Pangarap para sa lahat
Bata pa lamang tayo marami na ang nagtatanong kung ano ang ating pangarap sa buhay. Ano gusto natin maging sa paglaki natin. Noong elementarya at hayskul ako ay madalas kong marinig sa mga kaklase ko ang kanilang mga pangarap. Pangarap na maging isang doktor upang makatulong sa mga maysakit at karamdaman, maging isang guro upang magturo sa mga batang musmos at wala pang alam, maging pulis upang masugpo ang karahasan at mga simpleng pangarap na gusto ay makatulong lamang sa kanilang kapwa at maiangat ang sarili sa kahirapan. Kahulugan ng Pangarap **Ang pangarap ay sumisimbolo sa mga mithiin at mga ninanais sa buhay. Ito ay ang mga bagay na gusto natin maabot at makamit sa hinaharap.** Ang halimbawa nito ay pagnanais mo na maging Doktor, guro, pulis, nars, chef at marami pang iba. Ngunit minsan ang pangarap natin ay paghahangad ng mga materyal na bagay katulad ng pera, bahay at kayamanan. May mga pangarap din tayo para sa ikakasaya ng mga mahal natin sa buhay. Pangarap natin na magkaroon sila ng maganda at tahimik na pamumuhay sa hinaharap. Nais din natin na makatagpo ng taong makakasama at mamahalin natin at tayo hanggang sa ating huling hininga. Pangarap para sa anak na makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng magandang trabaho at kinabukasan. Kahalagahan ng Pangarap **Mahalagang papel ang ginagampanan ng pangarap sa buhay ng isang tao dahil isa ito sa magbibigay direksyon at inspirasyon sa kanyang buhay. Ito ang magbibigay motibasyon sa isang tao upang huwag sumuko at manatiling nakatayo at lumalaban. Sa pamamagitan ng pangarap nahuhubog ang kanyang kakayahan at talento. Naipapakita ang determinasyon upang makamit ang mga hangarin at ninanais sa buhay. Ang pangarap ang magsisilbing instrumento upang masukat ang katatagan at talino sa pagharap sa mga hadlang upang makamit ito.** Libre lang naman mangarap, kaya mangarap tayo hanggang gusto natin. Mahirap man o mayaman, lahat tayo ay may karapatang mangarap sa buhay. Hindi man lahat ng pangarap natin ay matupad may aral naman tayong napupulot sa ating pagkabigo na magagamit natin sa hinaharap. Sa pag-abot natin sa ating mga pangarap ay mayroon tayong mga bagay na dapat taglayin upang maisakatuparan natin ang mga ito. Pag-aralan ang mga sumusunod na nasa ibaba. **1.) Magtiwala sa sarili** Mahalagang kasangkapan ang pagkakaroon ng tiwala sa sarili dahil ikaw mismo ang tutupad sa iyong mga pangarap. Ang tiwala mo sa iyong sarili ay napakahalaga sa kahit anong uri ng sitwasyon na mayroon ka. Ikaw mismo ang gagawa ng paraan para matupad ang iyong mga pangarap kaya kailangan na may tiwala ka sa sarili mo upang hindi ka agad sumuko at mawalan ng pag-asa upang tuparin ang iyong mga pangarap sa buhay. **2.)Magdasal at Manampalataya** Sa pag-abot ng mga pangarap ay napalahalaga ang pagdarasal upang gabayan ka ng Dios sa iyong mga hakbangin sa buhay. Mas malaki ang magagawa ng Dios kumpara sa mga kaya nating gawin dahil ang ating talento at kakayahan ay lumitado lamang. **3.) Mag-isip at magplanong mabuti** Kailangan nating pag-isipan at pagplanuhang mabuti ang mga gagawin nating hakbang sa pagtupad nito dahil maraming mga bagay ang maaaring humadlang sa iyong mga hangarin sa buhay. Tanungin mo rin ang iyong sarili kung ito na ba talaga