Mag-ingat sa mga binibitawang salita
Alam naman nating lahat na mahirap kalaban ang galit. Ngunit kailangan nating pag-aralan ang pagpipigil o pagkontrol sa ating mga sarili at mag-ingat sa mga binibitawang salita upang maiwasan nating makapanakit ng damdamin ng iba. Ang mga salitang binibitawan natin maganda man o hindi ay tumatagos sa isip at puso ng isang tao. Lalo na kung nakapagbitaw tayo ng mga masasamang salita laban sa ating kapwa. Ang sugat at sakit na dulot ng mga masasamang salita ay hindi agad naghihilom katulad ng sugat na literal. Mahabang panahon ang ginugugol dito upang tuluyang makalimot ang isang tao sa mga salitang kanyang narinig mula sa kanyang kapwa. ***Kawikaan 18:21*** ***“Kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan ng dila; At ang nagsisiibig sa kaniya ay magsisikain ng kaniyang bunga.”*** Ang kapangyarihan ng salita ay maaaring magligtas ng buhay o magdulot ng kamatayan kaya dapat nating pag-isipan ang mga salitang ating bibitawan upang hindi tayo magsisi sa bandang huli. Tayo rin ang makikinabang at babalikan ng mga salitang ating binibitawan. Isipin muna nating mabuti ang maaaring kahinatnan ng ating mga sasabihin. Maging maingat tayo sa pagbitaw ng mga salita at pag-aralan maging malumay at magpakumbaba sa kapwa. Ang mga salitang binibitawan natin ay pinanghahawakan ng isang taong may kaugnayan sa atin lalo na kung ikaw ay nangako dito kaya mahalagang matupad mo ito upang huwag sumama ang loob ng taong pinangakuan mo. Ang mga pangakong hindi natutupad ay nag-iiwan ng marka sa puso ninuman. Mahirap at masakit umasa sa taong hindi marunong tumupad sa usapan at sa kanyang pangako. Kaya huwag kang magbibitaw ng salita na hindi mo naman kayang panindigan. Ang kapangyarihan ng salita ay maaaring magdulot ng magandang impluwensya sa isang tao. Ito ay magbibigay sa kanya ng lakas at determinasyon upang magawa ang isang bagay. Maaari nya itong paghugutan ng lakas upang huwag sumuko at patuloy na lumaban. Ang mga magagandang salita ay nagpapagaan sa kalooban ng isang tao at nagbibigay ito ng inspirasyon upang makamit ang isang bagay. May mga oras din na hindi natin namamalayan na nakakapagbitaw na pala tayo ng mga masasama. Iba-iba ang dulot nito sa mga biktima. May ilan na kayang pigilin ang kanilang sarili upang huwag gumanti at makipagsagutan. Kadalasan din itong nagdudulot ng away na nagiging sanhi ng sakitan at samaan ng loob. Mayroon ding maramdamin na napopoot agad sa simpleng bagay. At isa sa pinakamesirableng maaaring mangyari ay ang pagpapakamatay. May mga taong sobrang baba na ng tingin nila sa kanilang mga sarili dahil sa pang-aalipusta ng mga tao sa kanilang paligid. Ang masasakit na salita na kanilang naririnig ay nag-iiwan ng malaking marka sa kanilang puso na hindi agad kayang maghilom. Pakiramdam nila wala silang halaga at bilang dito sa mundong ibabaw. Kung kayat naiisipan nila ang saktan ang kanilang sarili. Ito ay dahil na rin sa nagdudulot ng matinding depresyon ang mga salitang kanilang narinig. Ang masasamang salita ay mas masakit pa sa sugat ng kamay o ng kahit anong uri ng kagamitan. Ito ay nagdudulot ng labis na pinsala sa isip at puso ninuman. Ang mga taong may maiksing pasensya ay mainitin ang ulo kaya huwag tayong magkakamaling magbitaw ng mga salitang hindi nila magugustuhan. Hindi natin alam ang takbo ng kanilang utak at hindi natin alam kung ano ang mga kaya nilang gawin kung sakali man na mapikon sila sa nasabi mo. Mag-ingat dahil maaaring makapanakit sila o baka higit pa dito ang kaya nilang gawin. Kaya dapat tayong mag-ingat sa ating mga salitang binibitawan dahil sa atin din ang balik nito. Habaan na rin ang pasensya sa mga tao sa paligid mo. Huwag maging basehan ang posisyon o kalagayan sa buhay para magbitaw ng mga salita laban sa iyong kapwa. Hindi natin alam ang mga susunod na mangyayari kapag nakapagbitaw tayo ng salita lalo na sa mga taong hindi marunong magtimpi. Mag-ingat sa lahat ng uri ng gagawin at pag-isipang mabuti lahat ng ito. Humingi din ng tawad kapag nagkamali at alam mong nasaktan mo ang ibang tao gamit ng iyong mga salita. Hindi naman masama ang magpakababa ka lalo na kung alam mong ito ang nararapat mong gawin.
No comments yet