read.cash Log in
@rosienne more from that month

Mga bagay na dapat isaalang-alang sa pag-aasawa

May mga bagay na di inaasahan na nag uudyok sa isang sangkautahan na mag-asawa sa di akma o angkop na pagkakataon.Ang pag-aasawa ay isa sa mabigat na desiyon na dapat ay may kauukulang pagpapasya at paghahanda sa nakatakdang panahon.Ngunit marami sa atin ay nakakapag-asawa ng hindi napaghahandaan dahil na rin sa kakulangan ng kontrol sa emosyon.May mga biglaang pag-aasawa o pagsasama ng hindi pa kasal dahil ang babae ay nagalaw o buntis na.Ano nga ba ang mga bagay na dapat nating isaalang-alang bago lumagay sa tahimik o mag-asawa?Narito ang ilan. Pagkilala at pagtanggap sa iyong makakasama Napakahalaga ng pagkakakilanlan nyo sa isa't-isa upang malaman ninyo ang mga bagay tungkol sa iyong mapapangasawa.Ang mga kahinaan at kalakasan ninyong dalawa.Ang mga gusto at ayaw nyo sa isa't-isa.Ang mga gusto at ayaw nyong kainin,gawin at mangyari.Mahalagang kilala ninyo ang ugali at galaw ng bawat isa.Malaking tulong ito sa magandang pagsasama.Hindi ka manghuhula kung ano ang gusto at ayaw nya. Mahalaga rin na tanggap mo sya mula sa kanyang pisikal na katangian,mental at at maging sa pag-uugali nya.Maging ang kanyang mga nakaraan ay hindi dapat maging hadlang upang matanggap mo sya ng buo.Pati na rin ang kanyang pamilya ay mahalagang matanggap mo upang mamuhay kayo matiwasay at tahimik. Pagiging handa bago mag-asawa Ito ay naglalayong mapabuti ang iyong hangarin upang maiwasan ang anumang sakuna o pangyayari kapag ikaw ay lumagay sa tahimik na.Mahalaga na ikaw mismo sa sarili mo ay hindi napipilitan lamang upang gawin ang isang bagay lalo na sa pag-aasawa dahil ito ay may kaakibat na mabigat na responsibilidad.Katulad nga ng kasabihan ng mga matanda na "Ang pag-aasawa ay hindi katulad ng kanin na kapag mainit ay pwede mong iluwa".Mahalagang aspeto ito upang mas mapangalagaan ang inyong pagsasama. PINANSYAL-mahalagang ikaw ay may ipon bago mapagdesisyunang mag-asawa.Ang pera ay kumakatawang malaking papel sa pang-araw-araw na pamumuhay ng tao.Kapag ikaw ang lalaki ikaw ang naatangan ng responsibilidad na maglaan ng pinansyal na pangangailangan ng iyong sambahayan.Ang asawang babae naman ang mamamahala sa pagpapangkat-pangkat para sa bayarin,pagkain,ipon at sa iba pang pagkakagastusan.Hindi lang puro pagmamahal o ang nararamdaman ang dapat unahin kelangan ay "financially secured" ang inyong pagsasama para tumagal. Katulad sa kasalukuyang panahon na nahaharap ang buong mundo sa pandemya napakahalaga na mayroong tayong nasimpang salapi upang handa tayo sa mga ganitong uri ng sakuna. EMOSYONAL,PISIKAL AT MENTAL NA PAGHAHANDA-may mga bagay na hindi natin kontrolado kayat mas marapat lamang na tayo ay handang umunawa sa lahat ng pagkakataon at matutong magtiis upang mas mapatibay ang pagsasama.Dapat alam natin kung paano makokontrol ang ating emosyon at pag-iisip at maging ang literal na galaw natin.Isang pagkakamali ay maaaring magdulot ng labis na problema sa inyong pagsasama.Dapat ay marunong tayong magpakumbaba.Nararapat na alam natin ang ating "role" na ginagampanan sa pagbubuo ng pamilya.Malaking problema ang naidudulot kapag ang nagsasama ay "immature" at hindi marunong umunawa.Away-bati na hindi magandang pundasyon na magdudulot lamang minsan ng trauma.Sa babae naman ay mahalagang handa sya "physically" sapagkat maaring magkaroon ng problema sa kanyang pagbubuntis kapag sya ay masyadong bata pa at hindi pa fully