Join 76,249 users and earn money for participation

Delivery Rider

0 2 boost
Avatar for rosienne
Written by   47
1 month ago

Medyo matagal-tagal na rin akong natigil sa pagsulat o paggawa ng artikulo dahil sa maraming bagay lalong-lalo na ay wala sa kondisyon ang aking isip para makalikha ng maayos na konteksto. Subalit ngayong araw ay napagdesisyunan ko na bumalik sa pagsulat para muling mahasa ang aking kakayahan sa paglikha ng artikulo base sa aking mga nakikita, naririnig at nasasaksihan sa aking kapaligiran.

Tatalakayin ko ngayon ang buhay ng isang delivery rider sa kalsada at ang mga benepisyo, positibo at negatibong bagay patungkol sa kanila. Ito ang napili ko dahil ang asawa ko mismo ay isang delivery rider. Isa-isahin natin ang mga bagay tungkol sa kanila lalo na kung paano ang kanilang pamumuhay sa araw-araw sa gitna ng kalsada lalo na ngayon na may pandemya.

Buhay ng isang Delivery Rider sa kalsada

Lahat naman siguro tayo ay alam nating hindi madali ang kanilang trabaho lalo na at lapitin sila ng aksidente dahil maghapon at magdamag silang nasa kalsada umulan man o umaraw. Mahirap bumyahe ng sobrang tirik ang araw bukod sa pangingitim ng kanilang balat ay maaari silang madehydrate sa kalagitnaan ng kanilang pagbabyahe para maka-quota lamang. Kamakailan lamang ay may napanood akong delivery rider na bigla na lamang tumumba pagkatapos nyang iparada ang kanyang motorsiklo sa gilid ng kalsada. Inatake pala sya dahil na rin siguro sa init at pagod, ngunit sa kasamaang palad ay nasawi ito habang dinadala ng mga tumulong na kapwa riders sa hospital.

Mas lalong delikado namang bumyahe habang umuulan dahil madulas ang kalsada ngunit dahil ito ang napili nilang trabaho ay kinakaya nila para lamang mapaganda at maayos ang kanilang serbisyo lalo na sa kanilang mga kliyente na naghihintay na matanggap ang kanilang mga order. Ang akala ng iba ay madali lamang maging riders dahil nakikita nila bumabyahe lang, magpipick-up at drop off ng items pero di nila alam na maraming balakid ang kinakaharap ng mga riders katulad na lamang ng mga sumusunod:

  1. Minsan may mga costumer na matagal lumabas ng kanilang bahay hindi nila alam malaking abala iyon sa mga riders lalo na kung may hinahabol na quota kada araw ang mga ito.

  2. Matinding traffic. Isa ito sa mga problema nila para maihatid ang items on time. Hindi madali ang sumingit sa mga sasakyan kahit pa sabihin na motorsiklo ang gamit nila dahil isang pagkakamali mo lamang sa pagmamaneho ay maaari kang madisgrasya o kaya naman ay masira ang items mong dala.

    Ibayong pag-iingat ang ginagawa nila para maka-uwi sila ng ligtas sa kanilang pamilya araw-araw pero madalas mas iniingatan pa nila ang mga dala nilang items para wala silang matanggap na reklamo sa mga costumer at kompanya nilang pinagtatrabahuhan.

  3. Mali ang pin location ng costumer. Minsan may mga ganitong pangyayari na kung saan ang rider pa mismo ang kailangang mag-adjust para maghanap ng tamang lugar ng pagkukuhanan at pagdadalhan ng items. Minsan mas malayo pala ang pagdadalhan ng items kaya nalulugi ang ilang riders.

  4. Mga kostumer na masusungit at hindi marunong magsalita ng english o kaya ay tagalog. Nai-kwento ng asawa ko na madalas syang maghatid sa mga Chinese sa mga condo sa Manila pero hindi sila magkaintindihan kahit pa kinakausap nya sa wikang Ingles. Ngunit ang importante naman sa lahat ay mai-deliver nya ang items ng maayos at mabayaran sya nito.

  5. Kapag malakas ang ulan ay hindi sila umaabot sa nakatakdang oras kahit pa nakasuot sila ng kapote lalo na kung binabaha ang lugar na kanilang dapat puntahan. Hindi pwedeng ipagsapalaran nila ang kanilang motorsiklo sa baha para lamang sa isa o dalawang items dahil hindi biro kapag nasiraan ng motor.

