Tagumpay sa Kabila ng Kahirapan | 2
Ito ang unang kabanata: https://read.cash/@abieyy/tagumpay-sa-kabila-ng-kahirapan-1-8bd8d141 ***...."Hayaan mo hahanap ako ng paraan para magkaroon ulit ako ng trabaho at pati na din matustusan ang pag-aaral ng ating anak" sabi ng kaniyang tatay habang magkayakap sila*** Tila naging isang kandila si Luffy na unti unting natutunaw. Gusto niyang sisihin ang Poong Maykapal dahil bakit sa dinami dami ng tao sa mundo sila pa ang nakaranas ng hirap sa buhay. Unti unting bumabalik ang mga alaala ang mga araw na nagdaan. Naalala niya noong galing siya ng paaralan naabutan niyang problemado ang kaniyang nanay kung saan kukuha ng kanilang hapunan. Wala silang nagawa kaya kamoteng kahoy na lang ang kanilang kinain. Sumunod na araw bagoong naman ang kanilang inulam ganoon din pagdating ng tanghalian at hapunan. Tuluyan na siyang napahagulgol ng naalala niya ang araw na kahit ni isang butil ng bigas wala sila at kahit isang piso wala sila. Mabilis na tinakpan ni Luffy ang kaniyang bibig upang hindi siya mahalata ng kaniyang magulang na umiiyak. Ayaw niyang makitang mahina siya dahil lang hindi na siya makakapag-aral. Tulad ng sabi ng kaniyang tatay, gagawa din siya ng paraan upang makapagpatuloy sa pag-aaral. Dahil naniniwala siyang hindi hadlang ang pagiging mahirap ng isang tao upang makamit ang minimithiing pangarap. Mabilis na pinunasan ni Luffy ang basa niyang mukha para makapunta na sa kusina. Hinanda na ng kaniyang nanay ang kanilang kakainin at umupo na silang tatlo. Bago sila magumpisang kumain, nagdasal muna sila upang makapagpasalamat sa Poong Maykapal sa mga biyayang ibinibigay niya kahit salat sila sa buhay. Tahimik na kumain ang pamilya hanggang matapos sila. Si Luffy na ang nagprisintang maghugas ng kanilang pinagkainan kahit iniinda na niya ang sakit sa katawan at doble dobleng pagod. Dahil mas gugustuhin niyang siya ang mapagod huwag lang ang kaniyang magulang. "Kakayanin ko lahat ng pagsubok na darating sa akin, mananalig ako sa Poong Maykapal at malaki ang tiwala ko sa kaniya kahit na kinamuhian ko siya ng isang beses noon" bulong ni Luffy habang naghuhugas ng pinggan Maririnig ang mga tunog ng kuliglig, tunog ng mga palaka, at huni ng iba't-ibang insekto sa buong paligid. Sa ilalim ng liwanag ng buwan, katahimikan ang namamayani sa paligid. Nagsindi ng kandila si Luffy para magkaroon ng liwanag sa loob ng bahay. Isa Isa niyang nilabas ang kaniyang kwaderno para magawa na lahat ng kaniyang asignatura. Gusto niyang makapagtapos ng pag-aaral dahil sa paraang ito maiaangat niya sa buhay ang kaniyang magulang. Pinatay na niya ang kandila para makatulog na. Araw-araw ganoon ang naging buhay ni Luffy, gigising ng maaga para tulungan ang nanay niya para magluto ng ititindang kakanin, sa hapon naman magiging tagahugas siya sa isang karinderya, at pagdating ng gabi uuwi ng bahay na may dalang bigas at ulam. Hindi naaalis ang pagiging aktibo sa klase ni Luffy bagaman may iniinda itong problema. Nagkaroon din ng trabaho ang kaniyang tatay bilang isang magsasaka sa kalapit na baryo. Lumipas ang mga araw at buwan, at naging maganda naman ang takbo ng kanilang pamumuhay. Araw araw na silang kumakain hindi tulad noon na paminsan minsan lang. Madaming mga batang nagkalat sa daanan, mga bahay na punong puno ng palamuting umiilaw sa kanilang bahay, mga palamuting nakasabit sa labas ng bahay, at madaming taong nagkakasiyahan mapabata man yan o mapatanda. "Buwan na naman ng Disyembre, ibig sabihin malapit na ang Pasko" nakangiting sambit ni Luffy Ramdam na ramdam na ang presensiya ang kapaskuhan sa buong nayon. Tiyak na pinaghahandaan nila ang nalalapit na Pasko. Umuwi na si Luffy sa kanilang bahay ng oras na iyon. Dahil lingid sa kaalaman ng lahat may hinaharap silang malaking hamon ngayon. Hindi niya