develop ang pagkababae nya.Mahalagang maging bukas sa isa't-isa upang naiiwasan ang mga tampuhan at selosan. Marami sa ating panahon ngayon ay nag-aasawa sa murang edad na kung saan ay hindi rin nagtatagal ang pagsasama sa kadahilanang hindi pa sila handa at pabago-bago pa ang kanilang mga desisyon at may gusto pang gawin sa buhay at pansarili lamang.Ang pisikal na katangian ng tao ay hindi dapat gawing basehan sa pag-aasawa.Anuman ang iyong itsura ay karapat-dapat kang mahalin at pahalagahan at hindi palitan at saktan lamang. HANDANG MAKISAMA SA PAMILYA AT KADUGO NG ASAWA-hindi natin maiiwasan ang pagkakaroon ng puna ng ibang tao sa ating pamumuhay.Sa pag-aasawa ay nangangailangan ng kahandaan sa pakikisama sa mga "in-laws" at kamag-anak ng iyong mapapangasawa.Maaaring makaapekto ito sa inyong pagsasama kung ikaw ay maramdamin at maikli ang pasensya.Dito mo ngayon magagamit ang kahandaan mong mental at emosyonal.Kailangan din marunong tayong magtiis upang mapanatili ang nasimulang mithiin ninyong mag-asawa.Mahalaga ang respeto at paggalang mo sa pamilya ng iyong kabiyak kahit na may mga taong ayaw sayo o hindi ka tanggap bilang miyembro ng kanilang pamilya. PAGBUBUKOD NG TIRAHAN-isa sa mga dahilan kung bakit may mga nahihirapang makisama ay dahil sa nakikitira lamang sila sa magulang ng kanilang asawa.Mahalagang nakabukod kayong mag-asawa upang maiwasan ang mga alitan,panunumbat at samaan ng loob.Mas magkakaroon kayo ng "privacy" bilang mag-asawa kapag kayo ay nakabukod.Matututo kayong tumayo at manindigan para sa isa't-isa .Makakagalaw kayo ng naayos at ng walang alinlangan.Payapa ang inyong isipan at wala kang alalahanin sa bahay dahil sarili mo ang didikta sayo. Pagiging legal na mag-asawa,tapat at mapagmahal Isa sa maituturing na paraan ng tao ang pagpapakasal upang maipahiwatig ang iyong sensiridad at pagmamahal sa isang tao.Ang kasal ang nagbubuklod sa inyong mag-asawa upang kayo ay magsama ng may takot sa Diyos at may paninindigan.Ang katapatan ninyo sa isa't-isa ay magiging daan upang kayo ay magtagal at maiwasan ang paghihinala ng bawat isa.Sabi nga nila "Honesty is the best policy".Hindi mo magagawang magsinungaling kung talagang mahal mo ang iyong asawa.Kailangan alam natin ang ating hangganan ng pakikisama sa ibang tao.Dapat marunong kayong magbigay ng papuri sa isa't-isa upang mapanatili ang magandang pagsasama.Iwasan ang pagkakaroon ng lihim dahil isa ito sa nag-uugat sa maraming problema. Pagkakaroon ng paninindigan Marunong kang tumupad sa iyong mga pangako simula noong kayo ay nagliligawan pa lamang hanggang sa mga-asawa na kayo.Dito mo masususkat kung gaano ka kamahal ng isang tao.Makikita mo ang kanyang tunay na pagkatao kung kaya ka nyang ipaglaban kahit pa sa ngalan ng buhay.Hindi ka tatakbuhan sa oras ng kagipitan.Alam mo dapat ang mga bagay na dapat mong panindigan.Ang mga pangakong inyong binitawan sa isa't-isa at mga pangarap na nasimulan nyo na. Pagkakaroon ng tiwala sa iyong kapareha Kung sa una pa lang ay nawawalan ka na ng tiwala sa kanya dapat ay pag-usapan nyo na ito.Hindi magandang pundasyon ang pagkakaroon ng hinala o lagi ka nalang tamang hinala sa lahat ng ginagawa nya.Lubos na maapektuhan ang inyong pagsasama dahil dito.Kaya mas marapat na pag-aralan mo kung paano mo maibabalik ang tiwala sa kanya ng buo.Mahihirapan kang mag balanse sa araw-araw kapag ikaw ay maraming agam-agam sa kanyang pagkatao.Mahirap magtiwala lalo na kung sa bandang huli ay lolokuhin ka lang