  6. At dahil nasa kalsada sila prone sila sa aksidente lalo na sa gabi. Delikado ang kanilang trabaho pero para sa pamilya kumakayod sila kahit hanggang madaling araw.

  7. Minsan ay nabibiktima sila ng mga scammer na madalas nagpapa-abono at ng mga tinatawag na fake booking na kung saan fake identity ang gamit nila para makapag-order at pagdating ng rider sa pin location ay hindi nila mahagilap ang taong nakapangalan sa address na kanilang pinuntahan.

Kaya payo ko sa lahat lalo na sa mga mahilig umorder maging mapagpasensya po tayo sa mga riders. Huwag po natin silang susungitan o sisigawan dahil isa sila sa mga frontliners natin ngayong panahon ng pandemya. Mag-ingat na lamang po tayo sa pakikipag-usap sa kanila dahil expose sila sa labas.

Ngayon naman ay isa-isahin natin ang mga advantage ng trabaho ng isang delivery rider.

1.) Malaya at hawak mo ang iyong oras. Kadalasan ikaw ang magdedesisyon kung babyahe ka araw-araw o hindi. Nasa sa iyo din kung anong oras mo gustong magsimulang buksan ang app para tumanggap ng booking. Katulad ng asawa ko tuwing gabi sya bumabyahe dahil ayaw nyang maarawan. Hindi dahil sa ayaw nyang umitim kundi dahil baka magkasakit sya sa kapag bumyahe sya ng sobrang tirik ang araw. Bukod sa masakit sa balat maaari syang madehydrate dahil minsan mas inuuna nyang mai-hatid sa tamang oras ang item at para iwas din sa heat stroke.

2.) May mga incentives at iba pang benepisyo silang nakukuha bukod sa galing sa kompanya ay mayroon ding silang natatanggap na tip sa mga costumer. Minsan ay pera at minsan naman ay pagkain. Malaking tulong ang mga ito sa mga rider at sa kanilang pamilya.

3.) Maraming magagandang lugar na mapupuntahan o madadaanan. Laging nagsesend sa akin ng mga pictures ang asawa ko sa tuwing may madadaanan syang magagandang lugar at minsan doon na din sya tumatambay at naghihintay ng susunod na booking.

Katulad ng litratong ito kuha nya ito mismo sa lugar kung saan sya naghihintay ng panibagong booking at order.

4.) Matatanggap mo agad ang bayad pagkatapos mong maideliver ang items sa mga costumer. Hindi katulad sa kompanya na maghihintay ka pa ng kinsenas at katapusan para matanggap mo ang iyong sahod.

Hindi madaling trabaho ang pagiging delivery rider/driver. Kailangan kapag pinasok mo ang trabahong ito ay maghanda at magbaon kana ng napakahabang pagtatiyaga, pasensya at pang-unawa sa mga makakahalubilo mo sa kalsada at mga costumer na iyong makakaharap. Gaano man kahirap at kadelikado sa kalsada ay hindi nila ito alintana upang makapaghanap-buhay lamang ng marangal at may maipakain sa kanilang pamilya. Lalo na ngayong panahon ng pandemya, ito ang naiisip nilang trabahong mas madali at mabilis kumita ng pera dahil deretso na agad sayo ang pera. Makakabili ka agad ng mga kailangan mo at ng iyong pamilya na hindi mo na kinakailangan pang maghintay ng ilang araw o linggo.

Kaya payo at paalala ko po sa mga costumer at mahilig mag-online shopping, huwag po nating sungitan ang mga rider. Tao din po sila, minsan mali-late sila sa pagdeliver at minsan ay magkakamali. Hindi po iyon maiiwasan at sana iwasan din po natin na mang-abala. Kapag alam mo na parating na ang iyong inorder ihanda mo na ang iyong pambayad at lumabas ka kaagad ng bahay para hindi na sila maghintay ng matagal sa labas lalo na kung tirik na tirik ang araw o di kaya naman ay umuulan. Minsan po kasi may hinahabol silang quota para makakuha sila ng incentives. Malaking tulong din sa kanila kung bibigyan natin sila ng tip kahit lima o sampung piso lang yan.

Sana ay nagkaroon po kayo ng ideya at malawak na pang-unawa sa mga delivery rider natin pagkatapos ninyong mabasa ang artikulong ito.

1
$ 0.00
Sponsors of rosienne
empty
empty
empty
Avatar for rosienne
Written by   47
1 month ago
Enjoyed this article?  Earn Bitcoin Cash by sharing it! Explain
...and you will also help the author collect more tips.

Comments