Join 76,062 users and earn money for participation

Inosente(Part 1)

0 3 exc boost
Avatar for rosienne
Written by   47
3 months ago

Minsan sa buhay natin mapipilitan tayong magdesisyon ng isang bagay kahit labag sa ating kalooban lalo na kung ang kapalit nito ay kaginhawahan. Tunghayan natin ang kwento ng isang dalaga na napilitan makisama sa kanyang nobyo sa murang edad para lamang makatakas sa kahirapan. Alamin natin ang buong pangyayari at ang naging kahinatnan ng kanyang desisyon ng kanyang paglabag sa kagustuhan at utos ng kanyang magulang makasama lamang ang kanyang minamahal.

Itago natin sa pangalang "Mia" ang isang inosenteng dalaga na tahimik na naninirahan sa probinsya kasama ang kanyang pamilya. Siya ay panganay sa magkakapatid at inaasahan ng kanyang mga magulang na sya ang mag-aahon ng kanyang pamilya sa kahirapan. Sa murang edad ay napilitan na itong mamasukan upang makatulong sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid. Siya ay napadpad sa kalakhang Maynila upang makipagsapalaran at umaasang matutupad ang kanyang mga pangarap sa buhay. Buwan-buwan syang nagpapadala sa kanyang pamilya sa probinsya tuwing matatanggap nito ang kanyang sahod na pinaghirapan. Ayos lang sa kanya kahit walang matira para sa kanyang sarili ang mahalaga ay matulungan nya ang kanyang mga magulang at mga kapatid. Sa ilang buwang pamamasukan ay mayroon syang nakilalang lalaki na kaibigan ng kanyang amo. Bakas mo na may edad na ito ngunit matipuno ang at katawan maayos ang gayak nito na halatang maalaga sa sariling katawan na senyales na mayroong kakayahan sa buhay. Siya ay si Alex, batchmate ng kanyang amo noong hayskul, 39 years old, Single Dad, Nurse, may-ari ng isang malaking cellphone repair shop at 10 unit apartment na paupahan at iba pang negosyo na nasa pangangalaga ng kanyang mga kamag-anak. Palangiti at lagi nyang binabati si Mia sa tuwing magkikita at nagkakasalubong sila. Ngunit dahil sa layo ng agwat ng edad, ang tugon ni Mia ay laging may po at opo at ang turing nya dito ay parang tiyuhin lamang.

Makalipas ang ilang buwan ay natapos ang kontrata ni Mia sa kanyang pinapasukan at napagdesisyunan nyang umuwi at magbakasyon muna sa kanilang probinsya. Hinahanap-hanap ni Mia ang sariwang hangin sa probinsya na kailanman ay hindi nya nalanghap sa ilang buwan nyang pamamalagi sa Maynila. Puro usok ng mga sasakyan, sigarilyo, at usok ng mga malalaking pabrika ang malalanghap mo sa siyudad. Nananabik syang makita at makasama muli ang kanyang pamilya.

Halos walong oras ang byahe pauwi sa probinsya ni Mia sakay ng bus. Bumili sya ng mga pasalubong tulad ng tinapay, biscuits, at mga prutas para pagsaluhan nila pagdating nya sa kanilang bahay. Makalipas nga ang walong oras na byahe ay nakauwi sya ng ligtas at sinalubong pa sya ng kanyang ama at ina sa bayan kung saan humihinto ang mga bus na galing sa Maynila. Bakas sa kanilang mukha ang pangungulila sa panganay na anak at kagalakan ng muli nila itong masilayan. Pagdating sa kanilang maliit na tahanan ay nagpahinga at natulog muna si Mia dahil pagod at puyat ito sa haba ng byahe. Pagkagising ay agad na naghain ng makakain ang kanyang ina at sabay-sabay silang nananghalian.

Makalipas ang isang linggo biglang nakaramdam ng kalungkutan si Mia na para bang namimiss nya ang siyudad at bigla na lang napadaan sa kanyang isipan si Alex. Bigla na lang kumabog ang kanyang dibdib na para bang may nakita syang multo. Ngunit hindi takot ang kanyang naramdaman, pakiramdam na sya mismo ay hindi nya maipaliwanag dahil ito ang unang pagkakataon na maramdaman nya iyon. Mayroon syang mobile phone na ginagamit ngunit minsan lang nya ito tingnan dahil wala sya masyadong hilig dito mas gusto nya pa ang mag-ayos at maglinis ng bahay. Habang abala sya sa gawaing bahay ay narinig niya na tumunog ang kanyang cellphone. Agad nya itong tiningnan at laking gulat nya ng malaman nya na si Alex ang nagtext sa kanya. Maraming tanong ang pumasok sa isip nya dahil unang-una bakit ito magtetext sa kanya? Pangalawa saan nakuha ni Alex ang number nya at pangatlo bakit sya nagagalak na nagparamdam ito?

