil baka ito ay hindi na maulit at baka sakaling maulit man ay hindi na angkop ang iyong kakayahan at sitwasyon sa buhay. Pahalagahan ang bawat oras hanggang may kapasidad at abilidad ka pa na makagawa at makakilos upang mapagtagumpayan ang mga hamon na saiyo ay ibinibigay. Huwag natin hayaan na masayang ang isa sa pinakamahalagang bagay dito sa mundo na ipinagkaloob sa atin ng maykapal upang hindi tayo masaktan, magdusa at magsisi sa bandang huli. Iwasan na umaasa sa mga kasama sa buhay at huwag maging tamad upang mapakinabangan ang iyong oras. Isipin mo na lang ang magiging kalagayan mo kapag ikaw ay hindi nagsumikap. Sa bandang huli ang mga kasama mo sa buhay ay lilisan at ikaw na lang ang maiiwan. Mag-isip ng mga bagay na makakatulong sa iyo upang lumago ang iyong kaalaman. Sa ganitong paraan ang bawat oras ay magiging ginto sa iyong paningin at hindi ka magsasayang kahit kaunti man lang.

No comments yet

Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.