Sa mundo na ating ginagalawan mas mapapadali ang isang bagay kung tayo ay mayroong karamay sa gitna ng mga pagsubok sa buhay. Ang pagkakaroon ng isang maaasahan na kapareha ay napakahalagang aspeto sa buhay mag-asawa upang maisakatuparan ang mga bagay na inyong inaasam at para mapanindigan ng maayos ang inyong mga responsibilidad. Sa artikulong ito isa-isahin natin ang mga mabuting maidudulot sa buhay mag-asawa ng pagkakaroon ng suporta galing sa kapareha. Basahin ang mga sumusunod.
Magkakaroon ng mas matibay na pundasyon ang inyong pagsasama kung kayo ay mayroong suporta sa kagustuhan at pangangailangan ng bawat isa.
Mas mapapadali at mapapagaan ang mga problema at anumang uri ng pagsubok sa inyong buhay kapag kayo ay nagtutulungan upang malagpasan ang mga ito.
Ang pagkakaroon ng suporta galing sa iyong kapareha ay makakatulong upang mabawasan ang stress at pressure na dulot ng maraming problema.
Mas magiging malalim ang inyong pagmamahalan at pagsasama kung kayo ay laging magkasundo at suportado ang desisyon ng bawat isa.
Makakatulong ito upang maabot ninyo ang inyong mga pangarap at magampanan ang inyong mga responsibilidad sa isa't-isa at sa pamilya.
Mas mapapalapit kayo sa isa't-isa at at lalago ang inyong tiwala sa kakayahan ng bawat isa. Magkakaroon kayo ng mas malalim at matibay na relasyon at pagsasama.
Makakatulong ito upang maipadama ninyo ang inyong pagmamahal at tiwala sa inyong kapareha.
Maiiwasan ninyo ang pagtatalo dahil sa mga mali at agarang pagdedesisyon.
Sa pamamagitan ng pagpapakita mo ng suporta sa iyong kapareha ay mas mararamdaman niya ang iyong presensya, respeto at pag-aalala.
Nakakatulong ito upang mag-isip ng positibo at mas makita ang magandang kinabukasan at maiwasan ang mga "what if" na manggugulo lamang sa iyong isipan.
"Behind every successful man there is a woman"
Isa sa mga nagpapatunay ng kahalagahan ng suporta ng isang asawa ay ang kasabihan sa itaas. Nagpapakita lamang ito kung gaano kahalaga at epektibo ang pagkakaroon ng taong maaasahan at masasandalan sa oras ng pangangailangan. Ang pagpapakita ng suporta sa lahat ng desisyon ng iyong kapareha ay isang magandang batayan upang maisagawa ang mga plano at maisakatuparan ang mga ito ng walang bahid ng pag-aalinlangan.
Kapag ang isang relasyon at pagsasama ay kulang sa suporta madalas ang pag-aaway kahit sa mga maliliit na bagay. Kadalasan ang kakulangan ng suporta ay nagdudulot ng malaking kawalan at problema. Malaki rin ang tyansa na hindi mapagtagumpayan ang mga plano at mga pangarap ng bawat isa kung kayat mahalaga na nagkakasundo ang mag-asawa sa lahat ng bagay upang mas mapaganda ang sitwasyon at takbo ng kanilang buhay. Ang pagnanais na matupad ang mga pangarap para sa pamilya ay nangangahulugan ng pagsisikap at pagtutulungan na maisakatuparan ang mga ito. Mahirap gumalaw kung ang kaisipan ng iyong kasama ay taliwas sa iyong desisyon at mga plano. Isa ito sa mga magiging hadlang upang hindi mo maabot ang iyong mga minimithi sa buhay.
Kapag nakikitang mong nahihirapan ang iyong asawa sa sitwasyon ninyong dalawa iwasan ang sisihan dahil hindi ito makakatulong at makakapagpabago ng inyong sitwasyon. Lalo lamang itong magbibigay daan upang hindi kayo magkaintindihang mag-asawa. Tulungan mo siya at suportahan ang kanyang mga plano at desisyon at huwag mong hayaan na mag-isa niyang harapin ang mga problema. Samahan mo siya hanggang sa malagpasan ninyo ang mga hamon at problema dahil makakatulong ito upang lalo ninyong mapagtibay ang inyong relasyon, tiwala at pagmamahal sa isa't-isa. Ikaw ang magsisilbing kanyang kalakasan kapag siya ay pinanghihinaan na ng loob dahil sa hirap ng mga pagsubok. Tulungan mo siya na makabangon sa pagkadapa at magsimulang muli. Ikaw ang magsisislbing inspirasyon upang siya ay mabuhayan ng loob upang lumaban sa hamon ng buhay araw-araw.