"Hello Mia! Kumusta ka na? 😊Hindi ka man lang nagpaalam, umuwi kana pala sa probinsya nyo"

"Alex nga pala ito".🙂

Ito ang mensaheng bumulaga sa kanya na hindi nya lubusang maintindihan kung bakit ito nagparamdam sa kanya samantalang wala naman silang matinong pag-uusap noong nasa Maynila pa sya para kumustahin sya nito. Naiisip nya na ang dahilan kung bakit pero naguguluhan pa rin si Mia dahil imposible na magkagusto ito sa kanya dahil isa lamang syang hamak na katulong at utusan, laking mahirap at hindi kagandahan. Nireplyan nya ito habang labis ang pagtataka ngunit sa kabilang banda ay masaya ang kanyang puso. Hindi nya napapansin na habang nagpapalitan sila ng mensahe ay nahuhulog na ang kanyang kalooban kay Alex dahil maayos ang kanyang trato at gamit ng salita sa pakikipag-usap. Madalas din syang sabihan at paalalahanan nito na kumain ng maayos, huwag magpapagutom at huwag magpupuyat na lalong bumihag sa puso ng dalaga dahil sa unang pagkakataon ay may ibang taong nagpakita ng pag-alala at pagmamahal sa kanya.

Simula noon ay araw-araw na silang magka-usap sa cellphone na labis ng ikinabahala ng kanyang mga magulang dahil lumalayo si Mia kapag nakikipag-usap siya kay Alex. Marami ding napansing pagbabago ang kanyang magulang sa kilos nito. Dahil simula noong nagkaroon na ng ugnayan ang dalawa madalas ay cellphone na lang ang hawak ni Mia na pawang laging naghihintay sa pagtawag ni Alex. Nakakatulong pa rin sya sa mga gawaing bahay ngunit nababahala ang kanyang mga magulang dahil sya ay 19 years old pa lamang at ang kanyang laging kausap ay 39 years old na. Alam nila kung paano ang galaw ng mga lalaki sa modernong panahong ito lalo na sa kalakhang Maynila. Nag-aalala sila na baka maloko lang ang kanilang anak at umasa sa wala bagamat hindi pa nagkikita ulit sa personal sina Alex at Mia. Ito ang pinaka-iniiwasan ng kanyang magulang, ang magkita ang magkasintahan at baka kung anong gawin ni Alex sa kanilang inosenteng anak. Walang kaalam-alam si Mia pagdating sa pakikipag-relasyon dahil wala pa itong karanasan.

Hindi napigilan ng ina ni Mia na kausapin ang anak tungkol sa bagay na ito at pagsabihan. Alam nya kung ano ang makabubuti sa kanyang anak kahit sabihin pang mahirap at wala silang pinag-aralan. Pinalaki nilang maayos si Mia, magaling , mabait na bata at may takot sa Dios. Ayaw nilang mapariwara ito katulad ng mga nababalitaan nila sa mga kapit-bahay maging sa balita sa tv at sa radyo. Ang nais nila ay simpleng buhay lamang para sa anak. Hindi nila makakaya na may mangyaring masama dito o iwanan at saktan lamang ng magiging katuwang sa buhay nito.

Dito muna magtatapos ang unang bahagi ang kwento tungkol sa isang inosenteng dalaga na walang ibang hangad kundi ang ikabubuti ng kanyang pamilya. Tunghayan ang susunod na kabanata ng kwento at sabay-sabay nating alamin ang magiging desisyon ni Mia na magdudulot ng malaking pagbabago sa kanyang buhay at pagkatao.

1
$ 0.17
$ 0.17 from @TheRandomRewarder
Sponsors of rosienne
empty
empty
empty
Avatar for rosienne
Written by   47
3 months ago
Enjoyed this article?  Earn Bitcoin Cash by sharing it! Explain
...and you will also help the author collect more tips.

Comments