read.cash Log in
@rosienne

Gaano nga ba kahalaga ang panalangin araw-araw?

Sa bawat yugto ng ating buhay ay mayroon tayong pagsubok na pinagdaanan na nagbigay sa atin ng panibagong pag-asa, lakas ng loob at nagsilbing aral na ating mapapakinabangan habambuhay. Sa kabila ng maraming problema at balakid sa buhay nananatili pa rin tayong matatag at lumalaban. Ngunit alam mo bang labis na makakatulong sa paglutas ng ating mga suliranin kung marunong tayong tumawag sa pangalan ng Dios sa pamamagitan ng pananalangin? `1 Tesalonica 5:17` `Magsipanalangin kayong walang patid;` Ang panalangin o pagdarasal ay pag-usal ng mga salita na humihingi ng tulong at pasasalamat sa Dios. Isa itong paraan na nagpapatibay sa ating pananampalataya o paniniwala na may Dios na lumikha ng sanlibutan. Malaking bagay ang pananalangin sa araw-araw upang magabayan tayo sa mga bagay na dapat at hindi dapat gawin. Malaki ang magagawa ng panalangin sa ating buhay lalo na kung gagawin natin ito araw-araw. Sa pamamagitan ng panalangin maaari tayong mailayo nito sa mga sakit o karamdaman, sakuna at anumang uri ng kasamaan na nagbabadya sa ating kapaligiran. Ang panalangin ang magsisilbing panangga o panlaban natin laban sa kasamaan. Ang panalangin ay makakatulong upang magkaroon ng katahimikan ang ating puso at kaispan. Magkakaroon ng direksyon ang ating buhay dahil sa pagtitiwalang ibinibigay natin sa maykapal. Ang kaparaanan ng Dios ay higit at dakila sa lahat ng bagay. Ang panalangin ay tumutulong upang huwag tayong matukso sa mga maling bagay sapagkat inilalayo ng Dios upang tayo ay huwag mapahamak at masadlak sa kasalanan. Mabisa din ang panalingan na gamot sa taong nawawalan na ng pag-asa sa buhay. Ang pakikipag-usap sa Dios sa pamamagitan ng panalangin ay magpapagaan sa iyong pakiramdam. Sa kanya mo iiyak lahat ng sakit na iyong nararamdaman. Siya ang makapangyarihan sa lahat na kayang gumawa ng mga bagay na hindi abot ng kakayahan ng tao lamang. Ang panalangin ay makakatulong din upang maibsan ang takot at pagkabalisa na dulot ng mga trahedya at mga pangyayaring hindi inaasahan. Bagamat hindi lahat ng panalangin ay napagbibigyan ng Dios hindi ito sapat na dahilan upang tumigil at humina ang ating paniniwala sa kanya. Tandaan na may dahilan ang lahat ng bagay na nangyayari sa sanlibutan. Minsan may mga bagay na gusto natin maabot ngunit hindi tayo napagbibigyan dahil siya ang mas nakakaalam ng mas nakakabuti para sa kanyang mga anak. Ang akala natin na ikabubuti ng lahat, minsan ay nagdudulot sa atin ng masama. Matuto na lamang din tayong sumunod sa aral at utos ng Dios upang mapagbigyan din ang ating mga kahilingan. Alalahanin nating lahat na hindi natin maaabot ang isang bagay na hindi natin pinagpapaguran at pinagsisikapan. Gawin natin ang pagtupad sa mga ito sa tamang paraan at may kasamang pananalangin at pasasalamat sa Dios sa lahat ng kanyang pagpapala sa atin sa araw-araw. Ang panalangin ang magsisilbing patnubay at gabay natin sa araw-araw kaya pagsikapan natin ito na maisakatuparan. Ang pananalangin at pasasalamat lamang ang ating tanging maigaganti sa Dios sa lahat ng kanyang pagpapala.

No comments yet

Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.