read.cash Log in
@rosienne

Huwag mong laitin ang iyong kapwa

Lahat tayo ay mayroong pagkakaiba ngunit ano pa man ang ating kalagayan sa buhay ay wala tayong karapatan na manlait ng kahit sino man. Tandaan natin na lahat tayo ay pantay-pantay sa paningin ng Dios. Walang mayaman o mahirap, walang pangit o maganda. Sa paningin ng Dios tayo ay pare-pareho lang. Kung may mga nakikita ka man na kakulangan at depekto sa isang tao hindi ito dahilan upang pagtawanan mo sya o laitin bagkus dapat mo siyang kahabagan. Ang mga taong may kapansanan katulad ng bulag, pipi, bingi at pilay ay hindi nila kagustuhan ang mga bagay na ito. Hindi sila karapat-dapat pagtawanan o laitin dahil mas kailangan nila ang habag, kalinga, pagmamahal at pang-unawa ng kanilang kapwa. Ang mga taong nakakaranas ng panglalait ng kapwa ay mas lumiliit ang kanilang tiwala sa sarili. Tingin nila sa mga tao ay huhusgahan lamang sila at kakaunti lamang ang makakaunawa sa kanilang kalagayahan. Nagdudulot din ito ng sama sa kanilang kalooban. Nagbibigay daan din ito upang makaranas sila ng depresyon at kalungkutan. Marami din ang napapabalitang nagpapakamatay dahil sa panglalait ng ibang tao dahil sa kanilanv itsura at pagkatao. Mabuti na lamang ay may batas na nagbabawal sa panlalait at panghahamak sa kapwa. Ang mga taong ipinanganak na may kakulangan sa pag-iisip at depekto sa katawan ay dapat na ituring na special ng lipunan. Ang pangungutya ng mga tao ay mas masakit at mas mahirap tanggapin kumpara sa kanilang kalagayan. Alam natin na mahirap ang mga kalagayan ng taong may kapansanan kaya huwag na natin dagdagan ang nagpapahirap sa kanilang kalooban. Dapat tayo ang magsilbing sandigan at instrumento upang lumakas ang loob nila sa pagharap ng mga pagsubok sa buhay. Kung ikaw ay may nakikitang mga pulubi o mga batang pakalat-kalat sa daan na madudungis at nangangamoy tiisin mo na lamang. Ito na ang kanilang katayuan sa buhay na mahirap alisan kaya bilang mas nakakataas ang abilidad at katayuan sa buhay mas mabuting tulungan mo sila kahit sa maliit na paraan imbes na kutyain at pandirihan. Kung may hindi man kagandahan sa iyong paningin ito ay normal lamang. Lahat naman tayo ay may kakulangan. Hindi tayo perpekto para magtaas-taasan. Kailangan nating tanggapin na mayroong pangit at maganda, may matangkad at pandak, may mataba at payat, may maitim at maputi, may mayaman at mahirap at may matalino at mahina ang utak. Lahat ng ito ay likas na sa tao. Hindi mo na ito maiaalis o mababago pa man. Ang utos ng Dios ay magmahalan, magtinginan at magtulungan. Maiksi lamang ang buhay dito sa mundong ibabaw kaya matuto tayong gumawa ng kabutihan sa ating kapwa. Gawin natin ang mga bagay sa pamamagitan ng utos ng Dios upang magkamit tayo kapayapaan at masayang puso. Tandaan: ***Lucas 14:11*** ***Sapagka't ang bawa't nagmamataas ay mabababa; at ang nagpapakababa ay matataas.*** Mas mahalaga ang pagkakaroon ng busilak ng kalooban dahil ito ang magsisilbing daan upang magkamit tayo ng buhay na walang hanggan. Lagi nating tatandaan na pinagpapala ng Dios ang taong marunong mahabag sa kanyang kapwa. Manaig sa ating lahat ang pagpapakumbaba at pagmamahal sa isa't-isa.

No comments yet

Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.