Mga katangian ng isang Ulirang Ina
Naisulat ko nung nakaraang araw ang tungkol sa isang dakilang ama at ngayon naman aking ilalathala ang pananaw ko sa isang dakilang ina. Alamin natin ang katangian ng isang dakilang ina at pagyamanin ang ating kaalaman sa pamamagitan ng mga sumusunod na talata. Bilang isang magulang na rin marami ang pagsubok na dumating sa aking buhay na nagsilbing aral sa akin. Ang ilan dito ay nagbigay lakas sa akin upang manatiling nakatayo at huwag sumuko para sa aking mga anak. Samantalang ang ilan naman ay tumatak sa aking isipan at hanggang ngayon ay akin paring dala-dala ang hirap at sakit na naranasan. Hindi madali para sa akin ang mga pangyayari ngunit ako ay patuloy pa ring nagtitiis para sa aking mga anak. Tunay na hindi madali ang maging isang magulang lalo na ang maging isang ina dahil wala ka ng ibang iisipin kundi ang makakabuti para sa iyong anak. Gaya rin naman ng mga nabanggit kong katangian ng isang dakilang ama ay gayundin naman sa isang ina, handang gawin ang lahat ng bagay para lamang sa mga anak. Ang kaibahan lamang ay magkaiba ng tungkuling ginagampanan ang ina at ama ng tahanan. Ang ina ay ilaw ng tahanan dahil siya ang magsisilbing liwanag ng pamilya. Ang ina ang tagapangalaga ng mga anak habang ang ama ay nagtatrabaho para sa kanilang mga pangangailangan. Narito ang ilang mga katangian ng isang dakilang ina. Ang dakilang ina ay walang ibang iniisip kundi ang ikabubuti ng pamilya lalung-lalo ng kanyang mga anak. Hindi makasarili ang dakilang ina. Lahat ng kanyang maibibigay ay ibinubuhos niyang lahat para sa kanyang pamilya at mga anak. Sobrang magmahal, mag-alaga at maglingkod sa pamilya. Gagawin lahat ng makakaya upang mailayo sa karamdaman at kapahamakan ang mga anak. Handang magsakrispisyo, magtiis at magsilbi sa asawa at mga anak habambuhay. Mayroong mahabang pasensya at pang-unawa sa lahat ng bagay. Hindi kayang ipagpalit ang anak para sa pansariling kalayaan at kaligayahan. Masipag at may kakayahang pagsabayin ang mga gawaing bahay at pag-aalaga sa mga anak. Hindi nagrereklamo sa kanyang responsibilidad. Tinutulungan ang kanyang asawa upang mapanatiling matatag ang pamilya at mabigyan ng protesyon ang tahanan. Sa pagbubuntis pa lamang makikita mo na ang hirap at sakripisyo ng isang ina mabigyan lamang ng magandang kalusugan ang kanyang sanggol sa sinapupunan. Tinitiis ang sakit at hirap na mga sintomas ng pagbubuntis. Ang sakit at hilab ng tiyan na hudyat na ng kapanganakan. Ang panganganak ang isa sa pinakamahirap na parte ng pagiging nanay dahil katulad ng lagi nilang sinasabi habang ikaw ay nanganganak ang iyong isang paa ay nasa hukay dahil maaaring malagay sa panganib ang iyong buhay. Hindi dito natatapos ang paghihirap at sakrispisyo ng isang ina dahil habang lumalaki ang kanyang anak mas lalo pang nadagdagan ang kanyang tungkulin. Hindi biro ang pagod at puyat ng isang ina para mabantayan ang anak at mapakain sa tamang oras. Ang paglalaba, paglilinis, pagluluto, paghuhugas at iba pang gawing bahay ay nakakapagod ngunit lahat ng iyan ay kinakaya ng isang ina, sabayan pa ng pagsaway sa mga makukulit at mga pasaway na mga anak. Nakakapagod pero sa bandang huli nakakatuwa at nakakagalak makita ang iyong mga anak. Ang makitang masaya at malusog ang anak ay sapat na itong kabayaran sa pagod ng isang ina. Ang tungkulin ng isang ina ay hindi matatawaran ng kahit sino man. Walang makakapantay sa pagmamahal na kayang gawin at iparamdam ng isang ina. Lahat ng bagay ay posible sa kanya lalung-lalo na pagdating sa kanyang anak. Ang mga nabanggit ko sa itaas ay iilan lamang sa katangian ng isang dakilang ina. Iba't-iba ang pamamaraan ng isang ina upang maproteksyunan nya ang kanyang pamilya at mga anak. Nakakalungkot lang isipin na may mga ina na mas pinipili ang pansariling kaligayahan at nagagawang iwan ang anak para sumama sa ibang lalaki at magsisimula ng panibagong buhay na parang dalaga. Labis din ang aking pagdaramdam sa mga balita na mga sanggol na nakikita sa basurahan, sa liblib na lugar at palutang-lutang sa ilog. Hindi ko lubusang maisip na kaya itong gawin ng kanilang sariling magulang. Mahirap maging isang ina ngunit hindi kayang mapantayan ng mga materyal na bagay o ng kahit ano man ang saya at ligaya na hatid ng mga anak lalo na kapag nakikita mong masaya at nakangiti sila saiyo. Ang bigat na iyong nararamdaman ay kaya nilang pawiin sa pamamagitan ng isang ngiti lamang. Bilang isang ina gagawin ko rin ang lahat ng aking makakaya huwag lang mawalay sa akin ang aking mga anak. Sisiguraduhin ko na buo ang aking pamilya kahit mahirap para lamang sa aking mga anak. Titiisin ko ang mga bagay na nagpapahirap sa sitwasyon at sa aking buhay manatili lamang kaming buo at magkakasama. Hindi ko bibigyan ng pansin ang mga sinasabi at iniisip na masama sa akin ng ibang tao dahil kahit ano man ang aking gawin ay hindi pa rin sapat at lagi pa ring may mali at kulang sa kanilang paningin. Gagawin ko lamang ang parte ko bilang isang ina sa aking mga anak at hindi ko hahayaan na maapektuhan ang aking pananaw bilang isang magulang dahil lamang sa mga sinasabi at puna ng ibang tao. Kaya bilang anak pasalamatan at bigyan natin ng gantimpala ang ating mga ina hindi lang tuwing may okasyon o espesyal na araw. Anuman man ang tawag mo sa iyong ina, mama, nanay, inay,mamang o inang mahalin natin sila ng katulad ng kanilang pagmamahal sa atin. Matuto tayong tumanaw ng utang na loob sa kanila. Igalang natin sila ng higit pa kanino man. Gantihan natin ang lahat ng sakripisyo na ginawa nila para mabigyan lamang tayo ng magandang buhay. Huwag natin silang pabayaan kapag matanda na sila at nahihirapan ng maglakad. Lingapin natin sila katulad ng paglingap satin noong tayo ay maliliit pa. Habang nakakasama pa natin sila pahalagahan ang bawat oras at araw upang hindi mo pagsisihan sa bandang huli. Huwag din tayong makalimot magpasalamat sa Dios dahil binigyan tayo ng pagkakataong mabuhay.
No comments yet