ang pangarap ko para sa aking sarili? Minsan naiipit tayo sa sitwasyon na gusto natin laban sa kailangan natin. Minsan din dahil sa kagustuhan natin na mapagbigyan at masunod ang ating mga magulang ay mas pinipili natin ang kanilang pangarap para sa atin kaysa sa pangarap na talagang gusto natin para sa ating mga sarili. Ngunit kung ikaw ay wala ng ibang mapagpipilian tuparin mo ito ng bukal sa iyong kalooban dahil hindi ito magbubunga ng maganda kung ikaw ay napipilitan lamang. **4.) Maging masipag at matiyaga** Hindi mo matutupad at maaabot ang mga ninanais mo sa buhay ng hindi mo ito paghihirapan. Maging masipag at matiyaga upang maabot mo ang iyong mga minimithi at ninanais na mga bagay. Huwag umasa sa tulong ng iba, pagsikapan mo na abutin ito sa pamamagitan ng iyong sipag at tiyaga. **5.) Magsikap at huwag susuko agad** Sikapin at gawin lahat ng makakaya at magagawa sa malinis at tamang paraan upang maabot ang iyong pangarap. Marami mang pagsubok ang iyong daanan huwag kang susuko agad dahil isa ito sa magpapatibay sa iyo sa pagharap sa mga maramimg problema habang pilit mong inaabot ang iyong mga mithiin sa buhay. **6.) Huwag aasa sa tulong ng iba at sa suwerte** Maaari kang humingi ng tulong sa panahon ng iyong kagipitan ngunit hindi mo pwedeng iasa sa ibang tao ang iyong mga pangangailangan sa pagkamit ng tagumpay. Huwag ka ring aasa sa suwerte o mga pampaswerte dahil ito ay hindi makakatulong sa iyo sa pagtupad ng iyong mga pangarap. Lahat ng bagay ay nangyayari ng mayroong mga dahilan hindi dahil sa swerte o kamalasan. **7.) Maging positibo lamang** Iwasang mag-isip ng kung anu-anong mga bagay na maaaring makaapekto sa iyong mga desisyon at magiging hadlabg upang makamit ang iyong inaasam-asan. Iwasang mag-*overthink* at *negative thinking.* Huwag magpadala sa mga sinasabi ng iba laban sa iyo. Manatiling positibo sa at kalmado lamang. **8.) Pangkalahatang pagbabago** Kinakailangan ng pagbabago sa lahat ng iyong nakagawian, mula sa iyong sarili, panloob at panlabas na kaanyuan. Lahat tayo ay nagkakamali at nagkukulang kaya dapat kilala natin ang ating mga sarili upang mapaghandaan ang mga posibilidad na mangyayari sa hinaharap sa gitna ng pagtupad sa pangarap. Kung kinakailangan magtipid, magtipid ka, tipirin mo ang iyong sarili upang makaipon ka para sa iyong kinabukasan at iyong pangarap. Baguhin mo ang iyong ugali kung kinakailangan. Kung mayroon kang bisyo ay mas mabuting ito ay itigil mo dahil baka ito ay magdulot ng masama sa iyong kalusugan at kaisipan dahilan para hindi mo maisakatuparan ang iyong mga pangarap sa buhay. Bagamat hindi lahat ng pangarap natin ay natutupad huwag tayong mawalan ng pag-asa upang mangarap ulit dahil libre lang naman mangarap. Wala namang mawawala kung susubukan natin ulit. Gaya nga ng kasabihan ***"Habang may buhay may pag-asa".*** Huwag natin itong kalilimutan dahil napakahalaga ang manatili tayong matatag at patuloy na lumalaban sa buhay. Maniwala tayo sa ating mga sarili at higit sa lahat sa magagawa ng Dios na makapangyarihan sa lahat. Sabay-sabay nating abutin ang ating mga pangarap. Pangarap para sa sarili, sa asawa, sa anak, sa pamilya, kaibigan at sa mga minamahal sa buhay. Tuparin natin itong lahat sa pamamagitan ng mabuti at tamang paraan.
No comments yet