Sa Ilalim ng mga Puwang

5 19
Avatar for baoxian23
2 years ago
Topics: Randomstory

Author's Note: this is written in my own language. I'm deeply sorry if Waley at trying hard, I'm really trying my hard to write in my own tongue.
......


Lingid sa kaalaman ng karamihan ay may isang mundong natatago sa ilalim ng mismong kalsadang nilalakaran natin. Isang mundong kapareha ng sa'tin ngunit kaiba rin.

May malamig na hanging umihip sa mukha ko. Ginusto kong bumahing, "Atsu!" Bumukas ang mga mata ko't halos mapatalon ako sa takot; isang babae ang nakapatong sa'kin. Nakangiti ito't siyang pinanggagalingan ng hangin. "Sino ka?" malakas kong bulyaw.

Mabilis niyang tinakpan ang bibig ko. "Huwag kang sumigaw binata, baka may makarinig sa'yo," bulong niya, ang mahaba niyang buhok nakalaylay sa'king mukha. "Malalagot tayo," dagdag pa niya; ang dilaw nitong mga mata ay nagliliwanag.

Tumango-tango ako, "Nasaan ako?"

"Sa bahay ko! Tara." Hinigit ako nito patayo. "Kailangan kitang ihatid sa lagusan bago pa lumubog ang araw."

"Lagusan?" nauutal-utal kong tanong.

Ang huli kong naalala ay ang paglalakad pauwi sa bahay. Nanaginip lang ba ako? Kinurot ko ang sarili, napangiwi ako sa ginawa ko. Masakit.

"Oo, lagusan papunta sa itaas." Tumuro ang babae sa kisame.

Nakainom ba ako? Baka nababaliw lang ang babae, ako kaya? Pero..."Nasa TV ba'ko? May mga kamera bang biglang susulpot?"

Natawa siya, "TV, ano 'yon? Pagkain ba iyon? Nakakatuwa ka naman, hindi ko akalaing mapagbiro pala ang mga tao!"

"Tao? Hindi ka ba tao?" Alam ko na ang sagot kahit pa hindi siya magsalita, ang balat nito nagmistulang asul sa ilalim ng artipisyal na ilaw.

Kagaya nang inaasahan, umiling ang babae, "Isa akong diwata." Lumabas sa likod nito ang natatagong puting pakpak.

Huminga ako nang malalim, kinakalma ang sarili. "Baka nga nanaginip ako--"

"Hindi ka nanaginip. Ti'gnan mo!" Itinulak ako nito sa may bintana at hinawi niya ang kurtina. "Mukha bang panaginip lang 'yan?"

Napansinghap ako, imposible...Imbis asul, kahel ang kulay ng kalangitan at rosas ang araw. Ang mga puno at halaman ay halos umabot na sa ulap. Pero hindi lang iyon; ang mga nilalang, para silang lumabas mula sa libro: diwata.higante.duwende.lobo at marami pang hindi ko na kayang pangalanan.

Napalunok ako, "Anong lugar 'to?" Napakapit ako sa biglang sumakit na ulo.

"Nasa Maynila ka."

"Hindi! Malabong mangyari ang bagay na'yon. Malayo 'to sa Maynilang alam ko."

"Pero totoo nga, nalaglag ka mula sa itaas sa bakuran ko. Dinala kita sa loob at baka makita ka nila. Lahat ng mga nalalaglag ay ikinukulong nila doon sa Muntinlupa! Hindi ka na makakalabas."

Kailangan ko ng gumising; Chase gising na! Nagsimula akong maglakad pabalik parito sa maliit na espasyo ng sala.

"Chase pala ang pangalan mo. Ako si Melania."

Namilog ang mga mata ko sa sinabi ng babae. "Binasa mo 'yung isip ko!"

Tumakbo ang babae sa harapan ko't muling tinakpan ang bibig ko. "Sinabi ko naman sa'yong 'wag kang sisigaw." Muli itong sumilip sa may bintana. "Kailangan na nating umalis, bago pa magsimula ang pagroronda." Saglit akong iniwan nito para umakyat sa hagdan, pagkababa niya'y may dala na itong bote. "Ibuhos mo iyan sa katawan mo."

Tumingin ako sa kaniya nang kakat'wa pero sumunod pa rin ako sa utos nito.

Lumabas kami ng bahay at naglakad sa kalsada. Kasalamuha ang mga kakaibang nilalang. "May hintuan ng bus dito?"

"Aba, oo naman."

"Bakit hindi na lang kayo lumipad? May pakpak ka naman."

