Edukasyon: susi sa pag-unlad

0 2046
Avatar for rosienne
4 years ago

Maraming kabataan ang naliligaw ng landas at napapabayaan ang pag-aaral na dapat sana ay ang unang pinagtutuunan. Sa panahon natin ngayon maraming mga hadlang at balakid na dahilan ng mga ilan kaya hindi nakakapagtapos ng pag-aaral. Ngunit ano pa man sana ang mangayari ating sikapin na makapagtapos ng pag-aaral dahil isa ito sa ating pwedeng gamiting armas upang makibaka sa araw-araw na pamumuhay.

Kahalagahan ng edukasyon

Ang edukasyon ang tanging maipapamana ng isang magulang sa kanyang anak na hindi kailan man makukuha o mananakaw ng iba. Mahalagang bahagi ng pagkatao ang pagkakaroon ng diploma upang mapabuti niya ang kanyang kapalaran at mapadali ang pagkamit sa pangarap at magtagumpay. Isa rin ito sa pangunahing pangangailangan ng sino man. Mas maraming oportunidad ang naghihintay sayo kung ikaw ay may pinag-aralan. Mas mataas ang iyong pagkakataon na makakuha at matanggap sa trabaho kapag ikaw ay nakapagtapos ng pag-aaral. Makakatulong din ito upang maging mataas ang tiwala at tingin natin sa ating sariling kakayahan. Mas malaki ang iyong pagkakataon na magkaroon ng maayos na pamumuhay kahit na magkaroon ka na ng pamilya at hanggang sa iyong pagtanda. Makakatulong ito upang mabawasan ang kaso ng kahirapan ng isang bansa dahil mas marami ang may kakayahan na makapag-trabaho ng maayos at makakabayad ng buwis na isa sa pinagkukunan ng pondo ng mga ahensya ng gobyerno.

Napakahalaga ng pagkakaroon ng kasanayan at kaalaman sa isang bagay. Ito ang magiging susi natin sa pag-unlad para sa ating sarili, pamilya at komunidad. Ngunit hindi pa rin maiiwasan ang mga balakid at hadlang para sa iilan upang makamit ang diplomang hinahangad. Pag-usapan natin ang mga bagay na nakakaapekto kung bakit may mga kabataan na hindi nagagawang makapagtapos ng pag-aaral.

Dahilan kung bakit hindi nakakapagtapos ng pag-aaral ang ilang mga kabataan.

Kahirapan

Ang kasalatan at kahirapan ng pamumuhay ay isa sa dahilan ng mga magulang kung bakit hindi nila napagtatapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak. Maraming pinagmumulan ng kahirapan kabilang na dito ang pagkakaroon ng dami ng miyembro ng pamilya. Habang dumadami ang bilang ng pamilya dumarami din ang bilang ng bayarin, lumalaki ang konsumo sa pagkain at pananamit at iba pang pangangailang ng bawat isa. Dito nagsisimula ang kagipitan at nauuwi sa kahirapan at hindi na kakayanan tustusan ang lahat ng pangangailangan ng mga anak katulad ng edukasyon. Maaring mapagtapos hanggang hayskul ngunit hirap na hirap ng itaguyod pagdating sa kolehiyo dahil sa dami ng bayarin. Dito nauuwi ang maagang pakikipagsapalaran ng ilang kabataan na napipilitan maghanap ng trabaho sa murang edad pa lamang upang makatulong na kanilang sa magulang.

Maagang nakikipagtipan o nag-aasawa at nabubuntis

Maraming kabataan ang hindi marunong magkontrol ng bugso ng kanilang emosyon na nauuwi sa maagang pakikipag-tipan at relasyon na nagdudulot ng maagang pagbubuntis at dahilan upang hindi na makapagpatuloy sa pag-aaral. Nagiging abala na sila sa pag-aalaga sa anak na dapat sana ay nasa paaralan at nagpapayaman ng kaalaman at karurungan.

May ilan din na nakakapagtapos ng pag-aaral pagkatapos nilang manganak dahil sa pagpupursige na magkaroon at mabigyan nila ng magandang buhay ang kanilang anak. Sa ganitong paraan kakailanganin mo ang suporta ng iyong pamilya pati na rin ng iyong katipan.

Impluwensya ng barkada at bisyo

Maaring may isa sa sampung estudyante ang hindi nakakapagtapos ng pag-aaral sa kadahilanan ng pagkakaroon ng bisyo na dala ng maling pakikisama sa barkada. Maraming kabataan ang nalululong sa droga. Ang bisyo sa alak at sigarilyo pati na rin ang pagkalulong sa mga online games ay isa na sa nakakaapekto sa performance ng estudyante dahilan ng kanyang pagbagsak sa klase.

Problema sa pamilya at pagpapabaya ng magulang

Isa sa mga dahilan ng pagrerebelde ng isang estudyante kung mayroong kinakaharap na problema ang pamilya isa na dito ang pagkakaroon ng ibang babae ng padre de pamilya. Minsan ay napapabayaan ng padre de pamilya at hindi na natutustusan ng maayos ang pangangailangan ng kanyang mga anak. Maaring magbigay ito ng paraan na makaranas ang anak ng depresyon at mapabayaan ang pag-aaral.

May mga magulang din na pabaya sa pangangailangan ng anak. Hindi makuhang tingnan ang mga anak dahil sa kaabalahan sa ibang bagay. Inuuna ang kapakanan at pangangailangang pansarili kaysa sa pangangailangan ng anak.

Ang aking mga nabanggit ay iilan lamang sa mga nakikita at obserbasyon ko sa ating kapaligiran at komunidad.

Upang hindi mapariwara ang isang kabataan kailangan nya ng gabay ng mga magulang. Ang mga guro ay tumatayong pangalawang magulang lamang at limitado lang ang kanilang kakayahan upang madisiplina at maturuan ang mga kabataan. Ang responsibilidad ng magulang na mapag-aral ang anak ay hindi magiging matagumpay kung hindi rin nito nabibigyan pansin ang iba pang mga pangangailangan. Hikayatin natin sila na magtapos ng pag-aaral upang magkaroon sila ng magandang buhay at kinabukasan. Ilayo natin sila sa mga bagay na makaka-abala sa kanilang pag-aaral upang maisakatuparan natin ang layuning ito.

Maraming salamat!
Like, upvote and subscribe!
@rosienne

3
$ 0.85
$ 0.85 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
4 years ago

Comments