naman.Ngunit mas mahirap makisama lalo na kung lagi mong iniisip na ikaw ay niloloko kahit hindi naman. Pagtanggap sa responsibilidad bilang asawa at ama ng sambahayan Mahalagang papel ang kinakatawan ng bawat magulang sa pagbubuo at pagtataguyod ng pamilya.Ang asawang lalaki ay may malaking papel na ginagampanan upang mapanatili na buo at matatag ang samahan.Bilang asawang lalaki ay dapat mahalin mo ng buong puso ang iyong asawang babae at higit sa lahat huwag na huwag mo syang pagbubuhatan ng kamay.Huwag na huwag mo syang sasakatan pisikal o emosyonal man.Ang asawang babae ang susimbolong ilaw ng tahanan upang mapanatili ang katiwasayan at kaayusan.Sya ang kumakatawan sa gawaing-bahay at pag-aaruga sa mga anak.Napakalaking gamapanin ang inyong haharapin bilang mag-asawa kaya dapat ay mayroong suporta sa isa't-isa upang malagpasan ang mga ito.Ang responsibilidad na nakaatang sa inyo ay hindi biro lamang.Bilang magulang ay hindi mo na maiisip ang iyong sariling kagustuhan dahil ang pangangailangan ng iyong anak ang iyong prayoridad.Mahalagang maliwanag sa inyong dalawa ang responsibidad na dapat ninyong panindigan araw-araw. Dapat ay alam nyo pareho ang mas makakabuti sa inyong pamilya at mga anak.Dapat ay nagtutulungan kayo sa paglutas ng mga suliranin na inyong haharapin at sa kasalukuyan.Mahalaga rin ang pagkakaroon ng oras sa isa't-isa upang mapag-usapan ang mga bagay bagay. Paghingi ng "moral support" kung kinakailangan Minsan hindi natin kayang solusyunan mag-asawa ang mga problema na dumarating.Kinakailangan natin ang paghingi ng payo at opinyon ng iba.Ang pagbahagi ng ating problema ay makakatulong upang mabawasan ang bigat na ating pinapasan.Ang payo ng ating mga magulang,kaibigan at kamag-anak ay mahalagang sangkap ng pagsasama upang mas lalong tumibay ang koneksyon ng bawat miyembro ng pamilya.Kailangan din natin ng suporta na mula sa maylalang.Tangibg ang Diyos lang ang makapagbibigay sa atin ng sapat na lakas upang malagpasan natin ang mga hamon sa buhay. Pag-iwas sa barkada,bisyo at iba pang kalayawan Kapag ikaw ay kasal o may asawa na dapat matutong kang umiwas sa mga bagay na hindi na makakatulong sa pagpapanatili ng kaayusan ng iyong pamilya.Ang pag-iwas sa alok ng barkada sa inuman ay hindi masama lalo na kung alam mong ikakagalit ito ng iyong asawa.Ang paglimita sa iyong bisyo katulad ng alak at sigarilyo.Mas maganda nga kung maiiwasan mo ito o hindi kana maninigarilyo.Masama ito sa kalusugan mo at sa mga anak mo.Mas magandang umiwas na lang at ilaan mo ang iyong oras sa iyong pamilya.Mas higit na kailangan din ng iyong asawa ang iyong presensya sa bahay para na rin sa kaligtasan nila. Ang aking nabanggit ay iilan lamang sa mga bagay na nakakaapekto sa pagsasama ng mag-asawa at pagbuo ng pamilya.Ang mabisang pagsasama ay nangangahulugan na kayo ay nagkakaintindihan,nagbibigayan at nagmamahalan.Mayroong respeto sa isa't-isa.Mayroong matibay na pundasyon upang mapanatiling maganda ang samahan at relasyon ng bawat miyembro ng pamilya. Ngunit huwag nating kalilimutan na mayroong Diyos tayong dapat sampalatayanan.Ang mag-asawang may takot sa Diyos ay malayo sa kapahamakan at tukso.May mga bagay tayong hindi natin kayang gawin mag-isa at walang tulong galing sa kanya. Sana makatulong ito sa inyo at magsilbing gabay sa desisyon mo pagdadating sa pag-aasawa.Naway gabayan tayong lahat ng Diyos sa ating mga lakarin sa buhay.

No comments yet

Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.