"May oras kasi ng paglipad at may araw rin kung kailan lang puwede. Tuwing ikalawa at ikalimang araw lang ako. Nagkakatrapik kasi sa itaas."

Parang mga sasakyan lang rin pala. Hindi ko talaga lubos mawari ang mga bagay-bagay.

Matapos ang limang minutong paghihintay, may bus na huminto sa harapan namin. "Hindi kaya ako mahuli?" Tanong ko kay Melania; natatakot akong sumampa sa sasakyan.

"Oo nga pala. Naku!" Humampas ito sa ulo, "Hindi ka nila naaamoy dahil sa ipinaligo mo pero...sa loob ng bus, baka...kaya mo ba pigilan ang paghinga mo ng limang minuto?"

"Ano?"

"Wala na tayong magagwa, tara na. Tandaan mo 'wag kang hihinga."

Umaakyat kami sa bus at bumungad sa'kin ang mga laman nito. Agad na tumigas ang katawan ko sa mga nakita. Isang lobo ang nagmamaneho ng sasakyan. Sa pangalawang silya sa kanan kami naupo. Sa likuran namin ay isang nilalang na natatabunan ng buhok ang nakaupo, tanging ang mga mata lang niya ang nakalitaw. Sa gilid naman ay isang malaking puting kabayo ang nakap'westo.

"Hindi ka ba tinuruan na masama ang tumitig?" Singhal ng kabayo.

Napabalikwas ako sa pagkakaupo. Humigpit ang pagkakapit sa kamay ko ni Melania at napukol ang mga mata ko sa suot na pulang sapatos. "Kaya mo 'yan," bulong sa'kin ng kasama.

Malapit na, paulit-ulit kong bulong sa sarili. Mabilis ang takbo ng sasakyan, para itong kanyon sa bilis pero matapos ang tatlong minuto ay hindi ko na kinaya. Lumabas ang hangin sa bibig ko.

Lahat ng lulan ng sasakyan ay bumaling ang atensyon sa kinauupuan ko. Maski ang lobong drayber ay huminto para lingunin ako.

"Pagkabilang ko ng tatlo, tatakbo tayo. Isa, dalawa, tatlo. Takbo!"

Mabilis kaming kumilos ni Melania para makababa ng bus.

May tao!

Isang dayo!

Traydor!

Dinig kong sigaw ng mga nilalang sa bus. Hindi kami huminto ni Melania, tumakbo kami nang tumakbo. Walang hinto. Takot ang tanging laman ng puso ko.

"Ipapakalat na sa mga mangkukulam ang itsura mo, kailangan mong pumasok ng sagradong lugar. Andoon sa altar ang lagusan pabalik."

"Bakit mo ako tinutulungan?"

"Ang mga tao ay isang alamat para sa amin. Matagal ko ng gustong makakita ng kagaya mo, isang nilalang mula sa kuwento ng aking lolo. Umibig siya sa kagaya mo, isang dayong nalaglag mula sa puwang sa kalangitan pero pinaghiwalay sila at...hindi na muling nagkita pa. Hindi ko gugustuhing makulong ka."

Lumiko kami sa isang eskenita at lumabas kami sa harapan ng simbahan ng Quiapo.

"Magiging ayos ka lang ba?"

Isang malungkot na ngiti ang isunukli nito sa'kin. "Oo naman. Bilisan mo't kapag lumagpas ka bago sumikat ang araw ay hindi ka na makakaalis."

"Paalam." Tumalikod ako't pumasok sa simbahang walang tao, hindi ako lumingon, patuloy akong naglakad papunta sa altar.

Isang ilaw ang bumulag sa'kin at hindi ko alam kung ano ang nangyari pero, nang imulat ko ang mga mata'y nasa gitna na ako ng misa.

3
$ 2.31
$ 2.23 from @TheRandomRewarder
$ 0.05 from @Marinov
$ 0.03 from @Hanzell
Sponsors of baoxian23
empty
empty
empty
Avatar for baoxian23
2 years ago
Topics: Randomstory

Comments

Nagandahan ako sa kwento mo at medyo bitin.hahaha..Naisip ko kaya ka tinulungan ni Melanie kasi may gusto sayo.hahah

$ 0.00
2 years ago

Hahahhaa

Thank you po sa pagbabasa

$ 0.00
2 years ago

Ay bat ganun sis? Kinilabutan ako jusko

$ 0.00
2 years ago

Hahahaha naging horror ba

$ 0.00
2 years ago

Medyo hahaha

$ 0.00
2 years ago