alam kung bakit nagagawa niya pa ring ngumiti kahit hirap na hirap sila. Hindi niya alam kung kakayanin niya pang mabuhay. Hindi niya na alam ang dapat na gawin, at umaasa na lang siya na balang araw. maging magbago ang lahat. Napatigil siya sa paglalakad ng may tumatawag sa kaniyang pangalan. "Luffy! Ikaw ba iyan?" hinihingal na sabi ng lalaki "Opo ako nga po, may kailangan ba kayo sa akin?" sagot naman niya "Nasaan ang iyong nanay at tatay?" kinakabahang tanong ng lalaki "Umalis po sila simula kaninang umaga, pumunta po sa bayan upang maghanap ng trabaho wala po kasi kaming nakakain sa araw araw" mahabang sambit ni Luffy "Naku! Huwag naman sana baka mali lang ang nasagap kong balita" mahinang bulong ng lalaki "Ano po? Bakit niyo po ba natanong kung nasaan sila nanay at tatay?" "Maaari ka bang sumama sa akin ngayon Luffy?" Bago pa makasagot si Luffy may nararamdaman na siyang kakaiba na para bang nag uudyok sa kaniya na sumama sa lalaki. Hindi na nagpatumpik tumpik pa si Luffy kaya lakad takbo ang ginawa niyang pagsunod. Habang tumatakbo madami siyang naisip na hindi maganda Sana ligtas ang kaniyang pinakamamahal na magulang. Sana hindi tama ang hula niya na sa mga nangyayari Naguguluhan siya at parang may nakaturok na kutsilyo sa kaniyang dibdib. Para bang may ipinahihiwatig ito sa kanya. Mabilis na nakarating sila Luffy sa bayan, wala siyang ibang ginawa kundi ang hanapin ang kaniyang magulang. Gusto niyang makitang maayos lang ang kaniyang nanay at tatay. Sa pagkakataong iyon, para siyang sinaksak ng ilang ulit sa kaniyang nasaksihan. Unti unting nagsilaglagan ang namuong butil ng luha ni Luffy pababa sa kaniyang pisngi. Unti unti niyang naikuyom ang kaniyang dalawang kamao. Mula sa kinatatayuan niya, makikita ang kumpulan ng tao na para bang may tinitignang bagay. Hindi makagalaw si Luffy, dahil alam na niya kung sino ang nakahandusay sa malamig na kalsada. Hindi niya alam kung bakit humantong ang lahat dito. Hindi niya alam kung sino ang walang pusong gumawa nito sa kaniyang magulang. "N-a-nay! T-a-tay! Hindi pa kayo patay, hindi ako naniniwala! Maayos pa kayo 'di ba? Magsalita naman kayo! Hi-hindi n-iyo po ako p-pwdeng iwanan! Malapit na ang Pasko 'di ba? Sama sama tayong tatlo na ipagdiriwang iyon. Nag iipon na nga ako para may pambili ng regalo sa inyo para na din mayroon tayong handa dahil alam kong hindi niyo na kayang magtrabaho pa. Gumising na kayo diyan nanay at tatay para makauwi na tayo!" umiiyak na sigaw ni Luffy Awang awa ang mga taong nasa paligid ni Luffy dahil sa nangyaring masamang nangyari sa kaniyang magulang. Naawa din sila dahil sa murang edad pa lang ay nawalan na agad siya ng magulang "Ipinapangako ko sa inyo na gagawin ko ang lahat para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay niyo. Gagawa ako ng paraan para matugis ang walang pusong may gawa nito sa inyo. Pangako ko rin po sa inyo na magtatapos ako ng pag-aaral kahit anumang hirap ang danasin ko lalo na't wala na akong karamay sa buhay. Pangako ko iyan nanay at tatay. M-a-hal na ma-ahal ko po k-ayo" sambit ni Luffy habang bumabagsak ang mga luha niya Kasabay ng pagtayo niya ay siya ring pagdating ng mga awtoridad. Sunod sunod na nagsilabasan ang mga pulis sa sasakyan upang masuri ang bangkay ng kaniyang magulang. Ito na rin ang huling pagkakataon na masisilayan niya ang kaniyang magulang. Hindi niya mapigilang humagulgol dahil sa sakit na nararamdam. Hindi niya labis maisip na ang walang labang ina at ama ay pinatay ng sinuman. Kinausap siya ng mga pulis na aalamin ang nangyari ukol sa naganap pagpatay. Naniniwala siya na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kaniyang magulang Nagpasalamat siya sa mga pulis at ipinaubaya na niya ag lahat sa kanila. Abangan ang huling kabanata! Salamat sa pagbabasa :)
No comments yet